Chapter 28

11 1 0
                                    

"Paano ako napunta rito?"

Inilinga ni Jasper ang kanyang paningin sa paligid. Hindi man niya nauunawaan ang mga nangyayari, pamilyar naman sa kanya ang lugar kung nasaan siya ngayon. Nasa ibabaw siya ng burol kung saan tanaw ang dagat. Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa mga kugon na hindi gaanong malago. Tanging ang liwanag ng bilog na buwan ang nagbibigay ilaw sa paligid at humagumo ang hangin sa sinayawan ng mga kugon at ilang maliliit na puno.

"Hindi ko inaasahang uuwi ka, Yaska [Jaska]." Isang tinig ng lalaki ang narinig ni Jasper mula sa kanyang likuran. Kilala niya ang boses na iyon.

Dahan-dahang humarap si Jasper sa pinanggalingan ng boses. Nakatindig doon ang isang matangkad at payat na lalaki. Nililipad ng hangin ang mahaba niyang itim nabuhok na abot hanggang balikat. Hindi gaanong kita ang kanyang hitsura dahil nasa likod nito ang maliwanag at bilog na bilog na buwan na parang mas tumindi ang ilaw na idinulot.

"Ku..kuya?" nangangatal ang boses ni Jasper nang mapagtanto niya na ang nakatatandang kapatid ang kaharap niya ngayon.

"Gaya ng inaasahan namin, babalik at babalik ka pa rin sa pinagmulan mo, Yaska." Dahan-dahang lumakad ang lalaki papalapit kay Jasper. Hindi pa rin gaanong maaninag ang kanyang mukha dahil sa liwanag ng buwan.

Hindi makagalaw si Jasper sa kanyang kinatatayuan. Ngayon lang ulit siya nakaramdam ng takot sa tanang buhay niya. Wala siyang ibang kinatatakutan kahit ang mga shadow beast at Mardrum sa panaginip subalit heto siya ngayon, malapot at malamig ang pawis na bumulutong sa kanyang mukha at tila inugatan na sa kanyang pwesto dahil hindi siya makagalaw sa takot.

Huminto sa harap ni Jasper ang kanyang kapatid. Doon ay nabanaagan na ang itsura nito. Maputla ang kanyang mukha at nanlalaki ang itim na itim na pupil ng kanyang mga mata. Nakasuot siya ng itim na hakama at may nakasukbit na katana sa kaliwang bewang nito.

"Nagawa mo na ba ang trabaho mo, Yaska?"

"W..wag mo akong tawagin ng ganyan.." halos bulong lamang ang lumabas na tinig sa nanunuyong lalamunan ni Jasper.

Ngumisi ang kapatid ni Jasper at hinawakan ang katana na nakasukbit pa rin sa tagiliran. "Hindi mo ba irerespeto ang ngalang ibinigay sa'yo ng ating mga magulang, Yaska? Hindi mo pwedeng takasan ang kapalaran mo habang buhay."

"Hi..hindi ko na kayang ituloy ang gawain natin, kuya."

Biglang sinakal ng kapatid si Jasper gamit lamang ang isang kamay. Sinakmal nito ang leeg ni Jasper at itinaas siya na ere nang hindi man lang nabibigatan kahit payat ang braso niya. Napakapit ng mahigpit si Jasper sa braso ng kuya at hirap na hirap siyang makahinga dahil sa pagkakasakal sa kanya. Nang mga oras na iyon ay unti-unti nang nanlilisik at nagiging kulay pula ang kaninang itim na mata ng kapatid ni Jasper.

"Hindi mo maaring takasan ang pamilya mo, Yaska. Hindi ka magiging lucid dreamer kung di dahil sa amin," mas humigpit ang pagkakasakal ng kapatid kay Jasper dahilan para manghina ito, "wala tayong ibang purpose sa Aurora kundi ang pumaslang ng mga lucid dreamer at ganon ang gagawin mo, kapatid ko."

Nang marinig ni Jasper ang salitang Aurora at Lucid Dreamer, bigla niyang naalala kung ano ang pinakahuling nangyari bago siya mapunta sa lugar kung nasaan siya ngayon.

"Pa...panaginip lang ito," bago pa man tuluyang mawalan ng ulirat si Jasper sa pagkakasakal sa kanya ng kuya niya ay tinaga niya ng kamay nya ang braso nito dahilan para mabasag ito na parang salamin pati na rin ang buong paligid.

"Yashin!"

Pawis-pawisan at habol-hininga si Jasper nang bumalikwas sa kanyang pagkakahiga. Luminga-linga pa siya sa paligid at hinanap sa kanyang katawan ang pilak na sulpukan [lighter] na palagi niyang dala-dala.

"Sshh..kumalma ka lang, Jasper. You're back," wika ni Mitch na noon ay nire-restrain si Jasper. Malakas na kumawala si Jasper sa pagkakahawak ni Mitch at Prof. Jay at tumakbo ito sa labas ng camp hawak ang lighter.

"Pabayaan mo muna siya," ani Prof. Jay nang akmang hahabulin pa ni Mitch si Jasper.

Nang makalayo ng bahagya si Jasper sa karamihan, sinindihan niya ang lighter na pilak at umapoy ito. Matapos iyon ay tinakpan na niya ulit iyon, hinabol ang kanyang normal na paghinga saka bumalik sa grupo.

"Panaginip sa panaginip, huh?" wika niya kay Prof.

"Well, it was part of the test at nakapasa ka," tugon ng examiner.

The Dream Hunter (SELF-PUBLISHED)Where stories live. Discover now