"Maxine!" Mabilis akong lumapit sa kanila. Binaba ko muna ang tray sa bedside table bago nakapamaywang na hinarap ang anak ko. "What are you doing here? Tulog ka pa dapat, ah." Tanong ko sa kaniya. Naka-pajama pa siya at mukhang kanina pa gising.

"Good morning, momma." Napakurap ako sa ngiti at masayang bati niya. "Kinu-kwentuhan ko lang po si tito kasi sick siya. 'Di ba momma kapag sick ka kinu-kwentuhan lang kita tapos gagaling ka na agad?" Inosente siyang nag-angat ng tingin sa akin.

Napasulyap ako kay Daniel na namumula ang mga matang pinagmamasdan kaming dalawa. Nakagat ko ang ibabang labi. "Come here, baby." Binuhat ko si Maxine. "Hindi ka pwede dito kasi may sakit siya. Puntahan mo na lang muna si Ninang Georgia sa kitchen, okay?" Malambing kong sambit sa kaniya atsaka siya binaba malapit sa pintuan.

Ngumuso siya. "Okay, momma." Napipilitang tango niya. Pinanood ko na muna siyang lumabas bago ko sinarado ang pinto.

Humugot muna ako ng malalim na hininga bago bumalik kay Daniel na ngayon ay bumalik na sa pagkakahiga. Tulala itong nakatitig sa kisame at may iilang luha sa mga mata.

"May sinabi ka ba sa kaniya?" Malamig kong tanong.

Umiling siya. "Wala." Sagot niya kasabay ng pagsinghot niya. "Kanina..habang pinagmamasdan ko siya. Nakikita kita sa kaniya," Tiningnan niya ako. "Masayahin siya katulad mo. Marami ding kwento na hindi nakakasawang pakinggan. Tapos iyong mga ngiti niya at iyong pagniningning ng mga mata niya, nakuha niya lahat 'yon sa 'yo.." Mapait siyang ngumiti. "She reminds me of you...of us.."

Nag-iwas ako ng tingin. "Bakit sinasabi mo 'yan sa'kin?"

"Kasi..." Nanginig ang boses niya. "B-Baka...may pagkakataon pa akong makasama kayong dalawa." Suminghap siya. "Hanggat may o-oras pa.." Halos pabulong na niyang sambit.

Parang may tumarak na punyal sa puso ko. Kapag iniisip ko kung anong ibig niyang sabihin ay tila natatakpan lahat ng galit ko. Is he dying? Pinilit kong alisin 'yon sa utak ko. Ayokong pangunahan na naman ng nararamdaman ko ang lahat....dahil noong ginawa ko 'yon, I almost lost everything. No, already lost everything hanggang sa si Maxine nalang ang natira sa akin.

Pinilit kong sipain lahat ng maaaring magpalambot sa akin. Kung pwede nga pati siya sipain ko na rin palabas dito.

Marahas ulit akong nagpakawala ng hangin bago ginawa ang talagang sadya ko rito. "Nagluto si Georgia ng lugaw para sa 'yo. Nagtimpla na rin siya kape kung sakaling gusto mo." Pinalamig ko ang boses para depensahan ang sarili sa nagbabadyang pag-atras ng galit na matagal ko nang inaalagaan sa loob ng limang taon.

Umupo ako sa kama niya at inabot ang bowl ng lugaw. Hindi ko pa siya magawang tingnan kaya inabala ko na muna ang sarili ko sa kunwaring paghahalo ng lugaw. Para akong napapaso at tinutusok ng mga titig niya.

Hindi mo dapat nararamdaman 'to, Corraine! Galit ka dapat! Galit ka dapat sa kaniya!

"Corraine," Nagitla ako nang maramdaman ko ang init ng palad niya sa kamay ko. Hindi ko napigilang mapatingin sa kaniya. "H-Hindi mo na ba talaga ako mapapatawad?" Tanong niya. Hindi ako kumibo. "S-Sobrang sakit ba ng ginawa ko noon para k-kamuhian mo ako ngayon?" Nabasag ang boses niya.

Nangilid ang mga luha ko. Matalim ko siyang tinitigan. "Mukhang magaling ka na." Mariing bigkas ko at padabog na binaba ang bowl ng lugaw sa tabi niya. "Kaya mo naman na sigurong kumain mag-isa, right?" Tumayo na ako. Nagbaba taas ang dibdib ko sa umuusbong na galit. Bakit kailangan niya pa kasing mag-salita?! "Alam mo? Pagod na ako, eh! At hirap na hirap na akong gumising araw araw dahil alam kong kailangan na naman kitang harapin! At bakit kasi nandito ka pa ha? Umalis ka na rito dahil hindi ka na namin kailangan ni Maxine!" Sigaw ko sa kaniya.

 Lost in MemoriesWhere stories live. Discover now