Ang Bayani Ng Usales

30 1 0
                                    

Umihip ang malamig na hangin mula sa hilaga, at humuni ng malungkot na awit ang mga ibon sa alapaap. Binalot ng ulap ang langit na tilang makapal na abo.

Umupo ako sa bakal na duyan ng palaruan ng aming eskuwelahan. Ang bakal ay umungol sa aking pag-upo. Ang mundo ay nagdalamhati sa pagkawala ni Harris.

Mula pa noon, perpekto nang bayani si Harris. Matapang, mabait, at matikas—nasa kaniya na ang lahat. Kaya ipinagtaka ng lahat noong ako ay kaniyang pinansin at kaniyang minahal. Dahil sino ba ang mamansin sa akin? Wala akong katangiang katangi-tangi para ibigin ng isang katulad ni Harris. Pero minahal niya parin ako—pero kinalimutan niya na ako. Simula noong niligtas niya ang ang aming bayan mula sa mga mananakop, lumayo ang loob niya sa akin. Sinabi niya na ang buong Usales ay kailangan niya nang alagaan, hindi lang ako. Ngayon ay patay na siya.

Ang buong kaharian ay nagkagulo, ang iba ay nagdalamhati sa pagkawala ng isang bayani, ang iba naman ay naghanap ng ipapalit sa kaniya. Hindi ako nabilang sa alinman; hindi ako nangulila gaya ng aking inasahan.

Pina-ugoy ko ang duyan at ito ay umungol. Pasira na ito; ang pintura ay natutuklap na at kinakalawang na ang bakal nito. Ang palaruang ito ang pabarito naming tambayan ni Harris. Dito rin niya ako unang hinalikan. Naalala ko ang pakiramdam noong idampi niya ang kaniyang labi sa akin, ang tuwa na bumalot sa aking katawan. Ngayon ito ay wasak na, isang duyan lamang ang natira.

Umupo ako doon ng sandali, inaalala ang lahat ng nangyari sa pagitan naming dalawa nang biglang magliwanag ang aking paningin at ako ay nasilaw.

Sa isang iglap, ako ay napadpad sa isang maulap na palasyong makinang at maputi ang mga dingding. Lumutang sa aking harapan ang bangkay ni Harris, ang kaniyang balat ay makinang at makinis. Guwapo parin siya kahit namatay na.

"Kay ganda niyang tingnan, hindi ba?" Sinabi ng babaeng boses mula sa aking likuran. Ako ay tumalon sa bigla. Nilabas ko ang aking mahiwagang baton at hinanap ang nilalang na nagsalita. Isang usang antropomorpiko na nakasuot ng puting bestidang mahaba na may mga kulay rosas na bulaklak na nakapalamuti ay lumabas mula sa likod ng isang marmol na haligi. Tumawa siya. "Huwag kang matakot, Aliya. Ako ay isang kaibigan."

"Sino ka? Anong gusto mo s'akin?" Itinutok ko sa kaniya ang aking baton, handang tumawag ng mahika kung siya ay aatake.

"Hindi mo ako nakikilala?" Kaniyang ipinagtaka. "Ako ay si Rusalia, ang diyosa ng sangkahayupan. Ako ang pumili kay Harris para maging bayani ng Usales."

Ako ay nagtaka. Hindi kailanman binanggit ni Harris ang bagay na ito. "Kung gayon," aking sinagot, "anong kailangan mo sakin? Bakit ako nandito?"

"Hindi mo pa ba nahahalata?" Bumungisngis siya. "Ikaw ang papalit sa kaniya. Ikaw ang bagong bayani ng kaharian ng Usales."

Ako ay natulala. "B-b-p-paano? Isa akong walang kuwentang tao na nagkataon lamang na minahal ni Harris!"

"Ilang segundo bago siya namatay, tinawag ko siya dito sa aking palasyo. Malaya niyang tinanggap ang kaniyang kapalaran at tinanong ko sa kaniya kung sino ang maaring pumalit sa kaniya. Ikaw ang pinili niya, Aliya. Ikaw."

"H-hindi ko kaya. Hindi ko alam ang gagawin ko at baka pumalya ako at—"

"Inaasahan ko na isasakatuparan mo ang iyong mga tungkulin na may katapangan at karangalan." Pumalakpak siya ng isang beses at muling nagliwanag ang aking paningin.

"Hindi! Hindi ko—"

Sa isang iglap, ako ay nakaupo muli sa duyan, may hawak nang espada. Nanginig ang lupa. Nagtakbuhan ang mga tao palabas ng eskuwelahan, at binalot ng mga tili ng takot ang paligid. Biglang dumagundong ang isang ungol at naaninag ko ang isang halimaw na binunot ang mga puno at tinapon ang mga ito sa malayo. Hawak-hawak ang espada, ako ay lumakad papunta sa halimaw, kinalaban ang daloy ng tao. Wala akong ibang naisip kundi pigilan ang halimaw na ito. Ang aking mga hakbang ay unti-unting bumilis, at namulat ko na ako ay tumatakbo na, dala-dala ang espadang kumikiskis sa sementong lapag.

Ang Bayani ng UsalesKde žijí příběhy. Začni objevovat