PROLOGUE

49K 598 29
                                    

"WILLA, apo! Ano ang nangyari sa iyo?" bulalas ng sisenta-anyos na babae pagkakita sa pitong-taong gulang na apo.

Panay ang hikbi ng bata. Maitim ang kanang pisngi. Parang napahiran ng uling.

"Lola!" Lumakas na ang iyak ng batang si Willa dahil alam niyang may kakampi na siya. Mahigpit siyang yumakap sa binti ng matanda.

Lumuhod ang kanyang lola at hinagod ang mahaba at kulot niyang buhok. "Tahan na, apo. Ano ba ang nangyari sa party?" Kinuskos pa ng lola ang pisngi niyang may uling.

"'Tinulak nila ako, Lola. At saka... at saka..." Humagulhol muna si Willa bago nagpatuloy. "Sinabunutan pa nila ako."

"Ha?" Awang-awa ang matanda sa kanya. Ulila na si Willa sa ina at ang ama naman ay laging abala dahil nag-aaral pa ng abogasya. Si Lola Armida lamang ang laging natatakbuhan niya. "Sino? Sino ang tumulak sa iyo? Sino ang sumabunot sa iyo?" galit na tanong ng matanda. Habang nabubuhay ito ay sumumpang walang puwedeng umapi sa mutyang apo.

"Si Maricar, Lola. Sabi pa niya," Suminok-sinok pa siya, "sabi pa niya mangkukulam daw ang mommy ko at saka ikaw—lahi raw ako ng aswang." Lumakas na naman ang iyak niya. Awang-awa siya sa sarili sapagkat lagi na lang siyang tinutukso ng mga kaklase sa Catholic school na pinapasukan, na anak daw siya
ng aswang at mangkukulam.

Taga-Siquijor kasi ang lola ni Willa at doon din lumaki at nagdalaga ang kanyang ina. Si Lola Armida ay sumikat bilang manghuhula at albularyo nang lumipat sa Maynila. Lagi nang guest sa mga TV talk shows at may column sa isang women's magazine.

"Maricar? Iyon bang matabang bata, apo?" tanong nito.

Tumango si Willa, panay pa rin ang hikbi.

"Gaganti tayo, apo. Hindi maaaring ganyanin ka nila palagi. Hindi kita pinayagang dumalo sa party na
iyon para lang paglaruan ka." Hinaplos muli ng matanda ang mamula-mula niyang pisngi. "'Yang ganda mong 'yan, naiinggit lamang ang mga iyon." Tumindig ito at inakay siya. "Halika, gaganti tayo sa mga salbaheng 'yon." Dinala siya ni Lola Armida sa silid nito. Iniupo siya sa kama. "Sandali lamang, apo." Tinungo nito ang closet. Sa ilalim niyon ay may inilabas na wooden box.

"HELLO, baby." Natilihan si Pedro Buluran sapagkat ni hindi man lamang siya pinansin ng nakatalikod na anak.

Nasa may ilalim ng hagdan si Willa, naka- Indian sit sa sahig at seryoso sa ginagawa.

"What's that, baby?" Lumapit si Pedro para makita ang pinagkakaabalahan ng mutyang anak. Gayon na lamang ang gilalas niya. "Diyos ko po!" bulalas niya. "Sino'ng nagturo sa iyo niyan?" Galit niyang inagaw ang manyikang basahan ng anak. Nakatusok pa roon ang karayom na ginagamit nito para makaganti sa mga sumalbahe rito.

"Daddy, no!" tili ni Willa, pilit inagaw ang manyikang ginawa ni Lola Armida.

"Ano'ng kalokohan ito, Wilhelmina?" sigaw ni Pedro. "Nasaan ang magaling mong lola?"

"Lolaaaa!!!" sigaw naman ni Willa.

Mula sa komedor ay lumabas ang matanda. "Bakit, Pedro?" tanong nito sa maawtorisadong tinig.

"Ano ito, 'Nay? Bakit tinuturuan n'yo ng ganito ang aking anak?" Naniningkit din ang mata ni Pedro Buluran. Napilitan siyang pakasalan ang yumaong kabiyak dahil sa takot na makulam ng magiging biyenan na miyembro yata ng satanista.

"Tinuturuan ko lang ang aking apo na ipagtanggol ang sarili. Maraming salbahe ngayon. Mabuti nang marunong siya ng self-defense," katwiran ng matandang-babaeng nagmula sa Siquijor.

"Inay, kasalanan sa Diyos ang itinuturo n'yo! Titigilan n'yo ang pagtuturo ng kung ano-ano sa anak ko o aalisan ko kayo ng karapatan sa kanya? Abogado ako, kayang-kaya kong gawin iyon!" banta ni Pedro sa biyenan.

Black Magic Woman by Rose TanWhere stories live. Discover now