24 - Night 7 Part 12

31 4 0
                                    

[Night 7 Part 12]

Hawak nila ang dalawang flashlight habang tinatahak ang madilim na gubat. Maingay ang mga kuliglig at mga palaka na nangingibabaw, ito ang natural na musika tuwing gabi. Nakakadagdag din ang ingay ng kanilang mga yapak, ang mga tuyong dahon at mga sanga na natatapakan nila sa bawat paghakbang. Ilang minuto pa silang naglalakad bago tuluyang matanaw ang kalsada.

"Nakikita ko na yung kalsada!" Masayang wika ni Skye.

Sandaling napatigil sa paglalakad si Ciara nang makaramdam ng hilo, dahil akay-akay nila si Marco, maging si Skye ay naptigil din sa paglalakad. Nag-aalala siyang binalingan ng tingin nito. "Cia, ayos ka lang?" Tanong ng dalaga.

"Tumigil muna tayo sandali, tutal malapit naman na tayo." Suhestiyon nito. Marahan nalang siyang napatango dahil sa pagkahilo at biglaang panghihina. Napahawak siya sa kaniyang ulo matapos umupo sa isang bato, ibinaba muna nila si Marco at pinahiga sa makapal na tuyong mga dahon.

Muling napasulyap si Skye sa kalsada na may kalayuan pa sa kanila, saglit siyang napangiti dahil kaunti na lang ay makakauwi na sila. Ibinalik niya ang kaniyang tingin sa mga kaibigan at agad siyang binalot ng kaba ng makita si Ciara na may hawak na kutsilyo at tila nasisiyahan pa nitong nilalaro ang patalim.

"Cia, bakit ka may kutsilyo? Sa'n mo gagamitin 'yan?" Nagtataka at may halong kabang tanong niya. Mas lalo siyang binalot ng kaba nang magbaling ito ng tingin sa kaniya na mayroong ngisi. Nanginginig siyang napatayo, batid niyang may kakaiba sa ikinikilos nito.

"Saan ko gagamitin?" Nakangising tanong nito habang nasa patalim ang tingin.

Laking gulat ni Skye nang itapat nito sa kaniyang pulsuhan at hindi nagdalawang-isip na hiwain ito. "Cia! Anong ginagawa mo!?" Nag-aalalang tanong niya, ngunit tila wala lamang ang sakit sa kaibigan. Sa halip ay nakangiti lamang ito habang pinapanood ang dugo niyang tuloy-tuloy sa pag-agos. Dali-dali siyang nilapitan ni Skye at hinawakan ang pulsuhan niyang may hiwa, pinipigilan niya ang pagdaloy ng dugo.

"Akala niyo ba'y tapos na ang lahat?" Naestatwa si Skye nang marinig ito mula sa kaibigan, agad siyang napabitaw dito at mabilis na napaatras palayo.

Kinakabahang pinagmasdan niya ang kaibigan, nakangisi ito sa kaniya na nagbigay ng kilabot sa kaniyang sistema. Batid na niya kung ano ang nangyayari.

"S-sino ka?" Magkahalong takot at kaba na tanong niya. Lumaki ang pagkakangisi nito, mas lalong bumilis at lumakas ang tibok ng kaniyang puso sa takot.

"Magaling, dahil nagawa niyong puksain ang aking kapatid. Ako ang nagtagumpay sa aming dalawa."

Naguluhan siya sa sinabi nito, hindi niya malaman kung sino sa kambal ang sumanib sa kaibigan. Ang alam nila'y pareho nilang napuksa ito dahil pinanood pa nilang maabo ang talaarawan at siya mismo ang sumira sa plorera.

"Ako ito, si Myra." Nakangiti niyang tugon. Nalilito niyang tinitigan ito at napailing, hindi makapaniwala.

"P-paanong... Paano nangyari 'yon? Sinunog na namin ang diary— talaarawan mo!" Naguguluhan niyang tanong.

Pinanood niyang dumukot ito sa bulsa at inilabas ang nakalukot na papel. 'Oh my ghad.' Wika niya sa kaniyang isip nang mapagtantong galing iyon sa talaarawan. Muli siyang napaatras ng tumayo ito habang nakangising nakatingin sa kaniya.

"Niloko mo kami! Traydor ka!" Sigaw niya habang patuloy sa pag-atras. Hindi niya inaalis ang paningin dito, nakita niyang pinatakan nito ng dugo na umaagos sa pulsuhan ng kaibigan ang papel.

"Hindi ako nangako. Ang nais ko ay ang pangalawang buhay. Nais kong mabuhay sa inyong henerasyon at maraming salamat sa iyo dahil nagawa mong tulungan akong magtagumpay laban sa aking kapatid." Patuloy ito sa paghakbang at patuloy naman siya sa pag-atras.

White Rose ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon