Chapter 7: Ano Daw?

4.5K 141 11
                                    


        Araw ng Sabado

        Alas-dos ng hapon ang check up ni Jia kay Dr. Pedroza. Talagang ni-request niya na kung maari, i-schedule ng doktora ang check up niya ng weekend upang wala siyang trabaho. Hindi pa siya kasi handang sabihin sa mga katrabaho niya, lalo kay Json, na buntis siya.

        Wala man sa budget niya, nag-taxi siya papunta sa ospital. Masyado kasing mainit ang panahon. Hindi siya gaanong nakatulog kagabi at inaalala niya na baka mahilo siya sa daan.

        Pagbaba niya sa taxi, sumalubong agad sa kanya ang isang lalaking naka-baseball cap at face mask na kulay itim. Sa takot at gulat niya, bigla na lang niyang inihambalos sa estranghero ang bag niya. Kung miyembro man ito ng gang o holdaper, uunahan na niya ang walanghiya!

        "Aray! Stop it, Jia. It's just me!" anang lalaki bago nito nagmamadaling inalis ang face mask nito.

        Lalong sumulak ang inis niya nang magpagtantong si Tyrone ang lalaking nasa harap niya. Nanggigigil niyang muling inihambalos ang bag niya rito.

        "Lintek kang tukmol ka! Nanggugulat ka pang talaga! Nag-cry me-a-river na nga ako dahil sa pang-ookray mo, nagpakita ka pang talaga! Nakariding-in-tandem costume ka pang talagang lintok ka! Ano sisindakin mo 'ko? Jusko! Miyembro ako ng Kapisanan ni Gabriela! Atapang atao 'to, hindi atakbo!" tuloy-tuloy na litanya niya habang panay naman ang salag ni Tyrone sa bag niya.

        "Jia, tama na! Nandito lang ako kasi check up mo 'di ba?" rason nito, ang mga braso nakasalag pa rin sa mukha nito.

       Natigilan siya sa sinabi ng lalaki. Panay ang taas-baba ng dibdib niya habang nakatingin dito. Namumula na ang mga braso at mukha ng lalaki. Natanggal na rin ang cap nito. Hantad na hantad tuloy ang kagwapuhan nito.

       "N-naalala m-mo?" hindi makapaniwalang sabi niya.

        Bumuntong hininga ang lalaki. Ipinasada ang kamay sa buhok bago muling isinuot ang cap nito.

        "Of course, I remember," anito sa mababang tinig.

        Umirap siya kunwari upang sana palisin ang nararamdaman niyang tuwa dahil mukhang totoo nga, susuportahan siya nito sa pagbubuntis niya. May kaunting moment na nga sana ang kunsensya niya kaso nang-agaw agad ng eksena ang lohika niya at ipinaalala ang ginawa nito kagabi.

       Bitbit ang inis at asar mula pa kaninang madaling araw, nagpatiuna si Jia sa pagpasok sa ospital.

       "Jia, wait up," sabi Tyrone bago mabilis na humabol sa kanya. "Jia, walk slowly. Baka kung mapano kayo ng baby natin," anito na inunahan pa siya sa paglalakad at kunwari hinahawi ang daraanan niya.

        Baby natin.

        Nanikwas na ang nguso niya. Muntik nang maglunoy ulit sa kilig ang puso niya. Kaso, pinaalalahanan niya ang sarili na galit pa siya rito. Baka isipin nito, isang salitang pakilig lang mula rito ang katapat niya. Ano ito sinuswerte?

       Manigas ito!

       At dahil matindi pa rin ang pagngingitngit ng dibdib niya, tahimik siyang nag-iba ng direksiyon at mas pinili niyang maghagdan kaysa mag-elevator. Nasa third floor ang clinic ni Dr. Angel Pedroza, iyon ang nakalagay sa calling card na binigay nito sa kanya.

        Ginamit niya ang oras na nasa hagdan siya upang pakalmahin ang kanyang sarili. Nagtotoyo kasi siya. Kahapon lang gusto niyang makita si Tyrone. Pero ngayong umaparisyon na ito, nabubuwisit naman siya sa presensya nito.

My Unexpected You (PUBLISHED UNDER IMMAC PPH)Where stories live. Discover now