018. Broken Memories

5K 378 46
                                    

Pagdating ni Leia sa tapat ng gate ng bahay nila noong hapong iyon, bahagya siyang napaatras nang makita ang aso na pag-aari ng stepfather niya na bigla na lamang lumitaw sa harap niya. Madalas siya nitong kinakahulan kapag umuuwi siya, kaya hindi niya mapigilang kabahan dahil tila naghihintay sa kanya ang aso.

Habang nakatayo sa harap ng gate nila, naalala niya ang sinabi sa kanya noon ni Jacob na maaaring nararamdaman din ng mga hayop na nakakasalamuha niya ang takot na nararamdaman niya. Huminga siya nang malalim, at kinondisyon ang isip na hindi siya sasaktan ng aso ng stepfather niya.

Dahan-dahan niyang binuksan ang gate, maingat siyang gumalaw habang nagtatama ang mga mata nila ng Golden retriever na iyon. Pagkatapos niyang pumasok sa loob, napangiti siya nang hindi nga siya kinahulan nito. Bagkus ay inamoy-amoy pa siya nito habang nakasunod sa kanya papasok ng bahay.

Nang nakatayo na siya sa tapat ng pinto, naupo ang aso sa may paanan niya at nakatingala sa kanya na para bang naghihintay ito na hawakan niya.

Kahit nag-aalangan, pilit na tinapangan ni Leia ang loob at tuluyang ipinatong ang kamay niya sa ulo ng aso. Hindi ito pumalag sa ilalim ng pagkakahawak niya, kaya hindi niya mapigilang mabuhayan nang loob.

Pagbukas niya ng pinto, naabutan niya sa sala si Sandy na pasimpleng binubuksan ang isang package kung saan nakalagay ang pangalan niya. Alam ni Leia na padala iyon sa kanya ng tatay niyang Briton na nakatira sa London, so she cannot help but feel upset.

"Para sa 'kin 'yan, Sandy..." ani niya sa stepsister.

"Eh ano naman ngayon?" Sandy rolled her eyes angrily as she got up from the couch, "Ang damot mo talaga... Napaka-feeling mo."

Napabuntong-hininga na lamang si Leia at kinuha ang package na padala ng tatay niya at dumiretso sa kwarto niya sa ikalawang palapag ng bahay.

Habang inilalabas mula sa kahon ang mga padala sa kanya ng amang isang British national, hindi niya mapigilang malungkot. Mahal niya ang ina, pero kung minsan ay gusto niyang sisihin ito dahil magkalayo sila ng tatay niya.

Isang mayamang negosyante ang tatay ni Leia, at naging sekretarya nito noon ang nanay niya nang manatili ito sa bansa para pamahalaan ang branch nila sa Pilipinas. Naging magkarelasyon sila, pero nakabalik na ang lalaki sa London nang malaman ng nanay niyang si Roselle na ipinagbubuntis na siya nito.

Wala namang asawa ang tatay niya, pero hindi pumayag si Roselle sa inalok nitong kasal sa kanya matapos nitong malaman ang pagbubuntis nito kay Leia. Ang nangyari tuloy, sinusustentuhan na lamang siya ng ama upang tugunan ang responsibilidad nito bilang magulang sa kanya.

Noong labing-isang taong gulang si Leia, pinakasalan ng nanay niya ang college professor na si Jules Alva, dahilan para maging kapatid niya na si Sandy na walang ibang ginawa kundi ang apihin siya.

Kahit pa sina Sandy at ang tatay nito ang lumipat sa bahay nila, pakiramdam ni Leia ay isa siyang outcast sa pamilya at tahanang dapat ay kabilang din siya. Pero dahil ramdam niya na mas nakatuon ang pansin ng ina sa bago nitong asawa at kay Sandy, pakiramdam ni Leia ay mag-isa lamang siya sa mundo.

She grew up with a low self-esteem dahil na rin sa pang-aapi ni Sandy, at nasanay sa pagiging sheltered dahil sa pagpapalaki sa kanya ng ina na sobrang istrikta at overprotective.

Maya-maya pa ay narinig niya na ang mga kalansing ng plato at kubyertos sa labas ng kwarto niya. Napatingin na lamang siya sa pinto, at napahinga nang malalim. Wala siyang balak na lumabas para sumabay sa kanilang maghapunan, kaya tumayo siya para i-lock ang pinto ng kwarto niya.

Narinig niyang hinahanap siya ng stepfather niya para sana pasabayin na siyang kumain, pero agad namang sumagot si Sandy.

"Hayaan na lang natin po siya, Daddy... Nag-iinarte lang po 'yun..." narinig niyang tugon ni Sandy sa sarili nitong ama.

The Paramount Code (The Odd Ones, Book 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon