Napatingin ako sa kanya. "Nakuha mo si Ara?"

Tumango ulit siya sa akin habang nakangiti.

Muntik ko na siyang mayakap. Sa wakas, makakausap ko si Ara.

Pagkatapos non ay ako naman ang humugot sa aking coat. Kinuha ko run ang photo album na napulot ko. Parehas kaming napatingin dun. Luma na ang mga picture dun maliban sa picture ni Roli at Laurie. Narun din ang anak nila na pamangkin ko. Sa kasamaang palad, hindi pa rin natatagpuan ang mag-ina ni Roli. Basta na lang naglaho ang mga iyon.

Nasaan na kaya si Roli? Akala ko siya ang killer, mukhang hindi pala. Babae kasi ang nakita ko. Posible rin kayang ang babae iyon ang dahilan ng pagkawala ng asawa ko at ng iba pa?

Habang binubuklat pa namin ang photo album, sa likod non ay may mas lumang mga larawan. Naroon na naman ang picture ni Clarisse nung nasa ika-labingwalong taong gulang pa lang ito. At naroon din yung kasama niyang babae na hindi ko naman kilala. Lagi niya itong kasama at katabi sa mga pictures. Halos kasing edad niya lang ito, pero mas payat. Saka sa lahat ng pictures na kasama ito ni Clarisse ay nakapagtataka na palaging nakaupo ang babae.

"It's odd." Sabi ni Ka Pineng habang nakatingin sa mga picture na tinitingnan namin.

"Bakit?" Tanong ko.

©JFstories

"Hindi mo ba napapansin? Itong babaeng laging kasama ni Clarisse, sa lahat ng kuha nila, lagi itong nakaupo."

Pinakatitigan ko. Oo nga! Wala itong kuha na nakatayo ito. Bakit kaya? Ibinalik ko na sa aking bulsa itong photo album. "Magtatanong-tanong ako sa loob since narito na tayo kung may alam sila sa pamilya ng mga Villaverde. Baka ito na ang sagot sa matagal na nating mga tanong."

Pagkuwan ay bumaba na nga ako ng kotse. Ngunit hindi pa man, tinawag ako ni Ka Pineng. Nilingon ko siya. Nakayuko lang siya. "Naiwan ko sa bahay niyo yung shoulder bag ko. Sa loob non, may notebook. Diary ko yun. Pwede mo bang pakibigay yun kay Justine, iyong anak ko?" Napatikhim siya. "Nasa likod ng notebook na iyon ang address niya sa Manila."

Napailing na lang ako. "Bakit mo ibinibilin sa akin ito?"

"Wala lang. In case na may hindi magandang mangyari sa akin."

Napangiti ako at nilapitan ko siya. "Walang mangyayari sa atin."

Nagbago ang mukha niya. "Sa tingin mo Roger, sino ang killer?"

Tinanong niya ako non dahil halos nagkalapit kami nung babaeng iyon. Napapikit ako bago ako magsalita. Ayaw ko kasing sabihin ito. "Sa tingin ko, si –

– Mrs. Ocampo."


Nanalaki ang mga mata niya. "Paano mo nasabi?"

Napakurap ako. "Hindi ko alam... may palagay lang ako." Hindi ako makatingin sa kanya. "Kung katawan nito ang pagbabatayan, eh –" Natigilan ako.

Nakatingin lang siya sa akin.

"Ewan! Magkasing katawan kasi sila ni Clarisse, eh!" Napasabunot ako sa buhok ko. Bakit ko ba iniisip ito? Kung sino pa yung mahahalagang tao sa buhay ko, sila pa 'yung pinagdududahan ko.

"Mukhang may something din sa inyo ni Mrs. Ocampo, ah..." Bumaling sa iba ang kanyang paningin.

Mahabang kwento na ayaw ko ng sabihin. Lumalim ang tingin ko sa kanya. "Malalaman din natin ang totoo."

Tumingin siya sa akin. "Basta ikaw na ang bahalang magpaliwanag sa anak ko." Iniba niya ang usapan.

Nagkibit-balikat na lang ako at iniwan ko na siya.

Pumasok ako sa police station na kaharap lang ng sasakyan namin. Doon ako nagtanong-tanong tungkol sa mga Villaverde, ang pamilya ni Clarisse. Pero wala namang makasagot sa mga tanong ko.

Hanggang sa may lumapit sa aking isang pulis. "Ako, baka matulungan kita?" Tawagin ko na lang daw SP01 Arthur o Arthur na lang. May edad na siya at nanay daw niya ang isa sa mga naging tagapagbantay ng bahay na iyon.

"Masasamahan mo ba ako sa kanya?"

"Pwede kitang dalhin sa bahay ko para makausap mo siya. Kaya lang, tumawag na si chief." Bumuga ito ng hangin. "Naroon sila sa dating bahay ng mga Villaverde."

Bigla akong kinabahan. "Nakita ba nila yung dalawang bangkay?"

"Tatlong bangkay ang nakita nila."

Namilog ang mga mata ko. "Ha?"

"Ang mabuti pa, sumama ka sa amin to see it yourself."

Sumang-ayon na lang ako. Marami naman kami at puro pulis ang kasama ko. Agad kong pinuntahan si Ka Pineng sa sasakyan. Ang kaso bigla siyang nawala. Saan kaya nagpunta iyon?

"Mr. Santos, let's go!" Sigaw sa akin ni Arthur.

"Sandali! Hinahanap ko lang yung kasama ko."

Nangunot ang noo ni Arthur. "Mr. Santos... wala kang kasama. Ikaw lang mag-isa ang pumunta dito sa station namin."

"Ha?"

"Halika ka na!" Kinabig na ako ni Arthur papasok ng sasakyan.

Habang nasa biyahe ay tulala ako. Hindi ba nila nakita na kasama ko si Ka Pineng? Hanggang sa narating na nga namin ulit itong dating bahay ni Clarisse. Maraming pulis dun at ilang reporters. Tinungo agad namin ang kinalalagyan ng mga bangkay. Tatlo nga ito, nakahilera. Nakabalot ito sa corpse bag.

Una nilang binuksan yung unang bag. Bumungad sa akin ang mukha ni Fin. "Kilala mo ba ito?" Tanong sa akin ni Arthur.

Hindi ako makatingin pero tumango ako.

Binuksan ang pangalawa – Si Cary.

Pagkatapos, marahang binuksan yung pangatlo.

Dito ako napaatras. Napaluha ako.

Napatigagal ako sa patay na 'to.

Imposible! Ako'y napailing.

Totoo ba ito o bangungot lang din?

Kanina lang kasi nagbilin pa siya sa akin.

Lumapit ako dito at sinipat ng tingin.

Ang bangkay na ito ay si –

Ka Pineng...

[ A novel by Jamille Fumah ]

I Love You, ARA Where stories live. Discover now