3 - Night 2

67 8 0
                                    

[Night 2]

"Camera 2, okay na!" Sigaw ni Nico matapos maisaayos ang DSLR Camera sa tripod na nakapwesto sa tapat ng hagdan.

Mayroon lamang silang tatlong camera na ginagamit sa tatlong araw na pagsasagawa nila ng ghost hunting, ito ang nagsisilbing mata nila sa bawat segundo, minuto at oras na nananatili sila sa loob ng napili nilang lugar upang maisagawa ang gawain ng grupo. Ang bawat isa ay may sapat na baong pagkain at inumin maging ang mga gamit na kakailanganin nila sa loob ng tatlong araw.

Ang unang kamera ay nakapuwesto sa sala kung saan sila natutulog, nagsasagawa ng plano at nagbabantay ng resulta sa mga nakuhanan ng kanilang mga kamera na nakakonekta sa isang laptop.

Nakapuwesto naman ang ikalawang kamera sa tapat ng hagdan, makikita rito ang mga baitang nito paitaas hanggang sa ikalawang palapag. Dito nila masusubaybayan kung sino ang aakyat at bababa sa kahit anong oras.

Habang ang ikatlong kamera ay nasa itaas, nakapuwesto ito sa koridor, nasasakop nito ang bungad ng hagdan, pinto ng dalawang kwarto at ang madilim na pasilyo papunta pa sa pinakadulo.

"Camera 3, okay na rin!" Sigaw din ni Rex mula sa itaas.

Maliwanag na sa labas, papasikat na rin ang araw. Maagang naghanda ang lahat para maisaayos ang mga kailangan sa kanilang ghost hunting at makapagplano para sa tatlong araw na pananatili nila sa mansyon.

Matapos mag-almusal ng kape at pandesal ng lahat, sina Noel, Prince, Risha, Skye, Laira, Blane, Allan at Aira ay nagsimula nang libutin ang buong mansyon. Nahati ang walo sa dalawang grupo dala ang dala-dalawang digicam para makuhanan ang kabuuan at pasikot-sikot ng buong mansyon.

"Para sa pinakamamahal ko." Wika ni Rex sabay abot ng isang puting rosas sa kasintahan.

Kinikilig namang tinanggap iyon ni Cindy at mahinang kinurot pa ang tagiliran ng binata dahil sa kilig. Nakangiti namang nanunuod lamang sa dalawa sina Jeyd, Nico at Ciara habang abala si Ion sa pagtipa sa laptop at tulala naman si Marco na nakaupo sa sofa.

"Huy! Tulala ka riyan! Anong iniisip mo?" Tanong ni Rex nang makalapit sa kaibigang si Marco.

Napabuntong hininga ito ngunit hindi nilingon ang kaibigan. Inilibot niya ang paningin sa mas maliwanag na kabuuan ng mansyon. Agad naman itong nakaagaw ng pansin kay Ciara at naalala ang nangyari kagabi nang makita si Marco. Mayroon pa ring takot sa kanyang pakiramdam dahil ito ang kauna-unahang makakita siya ng multo. Karaniwan, nararamdaman lamang niya ang mga ito.

Agad niyang iniwas ang paningin kay Marco at napagawi ang kaniyang tingin kay Cindy habang hawak pa rin ang puting rosas na natanggap mula sa kasintahan, abot tenga pa rin ang ngiti nito at abot ang pamumula ng pisngi.

Muli niyang naramdaman ang parehong hindi magandang pakiramdam nang siya ay nasa kwarto sa itaas noong kasama niya si Marco nang masulyapan at hindi maalis sa kanyang paningin ang bulaklak. Saglit siyang lumabas ng mansyon at inilibot ang paningin sa paligid ngunit ang ipinagtaka niya'y damo lamang ang mga halaman na nasa labas.

'Paanong... Saan nakuha ni Rex yung white rose? Imposibleng sa labas dahil wala namang ibang tanim doon na namumulaklak lalo na ng mga rosas.'

Nagtataka siyang bumalik sa kanyang pagkaka-upo at saka pinagmasdan si Rex at Marco na nag-uusap hindi kalayuan mula sa kaniya. Naririnig niya ang pinag-uusapan ng mga ito.

"Saan mo nakuha yung bulaklak?" Seryosong tanong ni Marco sa kaharap.

Agad namang nagpantig ang tenga niya sa narinig dahil parehas sila ng katanungan ni Marco na mukhang kahina-hinala. Umusog pa siya ng kaunti papalapit sa mga ito dahil interesado siyang marinig kung saan nga ba nagmula ang rosas na iyon.

White Rose ✔Where stories live. Discover now