Chapter 26

21 1 0
                                    

Nagpatuloy sa pagtakbo ang lahat ng mga examinee. Magkakasamang tumakbo ang grupo nina Veronica papasok sa kagubatan. Sa simula ay madali lamang ang mga dinaraanan nila ngunit habang tumatagal ay unti-unti na nilang napapansin ang pagbabago ng itsura ng paligid. Mas malalaki na ang mga punong nakapalibot sa kanila at mas malalago na ang mga damong kanilang inaapakan.

"Tatlong oras na tayong tumatakbo ah!" reklamo ng humihingal nang si Mitch.

"Deretso lang," ani Veronica.

Nilingon ni Rome ang mga nasa likuran nila at napansin niyang paunti na nang paunti ang mga tumatakbo. Marami sa mga examinee ang hindi na nakatagal o sadyang mahina ang kanilang lucidity kaya mabilis silang mapagod sa panaginip.

Mga ilang oras pa ang lumipas, sumapit ang apat at ang iba pang mga examinee sa isang open field na kagaya ng pinagtipunan nila kanina. Hindi nila matanaw ang bundok na kanilang pupuntahan dahil kumakapal na ang hamog sa lugar na iyon.

"Teka, tama pa ba itong dinaraanan natin?"

"Deretso lang, Mitch!" utos ni Veronica.

Mas kumapal ang hamog sa buong paligid na halos hindi na nila makita ang isa't isa. Inutusan ni Veronica ang tatlo na huwag humiwalay sa kanya kng ayaw nilang maiwan at maligaw sa lugar na iyon. Maya-maya pa ay nakarinig sila ng mga sigaw sa di kalayuan sa kanila. Mga examinee rin ito na tila humihingi ng tulong.

"Sandali!" sigaw ni Rome, "tulungan natin sila!" habang patuloy pa rin sa pagtakbo.

"Abante lang kung ayaw mong mamatay, bata." Sagot ni Jasper na pa-cool pa rin habang tumatakbo. Sinimangutan lang naman ng masama ni Rome ang kasama kahit hindi niya ito halos mabanaagan at patuloy pa rin sa pagtakbo.

Isang malaking nilalang ang sumunggab sa isa sa kanila, kay Mitch. Napasigaw ito nang malakas upang humingi ng tulong. Nataranta naman ang tatlong kasama niya dahil hindi nila alam kung saan tinangay ng halimaw si Mitch.

"Mitch! Nasaan ka?!" sigaw ni Rome.

"Shadow Beast! Mag-iingat kayo!" babala Veronica sa mga kasamahan.

Inilabas ni Jasper ang kanyang lighter at nanatiling nakatayo. Nakikiramdam sa anumang halimaw na susunggab sa kanya. Si Veronica naman ay kinuha ang kanyang libro sa bag na dala-dala niya palagi.

"Mitch!" sigaw ni Rome.

"Tulong! Aaaaah!" daing ni Mitch.

Nang malaman ng tatlo kung saang bahagi nanggaling ang sigaw, tumakbo agad sila papalapit doon. Binuklat ni Veronica ang kanyang libro at dumukot ng lapis. May isinulat siya doon saka pinunit ang papel at ihinagis sa bahagi kung saan nanggaling ang sigaw ni Mitch. Naging isang malakas na ipo-ipo ang papel ni Veronica dahilan para mahawi ang mga hamog na naroon pansamantala. Doon ay tumambad sa kanila si Mitch na tangay ng isang shadow beast na maraming tentacles. Nakapulupot kay Mitch ang dalawa sa galamay nito at humarap sa tatlo.

"Jasper!" sigaw ni Veronica.

Sinindihan ni Jasper ang kanyang sigarilyo habang nakasubo sa bibig. Nang masindihan na ito, itinutok niya iyon sa halimaw at buong lakas na humihip. Mula sa dulo ng sigarilyo ay lumabas ang napakalakas na apoy na bumuga sa mukha ng halimaw. Muntik pang tamaan si Mitch ng apoy pero dahil bumitaw sa pagkakapulupot ang galamay, nalaglag siya at bumagsak sa lupa.

Dahil walang naitulong si Rome, siya na lamang ang patakbong lumapit kay Mitch para tulungan ito. Iniakbay niya ito sa balikat nya papalayo sa halimaw na noon ay nasusunog pa rin ang pagmumukha.

"Tara na!" sigaw ni Veronica, "hindi natin siya mapapatay sa ngayon!"

