Chapter 5 - Sa Ikaapat na Araw

5 0 0
                                    

Pumasok ang nanay ko at ang mga kapatid pagkatapos lumabas ni Angel Mae. Bakas na bakas sa mukha ni Nanay ang pag-aalala. Sa sobrang pagmamadali, hindi na yata nakapagpalit ng damit, nakapambahay pa. Kasama ni Nanay ang apat kong kapatid, si Audrey, ang 11 taong gulang na batang kapatid ko na babae. Tapos si Orson, yung lalaking pangalawa na isang taon lang ang layo kay Audrey. Nasa likuran naman nila ang 7 taong gulang na si Sean, ang pangatlo kong kapatid at pangalawang lalake. Tangan-tangan naman ni Sean ang 2 taong gulang na bunsong babae namin na si Elizabeth, o si Liz, gaya ng nakahiligan naming palayaw sa kanya.

Ngayon, kung naiisip niyong pamilyar ang mga pangalan nila at mahilig kayong manood ng mga sinaunang pelikula, tama kayo. Lahat kami, pinangalanan sa mga sikat na artista noong golden age ng cinema mula 1920's hanggang 60's. Si Audrey, ipinangalan kay Audrey Hepburn. Si Orson, kay Orson Wells. Si Sean, obvious na kay Sean Connery, ang pinakaunang James Bond. At si Liz, siyempre, kay Elizabeth Taylor. Si Nanay nga e, ang pangalan niya, Dorothy, o Dori, na laging tawag ng mga kaibigan niya at ng mga kapitbahay namin sa kanya. Pinangalanan siya ni lola sa totoong pangalan ng sikat na artista ng Sampaguita films noon, si Dorothy Jones, mas kilala bilang si Nida Blanca. Tinuloy lang ni Nanay ang tradisyong sinimulan ni Lola.

At siyempre, ihuhuli ko ang sarili ko, ako ang bida e. Bogart ang pangalan ko dahil hango sa sikat na artista na si Humphrey Bogart. Buti na lang, hindi ginamit yung Humphrey. Buti na lang talaga, matino mag-isip sina Nanay at Tatay nang ipapangalan sa akin dahil habambuhay akong mabubuhay sa kahihiyan sa naging palayaw ko sana. Kagaya ngayon, lubog sa kahihiyan dahil bukod sa hinayaan kong mamatay ang mga boss ko, magiging pabigat pa ko sa pamilya ko dahil sa mga gastusin sa ospital.

"Anak! Ayos ka lang ba?" Mangilid-ngilid ang luha ni Nanay nang tinanong niya ko. Pinatong ni Nanay ang kamay niya sa ulo ko at nadurog na rin ang puso ko nang masilayan ang mukha niya. Naantig na man ako sa pag-aalala niya. Pero parang may kulang.

"Walanghiya kang bata ka! Magbabayad pa tuloy ako sa ospital!"

Ayun, binatukan ako ni Nanay. Sabi na nga ba e. Yun ang kulang. Siguradong hindi matatapos ang araw nang hindi ako nababatukan ni Nanay.

Pero ok lang. Alam natin kung paano magalit ang mga nanay. Sandali lang yan. Yung inis at galit niya, unti-unti nang nawala noong makita niya ang kalagayan ko. Umiiyak ulit siya, at niyakap ako nang mahigpit. "Anak! Buti na lang buhay ka. Huwag mo muna sundan ang tatay mo ha!" garalgal na sabi ni Nanay. Nakiyakap na rin si Audrey at si Orson sa akin. Nilapag naman ni Sean si Liz sa kama para makisali sa yakap. Si Liz naman, gumapang papalapit sa kin at ngumiti habang hinahampas-hampas ng kamay ang niya sa sementado kong braso.

Nakiiyak na rin ako. Sa unang pagkakataon, nagpasalamat ako na buhay pa ko. Hindi ko kayang iwan ang pamilya ko. Hindi pa ko puwedeng mawala.

Dumaan pa ang dalawang araw at unti-unti na nilang tinanggal ang mga semento at benda sa katawan ko. Inuna nila yung sa braso at kamay ko, para daw magamit ko yung remote control ng TV. Sa ospital lang ako nakapanood ng libreng cable kaya sinulit ko na. Kapag nababagot din, pinaglalaruan ko yung boton sa tabi ko na inaangat yung ulunan ng kama. High tech yung higaan ko, para akong nakahiga sa robot, kulang na lang magtransform sa dami ng mga boton at makina sa tabi ko. Napaisip na naman ako na mahal yung ospital na pinagdalhan sa akin.

