Your Shadow Is Color Orange

128 7 2
                                    

Sa isang gabing maulan ng buwan ng Oktobre, taong 1997, pangalawang araw simula nang magsimula ang pasukan, tandang-tanda ko kung paano siya nakisilong sa dala-dala kong payong. Kakatapos ko lang maghapunan noon sa isang karenderya nang makasalubong ko siya sa tapat ng isang isang photocopier shop. Nakatingin siya sa mga dumadaang sasakyan sa harapan nang makita ko siya. Seryoso niyang tinitignan ang mga iyon na tila ba mga pangungusap sa isang binabasa niya niyang nobela ang mga sumasakyang kumakaripas sa pagtakbo. Yakap-yakap niya ang kanyang mga libro at tila naghihintay lang ng tamang pagkakataon para makatawid sa daang nasa harapan niya na bukod sa pinamamahayan ng mga tumatakbong sasakyan ay niyayapos din ng walang kasing lakas na ulan. Suot niya ang isang kulay kayumangging cardigan at itim na t-shirt sa loob habang ang kanyang pangibaba naman ay isang faded jeans. Nang magtungo ang aking paningin sa kanyang paa ay natulala ako nang makita kong wala iyong suot na kahit anong sapatos.

"Oh!" Iyon ang una niyang nabanggit nang mapalingon siya sa gawi ko. May ngiti sa kanyang mukha at nang mas lumawak pa nga ang kurba ng kanyang mga labi ay doon ko naramdaman ang kanyang galak. Nakalimutan ng aking isipan ang katotohanang walang sapin ang kanyang mga paa at naituon ko na lamang ag aking atensiyon sa kanyang malaanghel na mukha. Panandalian akong hindi nakahinga nang lumapit siya sa akin sabay ipinulupot ang kanyang kaliwang kamay sa aking kanang braso. Hinila niya ako patungo sa sa kalsada at sabay nga naming sinuong ang ulan gamit ang nagiisang dala-dala kong payong.

"Ayos ka lang ba?" natatawa niyang tanong sa akin noong tinatakbo namin ang daan. Tumango-tango ako. Halos hindi ko pa siya narinig. Nakaramdam ako ng hiya dahil bilang lalaki ay ako dapat ang magtanong niyon sa kanya.

"Ayan na malapit na tayo!" Napatili siya nang mas lumakas pa ang buhos ng ulan at hindi nga kalauan ay nakarating na rin kami sa wakas sa entrance ng university kung saan may canopy sa ibabaw. Nginitian ko siya at nginitian niya rin ako pabalik.

"Ursula..." aniya.

Napatingin ako sa kamay niyang nakalahad sa gilid ko.

"Ayaw mo?" tanong niya. May ngiti pa rin sa kanyang mukha.

"Pasensya ka na..." Ipinunas ko ang kamay ko sa bulsa ng aking jacket at tinanggap na ang kamay niya. Marahan niya iyong inalog at natawa siya pagkatapos.

"Brian..." pagpapakilala ko sa aking sarili.

"Brian..." paguulit niya bilang kompirmasyon. Nang tumunog na ang bell ay hinila niya na ako ulit papasok sa loob. Nang malaman niyang magkaklase kami sa isang subject ay labis ang naging tuwa niya't halos hagkan pa nga niya ako dahil sa labis na kasiyahan. Dahil sa labis na pagkabigla ay hindi ko na siya napigilan. Hindi ko pa siya labis na kilala pero sa loob ng maikling panahon na nakasama ko siya ay naging magaan bigla ang pakiramdam ko sa kanya.

Pumasok kami sa iisang klase at natapos nga ang isang oras nang nakatitig lang ako sa kanya. Sa sobrang ganda niya, kaya kong titigan siya ng isang araw nang hindi nauumay. May maliit na nunal sa kanyang batok at sobrang kinis din ng balat niya. Nakapaaliwalas din ng dating niya at tila ba nagliliwanag siya kada gagalaw siya. Iyon nga lang, wala siyang saplot sa paa kaya noong natapos ang subject na iyon at tinanong ko siya kung ayos lang ba sa kanya kung bilhan ko siya ng sapatos.

"Talaga ba?" tanong niya.

Pinaghintay ko siya sa lobby at nagmadali na nga akong lumabas roon para makapaghanap ng tindahan na nagbabenta ng sapatos. Umuulan pa rin ng malakas kaya medyo nahirapan ako sa paghahanap lalo pa't wala halos akong masakyan. Nagawi ako sa isang shoe shop na nasa sentro ng bayan at pinili ko nga iyong pinakamahal nilang sapatos na pambabae. Gawa iyon sa balat ng kalabaw at tunay na napakainit niyon sa paa. Binayaran ko iyon at nagmadali na nga kaming bumalik sa university.

The Cat Who Smells Death and other Short StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon