Chapter 11

368 27 4
                                    

"TINANGHALI po ako ng gising," paumanhin ni Roni nang bumaba siya kinabukasan at akayin ni Donya Seling patungo sa komedor. Nakita niyang nakahain na sa mesa ang tanghalian. "Nakakahiya po sa inyo."

"Malamig ang gabi at masarap matulog. Ako ma'y tinanghali ng gising. Pero duda akong natulog ka. Malamang gumawa ka ng kuwento, hindi ba, hija?"

Bahagya siyang tumango. "Alas- kuwatro na po nang huminto ako..." Naupo siya sa silyang itinuro ng donya sa may kanang bahagi nito.

"Tama ako sa hinala kong magkakaroon ka ng inspirasyon dito. "Pagkuway tinitigan siya nito nang matagal. Kumunot ang noo. "Bakit tila namumugto yata ang mga mata mo? Umiyak ka ba?"

She blinked. Umiling. "H-hindi po, Donya Seling. Sanhi lamang ng pagkakapuyat ito."

Mataman siyang tinitigan nito. Iniwas ang mga mata at naglagay ng pagkain sa pinggan. "W-wala po ba si Don Miyong?" At si Borj? Inilayo niya sa sarili ang usapan.

"Kausap ni Miyong ang mga taga asyenda upang isaayos ang ilang dapat ayusin para sa kasal nina Borj at Missy. Sa mismong hardin ng mansiyon gaganapin ang kasal. At karamihan sa mga tauhan ay abala sa paghahanda ng mga gagamiting kawayan sa paglilitson. Ganoon din ng pagtatayo ng makeshift altar. Si Borj naman ay nagtungo sa bahay ng marriage celebrant."

"A garden wedding!" she exclaimed, sinisikap lagyan ng buhay ang tinig. Hindi niya gustong bigyang daan ang pait na nararamdaman. "How romantic. At mapalad si Missy."

Natawa si Donya Seling. "Mapalad din ang aking apo kay Missy. Mabait, maganda at masunuring bata si Missy. So, ano ang plano mo ngayon, hija? Magsusulat ka ba maghapon?"

"Hindi na ho umulan nang malakas kagabi. Marahil ay madadaanan na ang tulay. Gusto ko sanang magpatuloy na sa pagbiyahe patungong San Fabian."

"Bakit hindi mo muna ipagpaliban, hija. Isang linggo na lang at kasal na ng apo ko, Roni," patuloy ng donya. "Umaasa akong dadalo ka sa kasal."

"Salamat po, Donya Seling, pero kailangan kong makabalik sa Maynila kaagad," wika niya sa desididong tinig. Hindi niya kayang saksihan ang pagkawala ng lalaking natitiyak niyang iniibig niya. "Napahaba na ho ang pananatili ko rito sa Rosario ng ilang araw. At kailangan ko pong matapos ang ginagawa ko."

Nagbuntong-hininga ang donya nang may panghihinayang. "Kung hindi na ba kita mapipigil..."

Ginagap niya ang kamay nito at masuyong ngumiti. "Marami pong salamat sa pag-anyaya ninyo sa akin dito. Kung... kung ako lang... gusto kong manatili nang matagal, pero may deadline po akong hinahabol."

Nakakaunawang tumango ang matandang babae. "Kung nasa San Fabian ka pa sa araw ng kasal ni Borj ay dumating ka rito, hija."

Ang sana'y sasabihin niya ay hindi na niya naiusal nang matanawan si Missy na papasok sa dining room.

"Hi." She was smiling at her, then she bent and kissed the old woman's cheek.

"Halika, Missy, at saluhan mo kami ni Roni sa pagkain."

Naupo ito sa tabi ni Roni. "Sayang at hindi pa rin gustong sumikat ng araw," she started gaily. "Di sana ay maipapasyal ka namin ni Borj sa paligid ng asyenda. Natitiyak akong magkakaroon ka ng inspirasyon para sa panibagong nobelang maisasadula sa television."

Tila may patalim na humiwa sa dibdib niya. Walang pagkukunwari ang ngiti at pagiging palakaibigan nito. How could anyone want to hurt this woman? Lalo nang tumindi ang guilt niya sa namamagitan sa kanila ni Borj.

"Pero uuwi na ngayon sa San Fabian si Roni, apo," imporma ni Donya Seling.

Nahinto sa paglalagay ng pagkain sa pinggan niya si Missy at nag-angat ng mukha sa kanya. "You're leaving?" Disappointment was all over her face. "Why? Akala ko ba'y magtatagal ka pa?"

Almost a Fairy TaleWhere stories live. Discover now