Lagi akong nakasilip sa bintana tuwing nag-iisip ako. Nasa ikalimang palapag ako ng building ng ospital kaya tanaw na tanaw ang bughaw na ulap tuwing umaga. Masarap ding panoorin ang pagsikat ng araw mula sa bintana ko. Nakakatanggal ng lungkot at sakit sa katawan. Kapag mejo tirik na ang araw, saka ko naman tititigan ang abot-tanaw (Horizon sa tagalog kung ngayon mo lang nabasa. Ang lalim no? Kahit ako, ngayon ko lang nalaman). Hindi ko ito madalas makita kapag nasa baba ako kaya nagulat ako na mausok pala talaga ang lungsod. Napakadumi ng hangin, nakakadiri. Buti na lang, nakakayanan nating mabuhay sa gantong hangin.

Ganoon ako minsan, kung saan-saan napupunta ang utak ko habang nakatitig sa bintana. Kung hindi ko ito gagawin, mapiprito lang ang utak ko sa kunsumisyon. Buti na lang, nakasemento ang mga binti ko. Kung hindi, baka nilapitan ko na ang bintana at tumalon na ko. May puno sa labas ng bintana ko. Unti-unti nang bumabagsak ang mga dahon. Parang yung pag-asa ko habang tumatagal ako sa ospital. Nagpapasalamat naman ako dahil unti-unting bumabalik ang lakas sa katawan ko dahil sa milagrong binigay sa akin ni Angel Mae.

Kung katulad lang sana ako ng mga kalapating lumilipad sa labas, baka tumakas na ako.

Nakakabaliw sa lungkot ang mag-isa. Kaya tuwang-tuwa ako kapag dinadalaw ako ni Nanay at ng mga kapatid ko. Pero kahit hindi sila magsalita at pilit nilang tinatago sa mga ngiti, ramdam na ramdam ko ang pag-aalala nila. Paano nga ba ako makakalabas ng ospital? Hindi ko alam.

Tinanggal na nila ang mga semento ko sa binti at mga braso pagdating ng ikatlong araw ng pamamalagi ko sa ospital. Halos oras-oras din akong dinadalaw ng isang doktor, kasama ang pulutong niya ng mga nars. Kung minsan nga, hinahanap-hanap ko si Angel Mae sa grupo ng mga nars na dumadaan sa kuwarto ko. Gusto ko sana makibalita sa kung ano na ang ginagawa ng mga boss ko sa purgatoryo. Naalala ko bigla ang sinabi sa akin ni Angel Mae noong huli kaming mag-usap. Dadalawin daw ako ng tatlo. Kailan kaya yun ulit? Mabuti na rin siguro, makakapawi din ng lungkot.

Sa ikaapat na araw, pagdating ng hapon, may dumalaw sa kuwarto ko habang sinasamahan ako ni Nanay at ni Audrey.

"Good afternoon. I hope you don't mind the intrusion. Is he awake?" Malumanay ang boses ng babaeng sumilip mula sa pintuan. May bitbit siyang isang basket ng mga mangga, Galing Guimaras yata, sa sobrang bango, naglaway yata ako.

Si Nanay naman, tulala nang sinilip ko. Nabigla yata sa babaeng nag-iingles sa kanya. Napalingat na lang siya kay Audrey, parang humihingi ng tulong.

"Yes ma'am. He's awake. You're welcome to come in," sagot ni Audrey. Buti na lang nariyan siya kung hindi, baka dumugo ilong ni Nanay sa kaka-ingles.

Ngumiti ang babae sa pintuan saka naglakad patungo sa amin. Nilapag niya ang basket ng prutas sa katabi kong lamesita at umupo sa tabi ko. Singkit ang mga mata ng babae at makinis ang kutis kahit halata ang kaunting katandaan. Derecho ang kanyang postura, parang handang makipag-argumento. Matalas ang tingin ng kanyang mga mata sa likod ng mga mamahalin niyang mga salamin. Aminado ako, kinabahan ako nang kaunti.

Sa malapitan, kamukhang-kamukha talaga ni Boss Liam ang nanay niya.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Oct 07, 2019 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

The ProxyWhere stories live. Discover now