Chapter 7

703 43 8
                                    

Chapter 7
R A V E N

Matapos ang lagpas isang linggo naming pag-aayos sa lugar ay ngayon ko lang napagmasdan kung gaano kaganda ang lugar na tinutungtungan namin.

Bawat bahay ay may mga bulaklak na nakatanim sa paso malapit sa pinto. Makukulay at nakadadagdag ng buhay sa kapaligiran. At anong kakaiba sa lugar na ito? Para kang nasa isang lugar na puno ng mahika. Tipong parang walang imposible.

Isa itong "Tree Village" kung saan ang mga bahay ay nakatayo sa puno.

Tirik na tirik ang araw sa ibabaw naming lahat pero hindi mainit dahil na rin siguro sa mga nagtataasang puno. Nasa taas lang ito na para bang ang gustong gawin ay magbigay liwanag sa mga mamamayan matapos ang trahedyang minsan nitong naranasan. Nakakalat ang mga paru-paro na nagliliparan. Walang humuhuli sa kanila kaya malaya silang dumapo kahit saan. Maging ang mga ibon ay nakatutuwang pagmasdan. Nagsisilbing musika ang mga huni nila.

Dumarami na ang mga tao. Nagsidatingan na ang mga totoong mamamayan ng syudad na ito. Mababakas ang saya sa kanilang mukha mula sa kanilang mga ngiti na abot hanggang sa kislap ng mga mata nila.

Narinig ko na ang tunog ng tambol na hudyat para mag-umpisa. Nagsimula na kaming kumilos. Kaming lahat na estudyante mula sa Artesian, Beronia, Czanezar, at Demion. Binigyan namin ng mga korona at kwintas na gawa sa bulaklak ang mga taong mula sa City of Stars at City of Smiles.

Ang kaninang medyo mainit na lugar ay napalitan ng nakakakalmang lamig dahil sa biglaang paglitaw ng buwan sa ibabaw. Napakaraming bituin na nasa tabi nito. May naglitawang mga lumilipad na hayop at may kanya-kanya silang liwanag. Mga itsurang ibon na kulay asul, pula, dilaw, kahel at iba pa. Nakailaw na rin ang mga lampara na nakasabit sa bintana ng bawat bahay. Iba-iba ang kulay. Maliwanag. Napakagandang tingnan dahil madilim ang itsura ng mga bahay, ngunit makulay ang mga lampara. Para bang nakalutang sila sa kakahuyan.

Ngayon alam ko na kung bakit ang City of Stars at City of Smiles ay sabay na nagdiriwang. Sa oras kasi na mapuno na ng mga bituin ang lugar ay kakaibang ngiti na ang nakapinta sa mukha ng bawat isa.

"Magsaya tayo! Sulitin natin ang gabi!"

Lahat kami ay may kanya-kanyang kapareha. Sumasayaw alinsunod sa ritmo ng musika.

"Sayaw! Muling ibalik ang ngiti! Sayaw mga kababayan!"

Parehas kaming natawa ng kapareha ko. Isa siyang babae na may katandaan sa akin. Mukhang isa na siyang ina. Ewan ko ba't kami natatawa. Dahil sa saya? O dahil sa mali-mali ang galaw ng mga paa ko?

"Maraming salamat, hija," sambit niya na halatang masaya sa kinalabasan. "Maraming salamat sa inyo."

Ngumiti ako sa kanya at bahagyang yumuko. "Wala pong anuman. Masaya ako na nakatulong kami sa inyo."

"Alam ko." Natawa na naman siya. Siguro'y dahil nga sa mali ang pagsayaw ko. "Gayahin mo kasi ako, hija."

Sinunod ko ang galaw niya. Kaming lahat ngayon na nagsasayaw ay may iisa ng galaw. Paikot ang daloy namin. Hakbang. Hakbang. Talon gamit ang isang paa. Hakbang. Hakbang. Kaliwa't kanan naman.

"Palit ng kapareha! Sayaw!"

Isa namang lalaking may katandaan ang kaparehas ko.

"Sana'y napasaya po namin kayo."

"Oo naman, hija, at lubos ang pasasalamat namin dahil sa inyo."

Ilang minuto bago pa muli na namang nagpalitan.

"Maligayang pagdiriwang para sa inyo!"

"Salamat po." Niyakap ko siya at nawala ang pagod ko. Napaka-cute ng batang ito. Hindi ko ma-imagine na sa gulang niya ay nakaranas na siya ng trahedya. "Bagay po kayo ni kuyang naka-pula."

Nascent Internecine: War of TransientsWhere stories live. Discover now