Chapter 3 - Welcome to Hell?

5 1 0
                                    

"Kung wala ka sa listahan e anong ginagawa mo rito?" Tiningnan ako ni Angel Mae mula ulo hanggang paa. "Ah, alam ko na! Nangyari na to sa iba dati e. Teka lang. Diyan ka lang," utos sa akin ni Angel Mae. Iniwan niya ko at gumawi siya sa isang sulok. Naglabas siya ng headphones, isinaksak sa kanyang tablet at saka pumindot ng kung ano sa screen. Pagkatapos ay isinuot niya ang isa sa mga headphones sa kanyang kaliwang tenga at inadjust ang volume. "Diyan ka lang ah, Huwag ka alis diyan," paalala niya sa akin.

Kumakabog dibdib ko noong oras na iyon. Hindi ko na alam kung ano ang puwedeng mangyari. Napatingala ako at tiningnan ang mga boss ko na nakasilip mula sa pintuan ng tren. Maya-maya pa, lumutang pababa si boss Kiko. Sumunod sina boss James at boss Liam.

"Hello! Si Mae to! Busy ka ba? May problema ako rito," sabi ni Angel Mae habang may kausap sa headphones. Nagsalubong ang mga kilay niya nang makitang bumaba ang mga boss ko para samahan ako. Binalak pa yata kaming pagsabihan pero lumingon na ulit siya nung marinig ulit ang sinumang kausap niya.

"Oo na, di na kita ulit istorbohin pagkatapos nito pero puwede mo bang tingnan to? Gusto ko lang makasigurado. Punta ka naman dito" sabi ni Angel Mae. Kung ani man ang sinagot ng kausap niya, napabuntong hininga na lang siya. "Eeeehh sandali lang naman to. Punta ka na rito, pleeeease?" sabi ni Angel Mae na may halong pagdadabog at pagpapacute na parang bata. Matapos ang ilang sandali ay ngumiti na siya at nagbago ng tono ang kanyang boses. "Yeeeeey, thank you, muah, muah. Antayin ka namin ha! Thanks!" sabay tanggal sa headphones ni Angel Mae. Pagkatapos ay tumakbo siya papalapit sa amin. Akala ko tuloy sisitahin niya kami. "Oy! Tabi kayo, tabi. Bilis, biliiiis!" Tinaboy kami ng Anghel sa isang tabi, sa lugar na malayo-layo rin sa tren na nakalutang sa taas.

Ilang sandali lang, may malaking butas na bumuka sa parte ng sahig kung saan kami nakatayo kanina. Lumitaw mula sa butas ang isa pang tren, kamukha nito ang mga lumang tren na nakikita ko noon sa mga aklat pangkasaysayan pero hindi kalawangin at naagnas. Kung mukhang futuristic at mala-bulletrain ang itsura ng tren sa taas, eto naman, makaluma pero romantiko ang dating. Umusok nang malakas ang tambutso sa taas ng lumang tren at parang baga na nagningas pula ang ilalim. Sa katunayan, nakakapaso sa paningin ang tren at mejo uminit ang paligid. Binalot ako ng kaunting takot. Parang alam ko kung saan galing ang tren na to.

Maingay na bumukas ang pintuan ng lumang tren at sumingaw ang maraming usok mula sa loob. Lumabas ang isang lalaking mahaba ang buhok at may hikaw sa bibig at tenga. Magarbong-magarbo ang suot niyang damit, pulang amerikana. Kahit ang suot niyang sapatos, makintab na pula. Sumusunod sa likuran niya yung usok habang papalapit siya sa amin. Parang dinadampian ng napakainit na plantsa ang dinadaanan niya. Nagmimistulang mainit na baga ang bawat hakbang niya sa sahig.

"Ano ba Mae?! End of month ngayon. Naghahabol pa ko sa quota ko," yamot na sabi ng lalaki. Nang makita niya ako at ang mga boss ko, ngumiti siya sa amin at nag-abot ng kamay. "Heeey, mga bros! Welcome to the Afterlife! Lance, at your service, mga parekoy."

Aabutin na sana ni boss Liam ang kamay ni Lance nang tinapik ni Angel Mae ang braso niya. "Uy, uy! Bawal hawakan! Pag kinamayan niyo siya, wala kayong choice kundi sumama sa kanya."

Oy Lance!" sabay duro ni Angel Mae sa lalakeng magarbong ang damit. "Akin to ha! Akin to! Walang ganyanan! Diyan ka lang, tsupi! Diyan, yaaaan!" tinaboy ni Angel Mae si Lance palayo sa amin at napakamot na lang siya sa ulo. Wat is wrong wid her! Mukha namang cool itong si Lance.

"Ang lambing-lambing mo pa kanina sa phone tapos ganyan ka na ulit," reklamo ni Lance. Umirap lang si Angel Mae tsaka tumuro sa direksyon ko. "Siya yung gusto kong itanong sa yo. Pakicheck naman sa records mo. Baka naligaw na naman. Alam mo naman yung IT, busy masyado sa pag-aayos ng mga kapalaran ng mga tao. Napabayaan na naman yung system glitch," sabi ni Angel Mae na may halong pagkainis. Tinitigan ako ni Lance ng mga pula niyang mata at saka tumango. Sumenyas siya sa ere at lumapag sa kamay niya ang isa ring tablet na kulay itim. Ngayon ko lang naalala na hi-tech pala ang mga tao sa kabilang buhay.

The ProxyWhere stories live. Discover now