05 ○ Rune of Psyche

Magsimula sa umpisa
                                    

Bagama't hindi inaasahan ang naging atake ko ay nagawa niyang iwasan ang mga iyon. Bilang ganti ay ipinunla niya sa damo ang kan'yang setro saka bumuo ng mga gabundok na bolang yari sa putik at mga yamang-lupa.

Walang pag-aatubiling ibinato niya iyon patungo sa akin. Sa kaniyang labi ay may ngiting tila ba siya'y nanalo na.

Lumalim lamang ang pagkakangisi ko. Marahang ikinumpas ko naman ang kamay ko sa ere. Ilang saglit pa ay nagbago ang hugis ng bolang putik.

Nag-anyong trono, tinuyo at pinatigas ang sarili nito. Mula sa pagkalalutang sa ere ay banayad akong umupo rito.

Walang oras na nais sayangin, habang nakaupo ay ipinadyak ko ang aking paa sa lupa. Nagdulot iyon ng bitak na kaagad namang naglandas patungo kay Zyghore, dahilan upang halos mawalan siya ng balanse at matumba.

Ngunit mabilis niya ring nasalo ang sarili. Mula sa trono ay hinigit ako ng puwersa niya papalapit. Bago pa ako makaisip ng taktika ay nakapulupot na ang kamay niya sa aking lalagukan.

Hindi nga ako kasing husay ng mga babaylan pagdating sa panggagamot ngunit madali sa aking maramdaman ang silakbot ng laman ng sinuman.

At kung ibabase sa agresibong hanging dumadaloy sa baga ni Zyghore ay batid kong sinagad ko na ang pasensiya niya.

Dala ang pagkamuhi ay ginitgit niya ako sa kalapit na puno. Hindi pa siya nakuntento at iwinasiwas ako sa ere, ilang sanga pa ang sumugat sa akin.

Habang nasa ere ay hinuli niya akong muli saka buong puwersang dinikdik sa lupa. Humulma iyon ng bitak saka bahagyang pagguho ng kagubatan.

Bagama't nagmistulan siyang anino gayong nasa likuran niya ang araw ay mabilis siyang naglandas pababa sa aking puwesto. Gigil niyang sinapak ang mukha ko bago itinapak ang paa sa aking leeg, ibinabaon ako sa lupa.

Marahil ay nagtagumpay na siyang mailibing ako nang buhay kung hindi lang kami nakarinig ng isang ugong.

"Pabayaan mo ang paslit at ako ang harapin mo," rinig kong tinig sa likod.

May indayog ng galak sa mga mata ni Zyghore bago niya ako hinambalos at itinapon sa kalapit na punong-kahoy.

Sa kabila ng kirot at hapdi ay nagawa kong bumangon kaagad at hagilapin ang may-ari ng boses. At doon ay muli kong namataan ang isang matandang lalaking kailanma'y 'di ko malilimutan.

"If it isn't Razul," anas ni Zyghore, "the elder keeper of the . . . Rune of Psyche."

"Husto na, Zyghore," bulalas naman ni Apo Razul. "Dito na nagtatapos ang kalapastanganan mo. Wala ng buhay ang tutupukin mo. Binabawi ko na ang talas ng isipan mo, inaagaw ang kakayahan mong magpakalat ng gulo."

Luntiang liwanag ang bumabalot sa mga mata ni Apo Razul nang usalin niya ang mga katagang iyon. May bigat at kakaibang lamig sa kaniyang tinig.

Napaatras si Zyghore saka napasapo sa kaniyang ulo, tila siya ay natutuliro.

"What are you doing to me? Stop it!"

Ngunit nagmistulang binge ang mga tainga ni Apo Razul sa pakiusap niya.

"Inuutusan kitang . . . huminto na sa paghinga. Ngayon din ay mamatay ka."

Runes of the RareTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon