Chapter 22

39.6K 1.7K 167
                                    

Natural na iisa ang honeymoon suite. Alangan namang magpa-book ng dalawa si Davide, naisip ni Agwee. Nakita rin niya ang rates ng hotel at walang balak na magsayang ng salapi, kahit pa hindi niya iyon salapi. Kaya naman ngayon ay magkasama sila ng asawa sa loob ng silid.

Asawa... May kung anong dating pa ring kakaiba ang salita, kahit heto, literal na mag-asawa na sila ni Davide.

Malaki ang suite, may sala, mayroong malaking bar. Hindi iyon isang kuwarto lang kundi parang bahay na. Ang banyo ay pagkalaki-laki rin at mayroon pang sofa sa loob at bathtub. Sabihin pang napakaganda ng silid ay hindi makataong ang presyo ng isang gabi doon ay katumbas na ng sahod ng ilang empleyado. Pero bago pa siya magtanong sa universe kung bakit hindi patas ang mundo at madaming mga batang walang makain habang may iilang kayang gumastos ng ganito kalaki ay pinangunahan na siya ng kaba. Ano ang sasabihin niya ngayon sa lalaki na tahimik din lang at parang naghihintay sa sasabihin niya. Pero ano ang puwede niyang sabihin sa lalaki? Na nagbago na ang isip niya at sige na, try nila mag-honeymoon? Baka lumubog siya sa sahig sa matinding kahihiyan. Pero hayun ito, napakaguwapo at macho na parang worth it na rin ang lumubog sa lupa basta't malulunod din siya sa halik at ligaya. Char.

"So here we are," anang lalaki mayamaya, nakatingin sa kanya.

"O-oo. Kuwan, nakakain ka ba nang maayos kanina?"

"A bit. I noticed you almost didn't touch your food. I will have them send over some."

Tumango siya. Talagang hindi siya halos nakakain kanina. Mahirap kumain sa ganoong pagkakataon. After all, first time niya kung sakali. Kaya niya naiisip na kung sakali kahit na pinag-usapan na nilang walang honeymoon na magaganap ay dahil parang may kulang kung wala iyon. Isa pa, iyon ang totoong flow ng kasal. Hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay natutupad ang mga salitang binitiwan at malay ba niya kung ito ang isa sa mga pagkakataong hindi matutuloy ang pinag-usapan. Hindi man lang ba curious ang lalaking ito sa kanya?

Wow. Sa hitsurang 'yan ng asawa mo, sa tingin mo hindi nagsawa sa babae 'yan? Kung iyon ngang pangit na mayaman, ang daming babaeng pumapatol. Kung iyon ngang si Mang Teban na magbababoy, amoy-darak palagi pero ang daming babae at magaganda pa at bata dahil mapera, paano pa 'yang asawa mo na mas mabango pa sa bagong bayong pinipig at mukhang mamahalin? Amoy mamahalin, mukhang mamahalin, totoong mamahalin. Totoong ginto at hindi tubog lang. Ano ba ang aasahan mo? Sa tingin mo, hindi 'yan makakatulog kapag hindi kayo nagka-honeymoon? Ilang ulit na 'yang nag-honeymoon na kasama ang ibang babae. Tumigil ka.

Gusto na talaga ni Agwee na mapahiya sa sarili pero naiisip niyang normal lang sa isang tulad niyang matagal nang curious sa sex ang maisip na puwedeng may mangyari sa kanila. Isa pa, kung sakaling magbubuntis siya, ayaw naman niyang manganak na virgin. Pero paano niya babawiin ang nasabi?

Tahimik lang siya, nakapuwesto sa sala. Nakaupo sa sofa si Davide kaya naupo siya sa isang one-seater. Nanonood ang lalaki ng istasyon sa TV na noon lang niya nakita, Ingles at kung ano-anong numero at letters ang umaandar sa ibaba ng screen. Maya't maya ay may nagpa-flash na numero, initials, at arrows na hindi niya maintindihan kung ano ang ibig-sabihin. Mukhang alam naman Davide ang ibig-sabihin dahil nakatutok ang atensiyon nito doon.

Diyos ko, ano ba itong pinapanood nitong lalaking ito? Sa sobrang talino, algebra yata ang pinapanood. Paano ko masasabyaan ang lifestyle ng isang ito? Oo, magaling ako sa algebra pero ayaw ko namang isabuhay.

Mayamaya pa ay mayroon nang naka-amerikanang lalaki ang nagsalita sa screen. Saka naintindihan ni Agwee na tungkol sa stock exchange ang lahat. Hindi niya alam kung ano iyon eksakto, pero may idea siya na tungkol iyon sa negosyo. Ibang level ng mayaman talaga ang asawa niya. Kung level niya ang nasa screen, malamang na ang kuwentahang lalabas ay kung magkano ang bagsakan ng palay, ang pakiskis, at bentahan. Kundi man ay lalabas ang presyo ng pataba at mga pangunahing bilihin.

Gods of Halcon 1: Davide Castillejo - COMPLETEDonde viven las historias. Descúbrelo ahora