Chapter 18: Kakampi

4.9K 125 34
                                    


       Panay ang kurap ni Jia habang pinagmamasdan ang kanyang Tiyang Bebang na abala sa pagbabalat ng orange. Silang magtiyahin na lang ang naiwan sa loob ng silid niya sa ospital. Kusang lumabas sina Json at Ms. Alexa upang makapag-usap silang magtiyahin. Kanina 'yon, ilang minuto na rin ang nakararaan. At dahil wala siyang imik, pinagdiskitahan ng tiyahin niya ang pagbabalat ng orange. Marami siyang gustong itanong sa tiyahin niya kaso parang napipi na 'ata siya. Dahil bukod sa ibang-iba na ang awrahan ng tiyahin niya, hindi rin siya makapaniwala na sa nakalipas na isang dekada mahigit, muli pa silang magkikita.

       Napaigtad pa si Jia nang bigla itong magsalita, ang atensyon nito nasa pagbabalat ng orange pa rin.

       "Hay naku Jianna Elise! Kung questioning and answer portion na, gora na. Pipilitin sagutin ng kagandahan ko 'yang mga questionings mo na 'yan." Itinabi nito sa mesa ang binalatan nitong orange at tinanggal ang malapad na shalang sumbrero nito at shades bago lumapit sa kanya. Umupo ito sa tabi ng kama niya, kinuha ang malayang niyang kamay bago siya tinitigan. Ilang sandali pa, malungkot itong ngumiti. "Tama ako, maganda ka paglaki. Mana ka sa akin e. Sa amin ng Nanay mo."

       Nangilid na rin ang luha niya. "Ang tagal-tagal ninyong bumalik, Tiyang. Ang tagal-tagal po ninyo..." Humagulgol na siya at tuluyang yumakap sa tiyahin niya. Agad naman siyang inalo ng Tiyang Bebang niya.

        Dumaan sa isip ni Jia ang lahat ng pinagdaanan niya. Ang mga gabing itinutulog niya ang kanyang gutom. Ang mga araw na kahit inaapoy siya ng lagnat, kinailangan niyang magbanat ng buto para sa pangkain niya. Ang bawat Linggo na ginugol niya sa simbahan upang magdasal sa pagbabalik ng Tiyang Bebang niya. Gayunpaman, kahit na anong sakit ng mga pinagdaanan niya, hindi niya magawang magalit sa tiyahin niya. Pamilya niya ito at kahit na anupaman ang kasalanan nito, alam niya sa puso niya, kayang-kaya niya iyong patawarin.

      "Patawarin mo ako, Jianna. Alam ko marami akong pagkukulang sa 'yo. Pero maniwala ka, hindi ko sinasadya," paliwanag ng Tiyang Bebang niya nang kumalma silang dalawa sa pag-iyak. "Si Stefan, akala ko siya na ang sagot sa mga mga dasal ko. Na siya na ang puwedeng mag-ahon sa ating dalawa sa hirap. Kaso ang lintok, miyembro pala ng gang-gang at gung-gong! Hindi ko rin alam na may balak pala siyang maging boksingero at ako lagi ang pinagpa-praktisan ng leshe!" Umingos ito. "Tapos sugarol din siya, ginawa pa akong bayad utang nang minsang matalo siya. Hindi ako makaalis-alis sa poder niya kasi tinatakot niya 'ko. Alam mo naman ako always afraidful. Hanggang salamat sa mahabaging langit, nadedo rin ang lintok matapos ang anim na taon. Kaya carefree na ako." Nagpunas ito ng luha. "Siyempre hindi naman ako makauwi agad dahil nga waley akong anda. Kaya pumasok akong chimini-a-a sa mga shala. Suwerte naman, pumatok ang alindog at kagandahan ko sa amo kong maraming anda na Italyano at pinakasalan niya ako noong isang taon. Natagalan dahil hinintay rin naming madedo 'yong fudrakels niya na hindi boto sa mga kagaya kong chimini-a-a lang." Muli nitong ginagap ang kamay niya. "Hinanap kita agad, Jianna pagkatapos naming makasal ng Zio Anton mo. Kaso, wala ka na raw sa Batangas. Pero may I seek seek seek until I finally find someone kita. Kaya nandito na ako, my byutipol niece. Marami na tayong anda. Hindi ka na maghihirap at ang magiging apo ko." Hinaplos nito ang tiyan niya. "Jusko! Masaya akong hindi man ako nabiyayaan ng bambino, mayroon na naman dagdag sa pamilya nating maaalindog at magaganda."

       Napangiti si Jia sa sinabi ng tiyahin niya. "Salamat po, Tiyang. Binalikan niyo 'ko."

       Sinapo ni Tiyang Bebang ang mukha niya. "Puwede ba namang hindi kita balikan. Blood is thicker than butter kaya."

       Muling niyakap ni Jia ang tiyahin niya kahit na may dalang windangan ang huling sinabi nito sa kanya. Masayang-masaya siya talaga sa muli nilang pagkikita ng tiyahin niya. May pamilya na ulit siya— sila ng baby niya. Hindi man kumpleto gaya ng pinapangarap niya, basta ba may matatawag siyang pamilya.

My Unexpected You (PUBLISHED UNDER IMMAC PPH)Where stories live. Discover now