Chapter 15: The Visitor

4.4K 134 6
                                    


       Madilim pa nang maalimpungatan si Jia. Alas-tres ng madaling araw, iyon ang sabi ng orasan na nasa bedside table. Mabilis na dumaan sa isip niya ang naganap sa nagdaang mga oras. Hindi niya napigilan ang mainis na naman sa kanyang sarili. Napakarupok talaga niya pagdating kay Tyrone. Dalawang beses siyang sumuko sa mga halik at yakap nito. At sa parehong pagkakataon, sa pamamagitan ng maingat na pag-angkin nito sa kanya, ipinaramdam nito na espesyal siya. Kaso, ngayong tumila na ang ulan at humupa na ang bagyo sa pagitan nila ng lalaki, pilit siyang ibinalik ng reyalidad sa tunay na namamagitan sa kanilang dalawa.

       Bumaling siya kay Tyrone na katabi niya sa kama. Mahimbing pa rin ang tulog nito—payapa. Bakit gano'n? Wala itong ginagawa, pero parang natutukso siyang hawakan ito at muling isiksik ang sarili niya sa mga bisig nito. Nababaliw na 'ata siyang talaga. Paanong sa isang pagsulyap lamang niya rito, napupuno na ang dibdib niya ng labis na pagmamahal para kay Tyrone?

       Buong buhay niya, hindi siya naghanap ng sobra. Kung anong ibigay ng tadhana, tinatanggap niya nang walang pag-aalinlangan, nang buong puso. Pero pagdating kay Tyrone, hirap siyang tanggapin na may limitasyon ang mga kaya nitong ibigay sa kanya. Naghahanap siya. Naghahangad. Nangangarap nang higit pa.

         Napaluha siya dahil sa naisip. Masuyo niyang hinaplos ang mukha ng lalaking mahal na mahal niya kahit bawal.

       Siguro nga, pagdating kay Tyrone, makasarili siya. Gusto niya itong ariin kahit pag-aari na ito ng iba.

       Pigil na pagil ang paghikbi, mabilis na nagbihis si Jia at lumipat sa kuwarto niya. Ilang sandali rin siyang umiyak bago muling nanalangin ng lakas ng loob upang tigilan na niya itong mahalin. Ang kaso, pagpikit niya, mahal pa rin niya ang lalaki. Mas minahal pa nga ngayon kung tutuusin.


*****


        Walang imikan silang kumakain ng pananghalian ni Tyrone. Ipinagluto sila ni Manang Belen, ang cook sa mansyon ng mga San Miguel. Kanina pagkagising niya, abala na sa kusina si Manang Belen. Ipinakilala siya ni Tyrone sa matandang kusinera na tumayo rin daw na yaya ng lalaki nang ilang taon. Magiliw ang matanda. Mukhang siyang-siyang makita siya. Hindi rin ito nagtanong tungkol sa set-up nilang dalawa ni Tyrone. Tuwang-tuwa pa nga ang matanda nang haplusin nito ang tiyan niyang sa anim na buwan at kalahati'y, halatang-halata na ang umbok. Sabi pa nito, kung nabubuhay lang ang mga magulang ni Tyrone tiyak na matutuwa raw ang mga ito kapag nakilala siya at ang baby niya.

        Nginitian lang niya ang sinabing iyon ng matanda. Kahit pa sa loob-loob niya, nag-aalangan siya. Insekyora siya e. Paanong matutuwa ang magulang ni Tyrone sa kanya e 'di siya kauri ng mga ito. Siya lang naman ang babaeng bangenge at pagala-gala sa tabi-tabi na aksidenteng nabuntis ni Tyrone. Ni wala siyang kayamanan, pinag-aralan at higit sa lahat, hindi siya diwata.

        Tumikhim si Tyrone. "Mula ngayon si Manang Belen na ang magluluto para sa atin," balita nito. "Papalaki na kasi si baby, ayokong mahirapan ka sa paggalaw-galaw dito sa bahay."

        Tipid siyang tumango, hindi inaalis ang mga mata sa plato. Alangan siyang makipag-usap dito e.

        "Jia, about last night..."

        Kinakabahan siyang sumulyap dito.

       "B-bakit?"

        Tinitigan muna siya nito, parang binabasa ang mukha niya, bago, "What do you think about getting married?"

        "Ha?"

         Tumikhim ito. Sandaling namula ang mukha bago umayos ng upo. "What I mean is, anong tingin mo sa pagpapakasal?"

My Unexpected You (PUBLISHED UNDER IMMAC PPH)Where stories live. Discover now