Hinahayaan ko siyang mag-isa. At minsan pa nga'y nahihiling ko na sana mamatay na lang siya. Dahil baka mabawasan ang malas ko sa buhay kapag wala na ito. Hanggang sa dumating ang araw na iyon, may isang batang babae na hindi tumataas sa labing lima ang edad ang kumausap sa akin.

Bigla itong may inabot na papel at sinabing, "kapag ang letrang 'V' ay nasa pagitan ng consonant, binabasa ito bilang 'U'. Pero kapag nasa pagitan naman ito ng vowels o kaya naman ay sinusundan ng vowels, ito ay binabasa bilang 'V'. Ganoon din ang I at J," paliwanag nito.

Malapad ang ngiti sa aking labi habang tinutunton ko ang daan patungo sa aming barung-barong na bahay. Baka ito na ang maging sagot sa lahat ng paghihirap ko sa buhay. Wala naman masama kung susubukan ko, at kapag nagkatotoo, magiging maayos na ang buhay ko.

"Choco! Halika nga rito, bata ka!" sigaw ko nang tuluyan akong makapasok sa aming maliit na bahay.

"Naynay!" Ang masigla at nakangiting si Choco ang bumungad sa akin. Tumakbo ito palapit sa kinaroroonan ko't mabilis akong niyakap sa baywang.

"Hindi ba marunong kang magbasa?" tanong ko rito. Hindi ito nakapag-aral ngunit lagi naman itong tinuturuan ng ilan naming kapit-bahay. Matalino raw kasi ito at sobrang malambing kaya natutuwa silang turuan ito. "Basahin mo!" pagalit kong wika sa bata bago inabot sa kaniya ang papel na hawak.

Ang sabi ng batang babae kanina, ito raw ay isang latin spell. Dapat daw ay ipabasa ko ito sa isang miyembro ng aming pamilya. Sa loob ng pitong araw, sunod-sunod na suwerte ang darating sa amin. Magiging mayaman kami at hindi na muling magugutom pa.

Walang pagsidlan ang aking saya habang itinuturo kay Choco ang tamang pagbasa ng latin spell. Siniguro ko na kung ano ang itinuro ng bata sa akin kanina ay iyon din ang itinuturo ko ngayon kay Choco.

"OLITVM TE KAMVTAMVS ES KETRVM KVRITVM AVE SERKVM KRJSTVS KERVM DE MERJM ES DEXTRVME DE SATANJ."

Ngunit may hindi sinabi sa akin ang batang babae; na kalaunan ay nalaman ko rin. At sa masalimuot pang paraan, na kung sino man ang magbabasa ng spell na ito ay para na rin itong nagpakamatay. At ang kaniyang kaluluwa'y kukunin ni Satan. Kapalit niyon ay ang sunod-sunod na suwerte mula sa demonyo.

"Siyam..."

Napapikit ako nang mariin habang patuloy pa rin sa pakikinig sa boses nito. Sa loob ng pitong araw, mananatili ang kaluluwa ng sino mang nagbasa ng latin spell na iyon dito sa mundong ibabaw, at gagawin nito ang mga bagay na kaniyang nakahiligan nang gawin o nakagawian.

"Sampu!"

Nagmulat ako ng mga mata at naramdaman ang sariling pagpatak ng luha. Mula nang mamatay si Choco, sunod-sunod na suwerte na ang dumating sa buhay ko. Nariyan na ang pagkapanalo ko sa lotto na minsan ko lang tinayaan, ang biglang pagkamatay ni Aling Baduday na pinagkakautangan namin ng pera at mga bigas at sardinas. Bigla rin akong inalok ng trabaho ng isang mayamang babae na nakilala ko lang sa daan, gusto ako nitong kunin bilang modelo sa papausbong pa lang nitong negosyo. At kanina lamang, biglang nagbalik sa buhay ko si Gancho. Humihingi ito ng kapatawaran sa nagawa nito.

Pero mula rin nang mangyari ang bagay na iyon, gabi-gabi ko nang naririnig ang nakakikilabot at malamig na boses ni Choco. Nag-umpisa na akong humagulgol, pilit kong isinisiksik sa utak ko na magiging maayos na ang buhay ko; mayaman na ako at wala na akong proproblemahin pa sa pera. Ngunit ang kapalit naman nito'y ang gabi-gabi kong pangungulila sa aking anak.

Hindi ko lubos maisip na nagawa kong isakripisyo ang buhay nito para sa masaganang buhay na tinatamasa ko ngayon. Unti-unti akong kinakain ng aking konsensya.

"Naynay," isang malamig na boses ang biglang bumulong sa akin. Muli akong napapikit nang maiirin.

"Patawad, Choco. Patawad, anak ko! Patawad!" hagulgol ko. Siguro nga'y hindi ako naging isang mabuting ina, ngunit kahit papaano'y minahal ko naman ang aking anak. At ngayon nga ay kinakain na ako ng aking konsensya.

Halo-halong takot at sakit ang naramdaman ko sa pagkawala nito. Ang akala ko'y magiging maayos na ang buhay namin kapag yumaman kami, ngunit ang naging kapalit naman nito'y ang buhay ng anak ko. Oo, ginusto kong yumaman para maging maayos ang aming buhay. Ngunit napagtanto ko na wala palang halaga ang pera, kung mawawala naman sa iyo ang nag-iisang kayamanan na ipinagkaloob ng Diyos na walang katumbas na halaga.

Nag-angat ako ng mukha at mariin na tumitig sa aparador na katabi ng aking kama. Wala sa sarili akong tumayo at nagtungo roon. Gusto kong pigilan ang sarili ngunit hindi ko magawa, para bang may kung anong nilalang ang kumokontrol sa katawan ko na gawin ang isang bagay na hindi ko gustong gawin.

'Mahalaga ang paraan ng pagbabasa nito. Dapat ito'y babasahin mo nang malakas at malinaw.'

Muling nagbalik sa akin ang sinabing iyon ng batang babae. Muli kong pinasadahan ng tingin ang papel bago ito inumpisahang basahin. At matapos basahin ang latin spell...

"Tagu-taguan maliwanag ang buwan, masarap maglaro ng tagu-taguan!"

...ang malakas at malamig na boses ng aking anak ang aking huling narinig bago tuluyang nanlabo ang aking paningin, saka bumagsak sa malamig na sahig ang aking katawan.

Wakas

Espasiyo ng PusaWhere stories live. Discover now