Chapter 21

14K 229 1
                                    

NAGPASYA si Jake na hintayin na lamang kina Willa si Atty. Buluran, ngunit ang totoong rason ay hindi nito magawang mawalay sa kanya.

Nang sumapit ang ikaanim ng gabi ay nagsimula nang uminit ang ulo ni Jake. Dahil nag-umpisa nang dumating ang mga admirers ni Willa.

Ang una ay si Mr. Edmond Ybanez, ang biyudong banker. Agad ay hinarap iyon ni Jake.

"Napasyal ka, pare. May kailangan ka ba?" sarkastiko nitong tanong, habang si Willa ay nakamasid lamang.

Imbes na pansinin ng banker si Jake ay kay Willa ito tumingin. "Good evening, Willa."

"Good evening," aniya. "Have a seat."

"Nanliligaw ka ba?" tanong ni Jake, naghahamon ang tinig at anyo.

"I respect your father, Jake, kaya hindi kita papatulan. Isa pa, iginagalang ko rin si Willa. Pareho lang naman tayo ng pakay dito, so why don't you be a sport, son?" anang banker na manipis ang bumbunan.

Jake snorted. "Hindi ako nanliligaw dahil ikakasal na kami ni Willa. Hindi na siya puwedeng ligawan."

Namilog ang mga mata ni Edmond Ybanez. "Totoo ba iyon, Willa?" tanong nito.

"Yes. I'm getting married," aniya, iniisip na bago siya matulog ay babawiin na ang love spell para naman wala nang masaktan kapag nakasal siya kay Jake.

"Getting married. But not yet married," wika naman ng isa pang lalaki. Napalingon sila sa
pinto. Si Wilson ang naroroon, ang journalist.

"Ano'ng ibig mong sabihin?" angal agad ni Jake.

"I meant just that. She's not yet a married woman," ani Wilson na halos kasukat din ni Jake at kasing-edad. Tipong hindi rin nito uurungan si Jake.

"H-have a seat, Wilson," aniya. Matalim na sulyap ang ipinukol sa kanya ni Jake. Ngunit ano ba ang gagawin niya? Paano niya paaalisin ang mga lalaking ito? .

Pagkatapos ni Wilson ay may dalawa pang dumating. Hindi na nakatiis si Jake. "Mag-usap nga tayo," anito sa kanya, hawak ang kanyang braso.

"Excuse me," aniya sa mga bisita. Kulang na lang ay kaladkarin siya ni Jake patungo sa dining room.

"Ano ka ba? Bakit hindi mo sila deretsahin? Sabihin mo na hindi ka na tumatanggap ng manliligaw dahil ikakasal na tayo."

"Nakakahiya namang basta ko na lang sila paalisin. Wala naman silang ginagawang masama."

Nagsalubong lalo ang mga kilay ni Jake. "Nakakahiya? Sa akin, hindi ka nahihiya? Sige na, i-announce mo na sa kanilang lahat. Kung hindi, ihahagis ko 'yan isa-isa sa labas."

"Jake—" Para siyang batang napadabog. "Paano ba dapat?"

Huminga nang malalim si Jake. "Ganito. Gentlemen, ikinalulungkot kong ipaalam sa inyo na ikasisiya ko kung magsisialis na kayo at hindi na babalik. Ikakasal na kami ni Jake sa lalong madaling panahon."

Natawa si Willa nang malakas. "Hindi ba parang ang OA naman n'on?"

"Hindi. Bilisan mo bago ko ma-garrote ang mga 'yan."

Ngunit hindi na niya kailangang gawin ang gusto ni Jake sapagkat dumating na ang kanyang ama. Ito na mismo ang nagpaalis nang mahinahon sa mga panauhin. Importante lamang daw na magkausap silang mag-ama.

Nang makaalis ang mga panauhin ay agad hinarap ni Atty. Buluran si Jake. Walang sali-salitang sinuntok ang binata. Dahil hindi handa ay napasadsad ito sa isang antique na banga.

"Daddy!" tili ni Willa, ngunit agad dinaluhan si Jake. "You didn't have to hurt him, Dad!"

"Get up, you son of a bitch!" sigaw pa ng abogado kay Jake. Nakahanda muling suntukin ito.

"Dad—" Niyakap ni Willa ang ama, "Please, Dad stop it," pakiusap niya.

Humugot ng malalim na hininga si Atty. Buluran. "Very well, mag-usap tayo. Sa opisina ko," anito at umuna patungo sa study room.

Tahimik na sumunod si Jake, kasunod si Willa. "Nasaktan ka ba?" tanong niya.

"Mas masakit kung mawawala ka," anitong nakangisi.

"Lumabas ka muna, Willa," wika sa kanya ng ama nang pumasok din siya sa study room.

"Yes, Dad." Tahimik siyang lumabas. 

Black Magic Woman by Rose TanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon