Gruss Vom Krampus

25 0 0
                                    

"Kapag ikaw ang may hawak ng pluma, kontrolado mo ang tinta."

Ilang buntong-hininga na rin ang pinakawalan ni Dominique habang sakay sa pampublikong bus patungo sa probinsya ng kaniyang matalik na kaibigang si Halima. Napagdesisyonan niya kasing sa probinsya nito siya magpapasko, pero ayaw naman siyang payagan ng kaniyang kakambal na si Dominic. Wala raw kasi itong tiwala sa kaibigan niya dahil bago pa lang niya ito nakilala. Kaya hayon, sumama ang lalaki sa kanilang magkaibigan.

Wala nang magulang ang dalawang kambal, parehong only child ang magulang nila kaya nang mamatay ang mga ito, naiwan silang dalawa sa buhay. Iyon din ang dahilan kung bakit bantay-sarado talaga siya sa lalaki. Lagi itong nakaaligid at nakasunod sa kaniya saan man siya magpunta.

"Sinabi na kasing huwag na sumama, e! Ang KJ masiyado!" inis na wika ni Dominique habang magkasalubong ang dalawang kilay at nakatanaw sa labas ng bintana ng bus.

Natatawa namang umiling sa kaniya ang kaibigang si Halima. "Ikaw talaga... hayaan mo na, Nique. Nag-aalala lang naman sa 'yo ang kakambal mo. At saka, mabuti nga 'yan, dalawa na kayo ang bisita namin."

Lumingon naman si Dominique sa kaibigan habang may mabining ngiti sa labi. "Sure ka bang okay lang sa mga magulang mo, Hali? Baka kasi magalit sila. May bitbit-bitbit kang lalaki," pag-aalala niyang tanong. Ngumiti naman sa kaniya ang babae bago tumango ng ilang beses.

Kahit ilang oras na ang lumipas, hindi pa rin nawawala ang kunot sa noo ni Dominique. Malayo sa Maynila ang probinsya ng kaniyang kaibigan ngunit ni hindi niya iyon alintana sa labis na inis. Bata pa lamang ay ayaw na talaga niya sa kaniyang kakambal. Lagi kasi siyang natutukso noon na may kambal tuko raw siyang laging nakasunod sa kaniya. Kahit hanggang sa pagdadalaga't pagbibinata ay hindi nawala ang galit niya rito.

"Nique, uminom ka muna ng tubig. Hindi ka kumain ng agahan nang umalis tayo kanina sa bahay," may himig pag-aalalang sabi ng kaniyang kakambal mula sa likod.

Matalim naman ang mga titig nang bigla niya itong lingunin. "Ikaw ang uminom kung gusto mo! Pakialamero," nanggigigil niyang wika. Sobrang init ng dugo niya rito. Naiinis siya sa isiping baka pati sa pag-aasawa niya ay sumama pa rin ito sa kaniya. Kung hindi niya nga lang ito kakambal, iisipin niyang may problema ito sa pag-iisip. Super protective kasi ito to the point na nakasasakal na.

"Sorry, Nique," muli niyang narinig mula sa likod. Pero wala siyang pakialam sa kung anuman ang isipin o maramdaman ng kakambal. Nasanay na siya na ganoon ang trato niya rito, hindi rin naman nagrereklamo ang lalaki. Sa halip, ito pa ang humihingi sa kaniya ng sorry.

"Palibhasa kasi may sayad," pabulong niyang wika.

Napailing naman sa kaniya ang kaibigang si Halima. "Masama 'yan, girl... " sabi pa nito na inirapan lang niya.

Sa palagay ni Dominique, halos sampung oras din ang tagal ng kanilang biyahe bago huminto ang bus sa isang tahimik at madilim na lugar. Gabi na nang mga oras na iyon. Dahil sa labis na pagod, padabog siyang bumaba sa taas ng bus. Pinanayuan pa siya ng mga balahibo nang sumalubong sa kaniyang balat ang malamig na simoy ng hanging nagmumula sa kagubatan.

"Nasaan tayo?" tanong ng kaniyang kakambal habang nakatuon ang mga mata sa madilim na gubat. "Dito ba ang sa inyo, Halima?" dagdag pa nito.

Tumango naman nang may malapad na ngiti si Halima sa kanilang dalawa. "Welcome!" masigla nitong sabi. Tila excited itong nakauwi muli sa lupang sinilangan.

Napatingin naman si Dominique sa makipot na daan sa kanilang harapan na papasok sa gubat. Ang sabi sa kanila ni Halima, nasa loob pa raw ng kagubatan ang kabahayan ng pamilya at ilang kapitbahay nito. Nagtaka naman siya, sobrang dilim kasi roon at ang tatayog pa ng mga damo. May mga naninirahan din pala sa ganoong klaseng lugar?

Espasiyo ng PusaWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu