Chapter 6

68 8 0
                                    

Maagang nagising si Rome upang pumasok. Mumukat-mukat pa ang mga mata niyang tinungo ang banyo upang magbawas ng gintong likido mula sa katawan. Matapos iyon ay pumunta siya sa kusina upang kaltisin ang pihitan ng stove. Sa kanang lutuan niya ipinatong ang takuri na sinidlan niya ng tubig at sa kaliwa naman ang kawali. Parehas niyang pinaliyab ang dalawang kalan.

Binuksan ni Rome ang refrigerator at kinuha ang isang itlog. Binasag iyon, konting pihit at tuluyang bumagsak ang burok at puti sa kawaling may konting mantika. Kakalagay lang niya ng bagong stock ng mga itlog sa kanyang ref na madalas niyang lutuin pang-almusal. Binuklat din niya ang kaldero, sumandok ng kaning-lamig at inilagay ito sa plato.

Pagkatapos magluto at magtimpla ng kape, binuksan niya ang telebisyon at saka pumwesto sa mesa at kumain. Sa telebisyon, kasalukuyang ibinabalita ang isang exlusive video ng press conference sa isang congressman."

Sa telebisyon, nagtanong ang isang journalist, "Mr. Congressman, nagulat po ang taumbayan nang mapagdesisyunan na tanggalin ang rape at plunder sa pwedeng patawan ng death penalty. Ano po ang rasyunal na dahilan?"

"Uhm, lahat naman ay pinag-aaralan sa kamara at hindi kami magkakaroon ng desisyon nang hindi dumaan sa mahabang diskurso. Sundin na lamang po natin kung ano ang naging desisyon. Humiling ang tao na ibalik ang death penalty, masusunod na ngayon ang kanilang kahilingan."

Matapos ang pahayag ng kongresista ay lumakad na ito palayo sa media. Nangibabaw ang ingay ng pagtatanong ng mediang nakapalibot at sumusunod pa rin sa kanya at nagbabakasakaling masagot ang mga katanungan. Gusto nilang malinawan kung bakit hindi isinama ang rape sa pwedeng mapatawan ng death penalty kahit alam ng lahat na kaliwa't kanan ang mga karumal-dumal na panggagahasa ang nangyayari. Gayon din ang pandarambong. Lumalabas sa espekulasyon ng mga tao na kaya tinaggal ang plunder sa pwedeng maparusahan ng death penalty ay dahil upang maging ligtas ang mga pulitikong buwaya oras na makasuhan ang mga ito ng plunder.

Ang mga bagay na iyon ang biglang pumasok sa isip ni Rome dahilan upang uminit ang ulo niya umagang-umaga.

"Bullshit!"

Hindi na niya napigilan ang nagpupuyos na emosyon. Mahigpit ang pagkakakapit niya sa tasa at magkasalubong na ang kanyang dalawang kilay.

"Anong klaseng pamahalaan meron tayo?!" sabay pukpok nang hawak na tasang may lamang Milo sa mesa. Sa lakas ng pagbagsak, lumigwak ang laman nitong Milo.

Natulala na lamang si Rome sa mga sumunod na pangyayari. Hindi nabasag ang tasang ihinampas niya sa mesa sa kabila ng lakas ng kanyang pagbagsak rito. Lalong hindi kinaya ng balintataw ni Rome nang makitang lumutang sa ere ang likidong Milo nang ihampas niya ang tasa.

"Oh my God, I am dreaming again!" napatayo si Rome sa kinauupuan at napatingin rin sa telebisyon. Napansin niyang unti-unti itong nasusunog na parang papel at palawak nang palawak ang nilalamon ng sunog na iyon.

Parang yelo na natutunaw sa kinatatayuan ngunit nang makita niyang malapit na sa kanya ang bahagi na parang nasusunog, kumaripas na siya nang takbo palabas ng bahay.

Hindi inalintana ni Rome ang kanyang suot. Nakasando at boxer shorts lang siya noong bumangon at kumain at iyon rin ang suot niya ngayon habang kumakaripas ng takbo. Hindi niya ramdam ang mga maliliit na batong bumabaon sa kanyang talampakan.

Tuwid lang ang tingin ni Rome at hindi na siya lumingon pa ngunit alam niyang patuloy siyang hinahabol ng misteryosong sunog. Walang pagod siyang tumakbo sa gilid ng abalang kalye. Patuloy pa rin ang buhay sa paligid kahit may nangyayaring kakaiba. Tila ba hindi napapansin ng mga tao na hinahabol si Rome ng kung anong nilalang na nasa ilalim pa ng lupa. Hindi rin pansin ni Rome na kakaiba na ang itsura ng kalangitan nang patakbo siyang lumabas sa bahay.

Dali-daling pumasok si Rome sa 711 store. Napatingin pa sa kanya ang ilang mamimili sa loob dahil humahangos niyang binuksan ang salaming pinto. Nagtago si Rome sa likod ng istante ng mga sitsirya sumilip sa labas upang tingnan kung hinahabol pa rin siya ng aninong nasusunog.

Napansin ng kasera ng 711 na tila may pinagtataguan si Rome kaya't dinampot nito ang telepono sa counter at pinindot ang numerong 9-1-1. Napansin ito ni Rome at alam niyang pulis ang tinatawagan ng kahera kaya't umisip siya ng paraan para makaalis. Kung tatakbo siya palabas ng 711 ay maaaring bumulaga sa kanya ang humahabol na anino. Kapag nanatili naman siya sa pagtatago ay siguradong darakpin siya ng mga pulis kahit wala naman siyang ginagawang masama.

Ilang minuto pang nag-isip si Rome hanggang sa maalala niyang nananaginip nga pala siya.

"Crazy idea pero posible," wika ni Rome nang tumingin siya sa pintuan ng stock room ng store. May nakasulat doong AUTHORIZED PERSONNEL ONLY pero mabilis na lumapit si Rome doon upang buksan ito.

"Hoy, bawal diyan! Hoy!" sigaw ng kahera.

Hindi pinakinggan ni Rome ang sigaw ng babae. Itinulak niya ang pintuan at dere-deretso siyang pumasok roon sa kabila ng pagbabawal ng staff ng 711.

Muling namilog ang mga mata ni Rome nang makapasok na siya sa silid. Teka, wala siya sa isang silid! Nasa isang lugar siyang hindi pamilyar sa kanya!

"It worked!" sigaw ni Rome.

Inilinga niya ang kanyang mga mata. Nasa isang kalye siya na maraming mga ilaw. Ang mga sidewalk ay malawak at may mga mesa. May mga nagkakape, may ilang bahagi na beer ang iniinom ng mga nakatambay at karamihan ay puro restaurant na.

"Nice get up, para kang a-attend ng pajama party," sambit ng isang pamilyar na boses mula sa likuran ni Rome. Pagharap ng lalaki, nakatayo roon si Veronica. Magsasalita na sana si Rome pero hindi na niya ito nagawa dahil hinampas siya ni Veronica sa ulo gamit ang isang makapal na makapal na libro.

The Dream Hunter (SELF-PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon