29th Day of February

65 2 0
                                    

———

TUMUNOG ang selpon ni Geraust na naging dahilan upang mawala ang kaniyang atensyon sa daan. Mabilis niya itong kinuha mula sa bulsa ng kaniyang pantalon at bumungad sa kaniya isang mensahe.

Binuksan niya iyon sa pag-aakalang galing ang mensahe sa nakatatandang kapatid na babae. "Ruhale St. Brgy. Calzada Tipas, Taguig," basa niya sa mensahe ng nakatatandang kapatid.

Alas diyes na ng gabi pero heto siya, binabagtas ang daan patungo sa address ng kanilang customer na um-order ng birthday keyk sa kanilang shop. Napapailing pa siya habang nagmamaneho, panigurado alas dose ng gabi na siyang makababalik sa Maynila.

Paano naman kasi, ang layo na nga ng address ng kanilang customer, ang bagal pa niyang magmaneho.

"Tiyak na magagalit si Ate Emma nito," wala sa sariling nasabi ni Geraust bago inapakan ang aselerador ng sasakyan.

Nagdesisyon siyang bilisan nang kaunti ang pagpapatakbo ng kotse, pero makalipas lang ang ilang minuto, ibinalik niya sa rating bilis ang kaniyang takbo. Hindi niya kasi maatim na maaring mangyari ang aksidente noon. Naging pabaya siya sa pagpapatakbo, kaya bumangga ang kotseng minamaneho niya sa poste—at pagkawala ng memorya ang naging bunga ng aksidenteng iyon.

Apat na taon na ang nagdaan, ngunit hanggang ngayon, kaunti lang sa kaniyang mga alaala ang nagbalik. Iyon din siguro ang dahilan kung bakit naging matatakutin siya sa pagmamaneho nang mabilis. Pero ano ba ang kaniyang magagawa? Halatang masama ang timpla ng Ate Emma niya kanina. Ayaw na niyang dagdagan pa ang init ng ulo nito, kaya kahit napipilitan, nagpresinta na siyang mag-deliver ng in-order na keyk.

Ilang oras pa ay napansin na ni Geraust ang iilang bahay na nadadaanan—pakonti nang pakonti ang kabahayang natatanaw niya. Pagkaraan lang ng kalahating oras ay wala na siyang makitang bahay. Tanging ang mga nagtataasang damo at malalaking puno na lang ang matatanaw sa labas ng sasakyan. Tanging ang ilaw na lang din sa harap ng kaniyang kotse at liwanag na nanggagaling sa malaki at bilog na buwan ang nagsisilbing ilaw niya sa daanan.

Ilang saglit pa ay natanaw na ni Geraust ang isang malaki at lumang bahay sa may 'di kalayuan.

"Ito na nga ba 'yon?" naitanong pa niya sa sarili habang mabagal na pinapatakbo ang kotse. "Bakit parang wala yatang tao?" dagdag pa niya habang nakakunot ang noo.

Nagdesisyon siya na kunin ang selpon at tawagan ang numero ng kapatid. Pero laking dismaya niya nang marinig ang isang pamilyar na boses ng babae sa kabilang linya.

"Kung minamalas ka nga naman!" galit niyang wika. Wala na pala siyang load!

Muling umiling si Geraust bago hininto ang sasakyan sa tabi. Ramdam niya ang mabilis na pagkabog ng sariling puso. Hindi niya maipaliwanag ang takot at kabang nararamdaman mula pa kaninang umaga. Tila ba bawat kilos at galaw na ginagawa niya ngayong araw ay nagdudulot sa kaniya ng matinding kaba sa hindi maipaliwanag na dahilan.

Bago bumaba ng sasakyan ay napasulyap muna siya sa harap ng selpon at nakita ang petsa roon, February 29, 2012.

"Leap year pala ngayon," nasambit pa niya sabay tingin sa lumang bahay.

Malaki at sementado ang bahay na nasa kaniyang harap. Tingin nga niya'y isang two story house iyon, pero nangunot ang kaniyang noo nang makita na wala man lang itong bakuran o tarangkahan. Nagkalat din sa paligid ang mga tuyong dahon mula sa naglalakihang puno sa harap nito. Luminga-linga ang lalaki, tahimik dahil walang katao-tao sa paligid.

Kung ganoon ay tama siya nang pinuntahan, ang sabi kasi ng kaniyang ate sa mensahe ay mag-isang nakatayo ang bahay ng naturang customer, wala itong ni isang kalapit bahay.

Espasiyo ng PusaOnde as histórias ganham vida. Descobre agora