Chapter 16: Decision

4.5K 141 13
                                    


Marahang ibinukas ni Jia ang kanyang mga mata. Maliwanag ang paligid at nasisilaw siya. Mabilis niyang isinalag sa kanyang mukha ang kanyang kamay upang mapatigil lamang nang mapansing may nakakakabit na suwero sa kanya.

Napasinghap siya at mabilis na sinapo ang kanyang tiyan nang magbalik sa kanyang alaala ang mga nangyari kani-kanina lang.

"Ayos lang ang baby mo, Jia. Siniguro 'yon ni Doc Angel sa akin kanina," ani Json na nakaupo pala sa tabi ng kanyang kama. Puno ng katanungan ang mata nito at dahil wala pa siyang kakayahang sumagot, ipinagala na lang niya ang tingin sa silid na kinaroroonan niya. "Nasa private room ka dito sa ospital. Hindi pa raw kasi kita puwedeng iuwi, under observation ka pa rin ng mga doktor," patuloy na paliwanag ni Json.

May ilang sandali ring nanahimik silang magkaibigan hanggang sa hawakan ni Json ang malaya niyang kamay at marahan iyong pinisil.

Napahagulgol na siya. May kasalanan siya rito at kinakain siya ng kanyang konsensya. "S-sorry, JM. Sorry talaga. Hindi ko naman gustong magsinungaling sa 'yo kaso-"

Niyakap siya ni Json. Hindi ito nagsalita, nanisi, o kaya namumbat. Hinayaan lang siya nitong umiyak sa bisig nito nang walang panghuhusga. Nang kumalma siya nang kaunti, saka ito nagsalita.

"Wala kang dapat ihingi ng tawad. Naiintindihan ko. Hindi mo naman obligasyong sabihin sa akin ang lahat, Jia. Kaso, kung nagsabi ka lang, hindi ka sana nahirapan. I am always willing to help you, Jia. Kahit na ano pa 'yan. Naalala mo noong ako naman ang patapon ang buhay? You've stayed with me kahit pa sinukuan na ako ng lahat. I found the sister that I never had in you, Jia. Kaya naman ngayon, hayaan mo 'ko, kami ni Alexa na alagaan ka at ang magiging baby mo."

Nagyuko siya ng ulo. Hiyang-hiya siya kasi kay Json. Lagi na lang siya nitong sinasalo sa mga kashungahan niya hindi lang sa opisina kundi pati na rin sa mga maling desisyon niya sa buhay.

"S-salamat, JM."

Ngumiti lang ulit ito at marahang pinalis ang luha niya. "That's what families are for, Jia- helping hands. Kaya tumigil ka na sa pag-iyak mo. 'Pag nadatnan ka ni Lexie na umiiyak, babatukan ako no'n. Sinabihan na niya ako kanina na 'wag kitang aawayin e."

"K-kasama mo si Ms. Alexa?"

Tumango ito. "Bumili lang ng pagkain saglit."

"E paano si Baby Zeke, sinong nag-aalaga?" Ang Baby Zeke na tinutukoy niya ay ang ikalawang anak ng mag-asawa. Mahigit isang buwan pa lang nang isilang ito ni Ms. Alexa pero nandito na ang agad ang mag-asawa para tulungan siya. Nakakahiya talaga.

"'Wag kang mag-alala, we got all the help we need," anito bago muling ngumiti.

Maya-maya pa dumating na rin si Ms. Alexa, marami itong bitbit na pagkain. Gaya ni Json, binigyan din siya nito ng mahigpit na yakap at sinugurong tutulungan siya sa anumang kinakaharap niya. Nang sandaling magpaalam si Json upang kusapin si Dr. Pedroza, dinaig pa ni Ms. Alexa ang reporter sa pagtatanong sa kanya.

Siyempre sinabi na niya ang totoo. Kung paano siya nabangenge noong kasal ng mga ito at nakipag-chuk chak ganern ganern sa tatay ng baby niya na sinadya niyang 'wag pangalanan. Sinabi rin niya ang dahilan kung bakit siya na-stress nang bongga kanina na siyang dahilan ng muntikang pagkapahamak ng baby niya. Pero dahil gusto niyang i-achieve ang pag-aartista, puro blind item ang pagkuwento niya, pulos mga walang pangalan ang mga tauhan.

"Jia," pukaw ni Ms. Alexa sa kanya maya-maya habang ipinaghahanda siya nito ng pagkain. "Tutal tayong dalawa lang naman dito and I know this sounds too personal, puwede mong sagutin at puwede rin namang hindi. But who's the father of your baby? Kung sa kasal namin kayo nagkita at nagkemerlu ng tatay ng baby mo, ibig sabihin, bisita namin siya. Taga-DLVDC ba siya?"

My Unexpected You (PUBLISHED UNDER IMMAC PPH)Where stories live. Discover now