Mensahe para sa iyo

24 1 0
                                    

Psst, ikaw.

Oo, ikaw.

Unang-una, gusto kong magpasalamat sa'yo.

Biruin mo, sa lahat ng mga kuwentong nagkalat sa Wattpad, dito ka napadpad.

Kahit naligaw ka lang sa sulok na ito ng Wattpad, sana magustuhan mo pa rin ang kuwentong ilang taon ko rin ipinanganak.

Una kong naisip ang kuwento ng "The Proxy" noong 2013 na umusbong mula sa pagkahilig ko sa anime, light novels, manga. Kaya ang unang naging plano, magkakaroon siya ng tatlong ending na mala-visual novel.

Ilang beses ko ring sinbukang tapusin ang kuwento tuwing NaNoWriMo o National Novel Writing month tuwing Nobyembre. Pero hanggang 7,000 words lang ang nagawa ko sa aking unang "attempt" at pagkatapos noon, nilamon na stress, pagod, katamaran, at mga responsibilidad ang oras ko para tapusin ang istorya. Ilang beses din ito nangyari taon-taon. Ang hirap talaga maging matanda.

Noong 2016 naman, sinubmit ko ang ideya sa Wattpad Writing Battle of the Year at nakalusot siya hanggang second round. Kinailangan kong baguhin nang kaunti ang plano ng kuwento pero hindi ko pinalitan ang kabuuang ideya at mga karakter. Maganda ang pagtanggap ng ilang mga mambabasa sa 300 word intro na sinulat ko para sa audition round ng WWBY 2016. Ginawa ko ang makakaya ko sa mga sumunod na rounds dahil gusto kong magkaroon ng pagkakataon na matapos ang kuwento at ma-print bilang libro. Pero hindi na ko sinuwerte pagdating ng second round. Pagkatapos ng nawalang pagkakataon, ilang taon ding natengga ang kuwento dahil naging abala sa trabaho at sa ibang writing opportunities.

Kamakailan lang, tinanggal ako sa writing team na pinagkukunan ko sana ng pangalawang kita. Hindi na raw kasi maganda ang mga sinusulat kong articles at lagi rin akong nahuhuli sa deadline. Bumaba ulit ang kumpiyansa ko sa pagsusulat.  Pero dahil sa kabiguang iyon, nagkaroon ako ng oras para halungkatin ang mga kuwentong hindi ko pa natatapos. Isa na rito ang ilang chapters ng "The Proxy".

Kaya heto ako ngayon sa Wattpad, nagbabakasakaling matapos ko na ang kuwento nina Boogie at ng kanyang mga kaibigan. Kung sakali man na marating ng kuwento ang "finish line", masasabi kong malaking bahagi ang involvement MO. Sa tulong mo, matatapos natin ang kuwentong matagal ding naligaw sa kawalan. Kaya ngayon pa lang, nagpapasalamat na ako SA IYO, MAHAL KONG MAMBABASA.

Noong minsang sumali ako ng isang writing workshop, sinabi sa amin noon na lahat ng kuwento, may nagbabasa. Noong una, hindi pa ako naniniwala nang husto. Kagaya nito, hindi ko alam kung may magbabasa talaga ng kuwentong ito, kung may magkaka-interes talaga sa kuwento ni Boogie. Pero anjan ka, naligaw man o hinde. Kaya ko nga hinanda ito. Dapat merong magwelcome sa iyo. Nandiyan ka naman. Hindi na malulungkot sa hard drive ng PC ko ang kuwentong ito.


   

The ProxyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon