CHAPTER ELEVEN

3.7K 275 74
                                    

SASABIHIN ko sana kay Raeken ang nakita ko, pero pagtingin ko sa likod ay iniwan na ako ng mokong. Mukhang bumalik pa ata siya para kumuha ng mga bibilhin. Kung alam niya lang sana kung ano yung nakita kong ginagawa nung lalaki ay hindi na siya mag-iisip pang kumuha ng pagkain.

Ibinaling kong muli ang atensyon ko sa lalaking nasa harap ko na kasalukuyang nagbabayad. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Nanigas na lang ako sa kinatatayuan ko dahil sa takot.

"Bale 1,327 pesos po lahat..." sabi ng kahera sa lalaki.

Iniabot niya ang ilang perang papel na kanina niya pa hawak at binibilang. Isang nagtatakang tingin ang ibinigay sa kanya ng kahera.

"Sir, kulang pa po ito."

Hindi sumagot ang lalaki. Mas lalong tumindi ang kaba ko. Gusto kong sumigaw na hoholdapin niya ang lugar na iyon, pero hindi ko magawa. Ramdam ko ang tindi ng pangangailangan ng lalaking nasa harap ko. Alam kong wala na siyang choice kundi ang gawin iyon.

Napaatras ako nang bahagya nang unti-unti niyang ilabas ang kamay na may hawak na balisong.

Ngunit nang ipapakita niya na ito sa kahera ay biglang lumitaw sa pagitan namin si Raeken. May hawak siyang gusot-gusot na isang libong perang papel.

"Kuya, sayo ata 'to. Nakita ko doon sa may aisle ng mga baby formula."

Halatang nagulat ang lalaki, kaya bigla niyang itinago ang balisong sa bulsa niya. "H-hindi akin yan."

"Ha? Sigurado ka boss?" tanong sa kanya ni Raeken. "Sa tingin ko talaga sayo 'to eh. Nakita ka naming nagbibilang ng pera nitong kasama ko. Tayong tatlo lang naman ang andito sa grocery. Wala kaming cash nitong kasama ko kaya nga credit card ang gagamitin namin sa pagbabayad."

Napansin kong bahagyang nag-alinlangan ang lalaki. Palipat-lipat ang tingin niya sa perang hawak ni Raeken, sa mukha niya, sa akin, at sa kahera. Nakita ko ang unti-unting pangingintab ng mga mata niya, na para bang may nagbabadyang mga luha na lalabas mula rito.

Tapos ay kinuha niya ang isang libong inaabot ni Raeken sa kanya. "S-salamat..."

Ngumiti si Raeken. "Sa susunod kasi kuya, ilagay mo lang sa bulsa mo yang pera mo. Buti na lang ako ang nakapulot."

Tumango na lamang ang lalaki habang pilit na pinipigilan ang pagluha. Pagkatapos niyang magbayad, iniabot na sa kanya ang mga pinamili niya. Nagpasalamat pa siyang muli sa amin ni Raeken, bago siya tuluyang umalis.

Nang makalabas kami ng grocery ay nagmamadaling naglakad si Raeken para hanapin ang lalaking tinulungan niya.

Nang makita namin sila ay naabutan namin silang bumibili ng pagkain sa isang karinderya, marahil ay pang-ulam nila para sa gabing iyon, habang hawak naman ng mga bata sa loob ng kariton ang mga pinamili niyang gatas at iba pang groceries.

"Dapat siguro dinagdagan ko pa..." ani Raeken habang pinapanood ang mga mag-aama na naglalakad na palayo.

Napangiti ako nang marinig ko iyon. Hindi lang kasi ako makapaniwala na ginawa iyon ni Raeken. Akala ko kasi, sasaktan niya ang lalaki at ipapahuli sa pulis. I never expected him to be this considerate.

"O bakit ganyan ka makatingin?" tanong sa akin ni Raeken.

"Wala lang," tugon ko habang pangiti-ngiti. "Nga pala, paano mo nalaman na –"

"Nakita ko rin yung balisong sa bulsa niya habang pinagmamasdan mo siya. Ayoko namang ipahiya siya o saktan siya dahil kitang-kita naman na para sa pamilya niya naman kaya binalak niyang gawin iyon," tapos ay kinuha niya ang bote ng tubig mula sa paper bag na dala niya at uminom mula rito. "Pwedeng mas matindi ang kakayahan mong makiramdam pero marunong din naman ako niyan, 'no."

Touching You, Touching Me [✔]Where stories live. Discover now