29th Day of February

Start from the beginning
                                    

Nagbuga ng malalim na hininga ang lalaki. Iba ang dating sa kaniya ng lumang bahay sa kaniyang harap, tumitindig ang mga kaniyang mga balahibo, kinakabahan siya at natatakot.

Lumunok ng laway si Geraust bago nagsimulang humakbang, dala ang kahon ng birthday keyk ay tumungo na siya sa harap ng pintuan. Walang timbre ang pinto ng tirahang iyon kaya kumatok na lang siya nang malaka.

Walang sagot.

Bahagya siyang lumayo mula sa pinto bago sinipat ang matayog na bahay, kinilabutan pa siya dahil napakadilim sa loob niyon. Umihip ang malamig na hangin at naramdaman niya ang pagtindig ng sariling mga balahibo. Idagdag pa ang katahimikan ng gabi. Pasalamat na lang siya dahil may kaunting liwanag ng buwan ang umaagapay sa kaniya.

Muli niyang sinubukun na kumatok sa kahoy na pinto, pero bago pa man niya iyon nagawa ay dumako na sa madilim at hindi kalakihang bintana ang kaniyang tingin, at ganoon na lang ang kaniyang pagkasindak sa nakita—dalawang pares ng malalaking mata ang nakatitig sa kaniya! Dilat na dilat ang mga matang iyon, halos wala nang makitang itim sa putimputi niyong mga mata.

Nahintakutan si Geraust. Pakiramdam niya ay halos panawan siya ng ulirat habang nakikipagtitigan sa nanlilisik na mga mata.

Ilang sandali pa'y nagiging malinaw na ang loob ng bintana, nagkakaroon na ng hugis mukha ang nakikita niya sa loob! Pero bago pa man iyon tuluyang makita ay mabilis pa sa alas kuwatro siyang napatakbo palayo—pabalik sa sariling kotse. Hindi alintana ang matataas na damo, ni hindi na niya binigyan ng pansin ang kahon ng keyk na nahulog sa lupa.

Nakapasok ng sariling kotse si Geraust, pero nang bubuhayin na niya ang makina ng sasakyan ay malakas siyang napamura, "Putang ina n'ya!" Ayaw mabuksan ng makina ng kotse.

Mabilis niyang sinara ang mga bintana ng sasakyan bago dali-daling dinukot ang selpon mula sa bulsa at tinipa ang bawat letra ng mga salitang, "Ate, tulong!"

Nanginginig at halos maluha na nang muli niyang nilingon ang lumang bahay. Tanaw niya ang bintana mula sa loob ng sasakyan. Halos mabingi na rin siya sa lakas ng kabog ng kaniyang dibdib.

"Anong gagawin ko?" naitanong niya sa sarili. Hindi niya alam kung anong nilalang ang nagmamay-ari ng mga matang nakita, basta ang nasisiguro lang niya, hindi iyon mula sa tao—hindi galing sa buhay na tao!

Naramdaman ni Geraust ang matinding pananakit ng ulo. May ilang mga alaala ang pilit bumabalik sa kaniyang isip. Mga alaalang hawid sa nangyayari sa kaniya nang mga oras na iyon.

Napapangiwi na siya sa matinding sakit. Ilang beses niyang sinubukan buhayin ang makina ng kotse pero walang nangyari. Hanggang sa mapamura siyang muli. "'Tang ina!" sigaw niya nang unti-unting lamunin ng makakapal na ulap ang bilog na buwan. Kasabay nang pagdilim ng paligid ang pag-alulong ng mga aso sa daan.

Hindi roon nagtatapos ang lahat, mayamaya ay bigla niyang narinig ang nakakikilabot na pag-ingit ng pinto ng bahay. Dahan-dahan lang iyon hanggang sa pati siya'y napalingon—wala siyang maaninag! Madilim ang buong paligid, pero alam niyang may kung anong naglalakad sa dilim. Ramdam niya ang bawat hakbang na ginagagawa nito—papalapit nang papalapit sa kotse niya.

Ilan sandali pa'y bigla siyang nakaamoy ng napakabaho. Tila isang amoy nang nabubulok na daga o nabubulok na katawan ng tao. Nakasusulasok ang amoy na iyon, nanunuot pa sa kaniyang lalamunan. Pilit niyang tinatabunan ang bibig at ilong, ngunit parang nalalasahan na niya ang mabahong amoy. Makalipas lang ng ilang segundo ay nawala na ang makakapal na ulap na tumatabon sa buwan, naghasik na muli ang liwanag kaya kita na ng lalaki ang buong paligid.

Nanginginig siyang lumingon sa direksiyon ng lumang bahay, at gayon na lang ang kaniyang pagkasindak—may isang babaeng naglalakad! Mahaba ang itim nitong buhok, nakasuot ito ng puting bestida, marumi ang damit—punit-punit pa! Mababakas pa ang mantsa ng dugo sa damit ng babae, at naaagnas na ang katawan nito. Tila hirap na rin ito sa paglalakad dahil halos kaladkarin na nito ang kaliwang paa papalapit sa kinaroroonan ni Geraust.

Espasiyo ng PusaWhere stories live. Discover now