Maikling Kwento #2: With Her

252 49 54
                                    

"Brader, hiwalay na kami ni Eulah. Hayyy, ang sakit-sakit talaga. Tangina," pagkukuwento ni Pedro.

Hiwalay na naman sila ng girlfriend nito kani-kanina lamang. Dahil na naman siguro sa isang rason, pangit daw si Pedro.

Tiningnan ko ang matalik kong kaibigan. Aaminin kong hindi nga siya kaguwapuhan, pero maaasahan mo ito kapag kailangan mo siya sa Math at English subjects. Magaling ito sa taktika at stratehiya. Maginoo, disiplinado, may takot sa Diyos at family-centered. Hindi ko alam kung anong meron sa mga naging girlfriend nito at puro panlabas na anyo lamang lagi ang tinitingnan. Sa halip na ang panloob na katangian.

"Brader, bakit hindi ka nagsawa kay Anna? Paano ka nakatagal sa relasyon n'yo?" nagtataka niyang tanong.

Inalala ko si Anna, ang totoo, wala na siya rito, cancer. Hindi kami nag-break o nagkasakitan, ngunit naiwan naman ako dahil sa isang malubhang sakit ni Anna.

Paano nga ba kami nagtagal ni Anna kung alam naman namin na hindi siya magtatagal dahil sa sakit niya?

Nagkibit-balikat ako.

Si Anna na maganda kahit ako'y hindi kaguwapuhan. Si Anna na kayang tumugtog nang halos lahat ng instrumento kahit ako'y miski gitara ay hindi kayang kapain. Si Anna na sobrang talino na pwede nang tawaging 'genius' kahit na ako'y papasa na sa 75 kong grado.

Si Anna na sobrang tatag ng loob kahit na ako'y halos hindi na kayanin ang bawat oras na nakikita siyang nasasaktan sa mga therapies nito. Si Anna na hindi takot mamatay kahit na ako'y halos lumuhod na sa doktor. Para magmakaawang pagalingin siya sa sakit, kahit na kakaunti na lamang ang pag-asang mabubuhay siya.

Siguro nagtagal kaming dalawa dahil natanggap ko na ring hindi na talaga magtatagal ang buhay niya o siguro nagtagal ako kay Anna dahil mahal na mahal ko talaga siya. Siguro nagtagal ang aming relasyon dahil kahit na alam naming mag-iisa ako kapag namatay na siya ay dahil alam naming susunod na rin ako sa kanya.

Ngumiti ako sa matalik kong kaibigan. Nakaupo siya malapit sa higaan ko. Sa loob ng kwartong para sa akin. Sa ospital kung saan nanatili si Anna noong ginagamot pa siya.

Dahan-dahan kong tinapik ang balikat ni Pedro. Ngumiti siya sa akin.

"Alam mo Pedro brader, kung hindi ka niya kayang tanggapin sa kung anong meron ka. Kung hindi ka niya kayang tanggapin sa kung anong itsura mo. Siguro hindi siya ang babaeng para sa 'yo. Nagtagal kami ni Anna dahil mahal na mahal ko siya. Hindi ako natakot na mawala siya sa akin dahil alam ko'ng balang araw magkakasama muli kaming dalawa."

Malungkot ang mukha ni Pedro sa sinabi ko. Alam niyang totoo lahat ng payo ko at naiintindihan niya ako. Tumayo na si Pedro mula sa pagkakaupo. Oras na para magpaalam sa pagbisita sa akin.

"Sige na brader, magpahinga ka na," sambit niya. 

Tumango ako.

"H-Hindi naman sa ayaw na kitang makita, brader. Pero gusto ko nang maging masaya ka ulit." Ngumiti siya sa akin kahit na bakas ang lungkot sa mga mata niya.

"Sa piling ng minamahal mo, si Anna," dugtong niya.
---
I dedicate this to Cutipiearmy. Love you guysss!

K.I.R.O.T. (Dagli At Maikling Kwento)Where stories live. Discover now