Kalapating Mababa ang Lipad

92 3 0
                                    

———

MALAMYOS ang panimula ng awiting pumapailanlang sa malayong radyo. Makulimlim ang kalangitan at malamig ang simoy ng hanging tila hudyat sa nalalapit na pagbuhos ng ulan.

Nakatayo si Lorenzo sa lilim ng punong mangga sa hardin ng hospital habang hawak sa kaniyang kamay ang kumpon ng kulay lilang mga bulaklak. Isang malalim na hininga ang kaniyang hinugot nang sa wakas ay nagkaroon ng lakas ng loob na lapitan ang babaeng kanina pa niya pinagmamasdan, saka inalay rito ang hawak na mga bulaklak.

"Para sa akin?" untag ng babae.

Mabilis naman niyang kinuha ang kuwaderno sa kaniyang bulsa at isinulat doon ang gustong sabihin.

"Pasensya ka na. Gusto ko lang ibigay ang mga bulaklak. Hindi kita naririnig, bingi ako."

Mababakas ang pinaghalong gulat at awa sa mukha ng babae. Tinitigan siya nito nang ilang segundo habang nakakunot ang noo, at pagkatapos ay inabot ang kuwardenong hawak niya upang magsulat doon.

"Pasensya na rin, saka maraming salamat para dito. Pero bakit mo 'to binibigay sa 'kin?"

Mabilis na gumuhit ang malapad na ngiti sa mga labi ni Lorenzo nang mabasa ang tugon ng babae. Umupo siya sa tabi nito at muling nagsulat sa kuwaderno.

"Kamukha mo kasi ang nobya ko," basa ng babae sa isinulat niya. Natigilan ito at matagal na tinitigan ang kuwadernong hawak pa rin niya. Ilan sandali pa, sumilay ang matamis na ngiti mula sa mga labi nito.

"Ano bang pangalan ng nobya mo? At nasa'n siya?"

Ngumiti si Lorenzo nang mabasa ang tanong na isinulat ng babae. Muli siyang nagsulat sa kuwaderno at matapos ng ilang minuto ay muli itong ibinalik sa dalaga.

"Lena ang kaniyang pangalan. Narito siya ngayon sa hospital, nagpapagaling sa sakit niya."

Matagal muling pinakatitigan ng babae ang kuwardeno. Makalipas ang ilang minuto ay napatingin ito sa kaniya. Mapait siyang napangiti nang makita ang pinaghalong lungkot at pagtataka sa mukha ng babae.

"Bakit? Ano'ng nangyari sa kaniya?"

Ipinabasa nito sa kaniya ang tanong. Muling sumilay ang mapait na ngiti sa kaniyang mga labi, at tuluyang natahimik nang muling magbalik sa kaniya ang mga pangyayaring isang buwan na'ng nakalilipas.

"MAAARI na kayong umuwi," nakangiting anunsiyo ng dalawampu't limang taong gulang na gurong si Lorenzo sa kaniyang mga estudyante. Ang ilan sa mga ito ay nagsilabasan na upang makauwi habang siya naman ay nanatiling nakatayo sa harap ng pisara, isa-isang nililigpit ang kaniyang mga gamit.

Ilan sandali pa, napansin niya ang pagtayo ni Ara mula sa dulong bahagi ng silid. Sila na lamang ngayon ang natitira sa loob ng silid-aralan. Matulin itong naglakad palapit sa kinaroroonan niya habang mariing nakapukol ang mga mata sa kaniya.

Nang mag-angat siya ng mukha ay nagsalubong ang kanilang paningin. Mabilis na sumilay ang nang-aakit na ngiti mula sa mapupula nitong mga labi. Agad naman siyang nag-iwas ng tingin at muling ibinalik ang atensyon sa mga gamit.

"Hi, Sir Lorenz," malambing nitong bati. Umupo pa ito sa kaniyang mesa upang makuha ang atensyon niya. Kaswal naman siyang ngumiti rito at tumango bago muling nagbaba ng ulo.

Waring nadismaya ang babae sa kaniyang ipinakita. Sumimangot ito at umirap pa bago tumayo at tuluyang nagpaalam.

"Sige, bukas na lang ulit, sir," ani Ara sa bagong gurong pinagpapantasyahan ng karamihan sa mga babaeng estudyante nito.

Nang tuluyang makalabas ng pintuan ang babae; naiiling na naupo si Lorenzo sa kaniyang silya. Usap-usapan kasi sa kanilang opisina na nakikita itong kung kani-kaninong lalaki sumasama. Sobrang nanghihinayang siya rito. Wala naman magawa ang mga kapwa niya guro; anak kasi ng kilalang pulis ang babae.

Espasiyo ng PusaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon