16

37 7 0
                                    

[Del Pilar's Mansion 1904]

"Magandang umaga ho." Masiglang bati ni Lourdes sa mga kasambahay na madaraanan niya sa loob ng mansyon nang makababa mula sa ikalawang palapag ng mansyon.

"Magandang umaga rin ho, señorita." Magalang na tugon ng mga ito kasabay ng kanilang pagyuko.

Nakangiti niyang pinagmamasdan ang paligid habang mabagal na naglalakad upang hindi mawaglit sa kanyang paningin ang senaryong kanyang madaraanan. Hindi pa man sumisikat ang araw, abala na ang mga trabahador at kasambahay sa loob at labas ng mansyon ng mga Del Pilar, gaya ng matagal na nakasanayan ng lahat. Dahil batid ng lahat na ayaw ng kanilang amo, na si Don Mauricio ang mababagal kumilos at saka lamang maghahanda sa oras na mag-utos o magalit ito. Pinakaayaw niya rin ang maabutan ang mga itong nagtatrabaho pa rin at nagpapakalat-kalat sa oras na siya'y magising na.

Hindi maalis ang ngiti sa kanyang mga labi nang makita sa bawat isa ang determinasyon at pagmamahal sa kanilang mga ginagawa. Ang tatlong kasambahay ay abala sa paglilinis, pagwawalis at pagpupunas sa marmol na sahig sa maluwang na bahagi ng sala. Naroon din ang dalawa pa na hindi magkanda-ugaga sa pag-aagiw at pagpupunas sa mga naglalakihang kuwadro sa dingding. Nakangiti niyang binati ang mga ito na magalang namang tinugon ng lima.

Nagtuloy siya sa paglalakad hanggang sa masulyapan ang mabilis na paghahanda ng dalawang kasambahay na nagpapabalik-balik upang ayusin ang hapag-kainan sa mahabang mesa. Hindi na siya nag-abalang pasukin ang silid ng hapag-kainan dahil baka maabala niya lamang ang mga ito at magkaroon pa ng hindi inaasahang problema dahil puro mamahalin at babasagin ang nasa loob ng bahaging iyon ng mansyon.

Hindi pa man siya tuluyang nakahahakbang palayo, naamoy na niya ang napakabango't nakagugutom na amoy mula sa kusina. Hindi na siya nagsayang pa ng segundo at agad na tinungo ang lugar na iyon na hindi rin kalayuan mula sa silid ng hapag-kainan. Mas lalong lumawak ang kanyang pagkakangiti nang masilayan ang apat na kasambahay na seryoso at maingat na kumikilos sa malaking kusina. Nakangiting binati siya ng mga ito na saglit lamang siyang nilingon at agad na nagpatuloy sa kanilang mga ginagawa. Saglit niya pang sinilip ang niluluto ng mga ito saka lumabas na ng kusina at tinahak ang daan pabalik.

'Hanggang ngayo'y hindi pa rin ako makapaniwalang mapupunta ang isang gaya kong hampas-lupa sa ganitong uri ng pamumuhay.'

May tuwa ngunit mapait na pakiramadam ang idinulot sa kanya ng isipin na iyon. Hindi na niya namalayan ang  paglabas niya ng mansyon at agad na bumungad sa kanya ang malawak at malinis na luntiang mga damo, ang paikot na sementong daan papunta't palabas ng mansyon.

"Magandang umaga, señorita. Nais ko pong iparating sa inyo ang bulaklak na ito." Magalang na tugon ng isang guwardiya. Nakangiti niyang tinanggap iyon ngunit may pagtatakhang namuo sa kanyang isipan.

"Salamat. Kanino ho pala galing ito?" Nahihiyang tanong niya sa nakayukong guwardiya.

"Nais niya pong hindi ipag bigay alam kung sino siya. Ngunit ang sabi niya'y batid niyang alam niyong siya ang nagpapabigay nito at iyo'y lubos niyang ikinagagalak."

Bahagyang napakunot ang kanyang noo sa narinig ngunit dahan-dahan din iyong napawi nang mayroong isang tao ang agad na pumasok sa kanyang isip.

"Lalaki... Ba ang nagpaabot sa'yo nito?" Mahinang bulong niya ngunit sapat lang na marinig ng kanyang kaharap. May galak sa kanyang puso nang itanong niya iyon bagaman hindi siya sigurado kung tama ang kanyang hinala. Mas lalo siyang nabuhayan ng pag-asa nang isang tipid na ngiti lamang ang isinagot ng guwardiya sa kanyang tanong.

"Iyon lamang po ang masasabi ko. Paumanhin, señorita."

Nang makaalis ang guwardiya, hindi na niya maitago pa ang kanyang matamis na ngiti habang nilalanghap ang bango ng puting rosas na kanyang natanggap na batid niyang galing sa kanyang kasintahan. Sa kabilang banda, tinatanaw naman siya mula sa itaas ni Myra na mayrong ngisi sa kanyang mga labi ngunit matalas ang paningin na pinagmamasdan ang walang kamalay-malay at may malawak na ngiti na si Lourdes.

White Rose ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon