Chapter 13

41K 1.6K 61
                                    

"HINDI KO maintindihan, Ate, kung bakit biglang-bigla naman yata ang kasal mo?"

Ang sabihing nabigla si Pipay ay kulang. Parang anumang sandali ay handa na itong magwala nang sabihin niya ang tungkol sa nalalapit na kasal. Hindi niya sinabi sa babae ang totoong dahilan, natural. Hindi man sinabi ni Davide na hindi puwedeng sabihin sa lahat, may utak siya para malaman na parang ganoon na nga. Isa pa, wala nang pakialam ang ibang tao roon, bukod pa sa matindi ang kanyang kahihiyan sa gagawin.

Malaking bahagi ng isip niya ang baon na kahihiyan dahil sa gagawin. Kung buhay pa ang kanyang ina, malamang na malungkot ito sa kanyang plano. Kung buhay pa ang kanyang lola, malamang na hindi na tumigil sa pag-iyak at pagsisi sa sarili. Pero tao lang si Aguida, may kahinaan din. Aminado siyang ayaw niyang mawala ang lupain hindi lang dahil sa iyon lang ang alaala sa kanya ng mga mahal sa buhay, kundi dahil ayaw niyang magsimula na walang-wala. Bukas ang kanyang mga mata sa hirap ng buhay, lalo na isang tulad niyang hindi nakapagtapos.

"Ano ba talaga ang nangyari, Ate? Dumating lang dito ang tatay mo, bigla ka na lang ikakasal. Ibinenta ka ba niya?"

"Tumigil ka, Pipay!" Pinandilatan niya ang babae. "Mukha ba akong nagpapabili? Magbasa-basa ka nga minsan ng pocketbooks at hindi 'yang puro meh-meh ang inaatupag mo."

"Mims, ate." Humalakhak ang bruha. "Meh-meh ka diyan. Ano 'yon, natutulog na baby? Ikaw ang mag-Facebook. Puro ka pocketbooks kaya pumayag ka namang magpakasal agad. Sa panahon ngayon, Ate, kailangan mo nang isipin muna kung ano ba talaga ang ihinahain sa 'yo ng lalaki bago mo patusin. Anong malay mo kung sino pala 'yang lalaking 'yan. Baka mamaya, pasasayawin ka pala sa harap ng camera."

"Baliw ka. Puro ka kasi internet kaya kung ano-ano ang naiisip mo. Tanggapin mo na lang ang katotohanan na ikakasal na ako sa isang lalaking biglang na-in love sa akin. Alam mo, Pipay, kapag dumating ang the one, alam mo na agad. Ganoon pala 'yon, 'no? Iyong wala na agad duda sa isip mo na siya ang the one." Nabasa lang niya ang lahat ng iyon sa pocketbooks. Wala siyang alam sa the one-the one, at pangarap lang niya ang magkaroon ng happy ending na tulad ng mga nababasa.

"Hindi ka ba natatakot, Ate? Ang tagal mo nang walang jowa, 'tapos bigla ka na lang magpapakasal. Naisip ko nga na baka napipilitan ka lang kasi mayaman 'kamo ang mapapang-asawa mo at gipit ka ngayon."

Napakataklesa talaga ng babaeng ito! Walang preno ang bunganga kung magsalita! Pero naintindihan din niya si Pipay. Siya ang itinuturing nitong ate, palibhasa ay bata pa nang magsimulang tumulong sa farm. Kilalang-kilala rin niya ito, gayundin ito sa kanya. Mas matanda man siya ng anim na taon sa babae, nakita niya itong magdalaga.

"Mas guwapo ba 'yan sa dati mong jowa, Ate? Ano na lang ang sasabihin ni Kuya Usme kung sakaling hindi pala guwapo 'yan?"

"Ano naman ang pakialam ko sa sasabihin ni Usme?" Napaismid siya sa pagbanggit sa kanyang ex-boyfriend. May apat na taon na silang break. Minahal din niya si Usme, pero hindi siguro iyon ang level na tulad ng nababasa niya sa mga pocketbooks dahil sa sandaling nagloko ang lalaki ay nagkipag-break na siya rito. Umiyak din naman siya, pero parang hindi niya makita ang sariling nagtitiyaga sa isang lalaking naghahanap ng iba.

"Eh, ang tagal ka ring tinangkang balikan ni Usme, Ate, pero talagang hindi mo pinatawad. Ang lupit mo rin."

"Ako pa pala ang malupit? Ako? Siya ang nambabae pero ako ang malupit?"

"Ate, hindi naman nambabae ang tao. Alam mo naman 'yan."

"Hindi mo alam kung ano ang sinasabi mo, Pipay. Makikipaghiwalay ba ako kung hindi ko siya nahuling may ka-text na babae?"

"Oo nga, pero siya naman mismo ang nagsabi na hindi naman natuloy. Kumbaga, nakikipaglandian lang iyong babae sa kanya tapos nag-reply siya. Dalawang linggo pa lang nga raw nagte-text iyon at noong nahuli mo, kaka-reply pa lang niya."

Gods of Halcon 1: Davide Castillejo - COMPLETEWhere stories live. Discover now