Tumulong na rin si Jasper sa pag-akay kay Mitch para mas mabilis silang makalayo sa shadow beast.

Sumapit muli sila sa mapunong lugar at hindi na ganoon kakapal ang hamog roon. Huminto muna sila at isinandal si Mitch sa isang puno.

"Kaya mo pa ba?"

"Oo." Tugon ni Mitch kay Rome habang iniinda pa rin ang sakit ng pagbagsak niya sa lupa.

"Hindi tayo pwedeng magtagal dito. Siguradong nakakalat ang mga shadow beast sa lugar na ganito," nababahalang sambit ni Vica.

Masakit man ang katawan ay pinilit tumayo ni Mitch para muling tumakbo. Sumabay na rin ang tatlo at binagtas nila ang ngayon at masukal na gubat. Mas malalabay ang mga damo rito kumpara sa dinaanan nila kanina. Anim na oras na ang nakalilipas nang maramdaman nilang papataas na nang papataas ang kanilang tinatakbo. Mas lalong naging mahirap ito para sa kanila at mas maraming mga examinee ang hindi na kinaya ang pag-akyat.

Walong oras din ang lumipas nang marating nila ang pinakatuktok ng bundok na itinuro sa kanila ni Prof Jay. Lupaypay na naupo si Mitch sa lupa habang nakahawak naman sa magkabilang tuhod si Rome habang hinahabol ang hininga.

"Isanlibo tayong mahigit noong simula pa lang ng exam pero halos wala na tayong isandaan ngayon," wika ni Veronica.

"Magaling!" sabi ni Prof Jay, "Sa ilang oras ay sisimulan na natin kaagad ang kasunod na test. Binabati ko ang grupo ninyo, Veronica."

Nang makabawi na sa pagod ay tiningnan ni Rome kung sino-sino ang mga nakaakyat na sa tuktok ng bundok at hindi na siya nagtaka na naroon na si Alfred at tahimik na nakasandal sa isang puno. Naroon rin ang grupo ng babaeng madalas nakawan ng titig ni Prof Jay at ilang mga examinee na mukhang may potensyal na makapasa sa pagsusulit.

Nang sumapit na ang sampung oras, wala nang ibang examinee ang nakaakyat sa kinaroroonan nila. Pormal nang idineklara ni Prof Jay ang mga natirang examinee na qualified sila sa kasunod na pagsusulit. Niyaya niya ang lahat na sumunod sa kanya. Doon ay nasa gilid sila ng isang bangin na halos hindi na matanaw ang ibaba.

"Eto ang ikatlo sa huling pagsusulit. Dito masusukat ang husay ninyo sa pag-iisip. Kahit lucid dreamer na kayo, may mga panahon na hindi nyo pa rin malaman kung nananaginip ba kayo o hindi. Sa test na ito, maaari kayong ma-trap sa panaginip at habambuhay nang hindi magising sa waking life kaya't kung may gusto pang mag-back out, now is the time," pahayag ng propesor.

Nang wala ni isang nais umatras, ipinaliwanang ni Prof na ang kailangan nilang gawin para simulan ang pagsusulit ay ang tumalon sa bangin. Nagulat ang karamihan sa mga examinee at naging rason iyon para magdalawang isip sila sa pagpapatuloy ng exam.

"Nababaliw na ata ang taong ito," wika ng isang examinee.

"Gusto niya atang habambuhay tayong makulong sa Void," reklamo naman ng isa.

Umugong ang bulong-bulungan sa mga examinee at nakangiti namang sinabi ni Prof Jay na maaari pa naman silang lumahok sa pagsusulit sa kasunod na taon kung ayaw nilang ipagpatuloy ngayon. Siya namang pagtalon ni Alfred sa bangin nang hindi man lang natatakot. Nagulat ang karamihan maliban kay Rome dahil alam niya ang kakayahan ni Alfred. Sumunod na tumalon ang grupo ng babaeng crush ni Prof Jay. Tumalon na rin ang ilang mga examinee kahit labag sa kanilang kalooban.

Pumwesto na rin sina Rome sa gilid ng bangin at pare-parehong nakatingin sa ibaba.

"Goodluck," wika ni Prof Jay sa kanila. Magkakasabay silang tumalon at unti-unti silang nawala sa paningin ng propesor.    

The Dream Hunter (SELF-PUBLISHED)Where stories live. Discover now