Chapter Seven

74 5 0
                                    

Chapter Seven

Nitong mga nakaraang araw ay hindi pa rin ako kinikibo ni Sir Rham. Ang huling pag-uusap namin ay iyong sa office incident. Pinagalitan niya ako noong araw na iyon. Pero hindi na lang ako kumibo kahit na gustong-gusto ko na siyang sagutin at sitahin. Alam kong maloko siya pagdating sa babae, pero sana inilulugar na lang niya ang pagmimilagro.

Linggo ngayon. Tapos ko na lahat ng trabaho sa unit niya. Nakapaglaba na rin ako ng mga damit namin dalawa. Nauna pa akong gumising sa tilaok ng manok. Ayaw ko kasing kapag nagising siya sa umaga ay makita niya ako. Sa totoo lang ayaw ko na rin talagang magpakita sa kanya. Kahit nga sa office, ilang na ilang ako. Kaya nga kaninang matapos akong makapagluto ng almusal niyang sinangag at tuyo ay nagmadali na akong pumasok sa kuwarto ko. Bahala siya kung kakainin niya iyon o hindi. Natulog muna ako kahit saglit lang.

Naalimpungatan ako nang marinig kong may kumakatok sa pinto ng kuwarto ko. Tiningnan ko ang orasan na maliit sa bedside table. Alas dose na ng tanghali. Napahaba ang tulog ko. 2:30 am kasi nang magising ako kanina.

"Cari," tawag ni Sir Rham sa akin sa labas ng kuwarto.

Nagmadali akong tumayo at pinagbuksan siya ng pinto.

"Bakit po?" tanong ko pagbungad ko, saka ko niluwagan ang awang ng pinto.

"May bisita ako mamaya. Kung puwede sana umalis ka na muna. Mamasyal ka sa mall o kahit saan mo gusto. Basta lumayas ka muna dito sa pamamahay ko," seryosong sabi niya, umawang ang bibig ko.

"Tinatamad ako, Sir Rham. Baka puwede naman magkulong na lang ako sa kuwarto. Hindi naman ako lalabas. Wala na rin naman kasi akong gagawin," sabi ko.

"Sige, ikaw ang bahala. Huwag mo akong sisisihin kapag may narinig kang kakaiba." Babala pa niya saka niya ako tinalikuran.

Sinara ko uli ang pinto. Parang ayaw ko na nga tumambay sa kuwarto. Kung sabagay, hindi rin ako makakapahinga kung mag-stay pa ako rito lalo na kung may balak na naman ang malanding lalaking iyon na always tigang. Nagdesisyon akong lumabas at magpalamig na lang sa mall na malapit dito sa condo.

Nagsuot lang ako ng fitted white shirt saka black na jogging pants, naka-tsinelas lang din ako. Iyong buhok ko basta ko na lang ipinusod nang nakataas at paikot. Iyong tinatawag nilang labandera look. Walang suklay-suklay. Mukha akong sabog. Ang pangit ko. Hindi pa ako naligo basta wisik-wisik lang. Dala ko lang iyong coin purse ko at iyong cellphone ko, tapos nag-text na lang ako kay Sir Rham na nasa mall ako. Naglakad din ako papunta sa mall.

Para akong tangang paikot-ikot sa loob ng mall. Window shopping lang ang peg. Wala akong pambili kahit isang t-shirt lang sana. Nanghihinayang akong gumastos. Mabuti pa ang ibang tao hindi na nila kailangan magpagod mabili lang nila ang gusto nila. Tao lang ako, minsan nakakaramdam din ako ng inggit sa katawan.

Lumaki kasi akong sapat lang ang pamumuhay. Pero kahit naman hindi maibigay ng mga tiyahin ko ang materyal na bagay ay busog naman ako sa pangaral at pagmamahal nila. Malaki ang pasasalamat ko sa kanila sa pagtataguyod nila sa akin. Noong bata ako luma lahat ang mga damit ko at karamihan ay bigay lang ng mga kapitbahay, pero kahit ganoon hindi naman nila ako pinabayaang marungis. Sabi nga nila noon ng mga tao sa amin, kahit basahan pa yata ang ipasuot sa akin kumikinang pa rin ako kahit saan anggulong tingnan. Hindi ko sila maintindihan. Pakiramdam ko ibang tao ako sa kanila. Minsan naiisip ko, nasasabi lang nila iyon dahil isa akong ampon.

Ampon naman talaga ako. Alam ko iyon. Ang kuwento pa nga sa akin nina Tita Vernice at Tita Verna noon, nakita lang nila ako sa bakuran nila na nakalagay sa isang pink na basket. Wala daw pagkakakilanlan sa akin. Kaya naman minabuti na lang nilang alagaan ako. Inayos nila ang mga papel ko at binigyan nila ako ng pangalan. Ako si Cari Macaspac ngayon at wala naman akong balak na hanapin ang tunay kong mga magulang. Baka nga patay na sila. Hindi ko maiwasang malungkot at magdamdam. Sa haba ng panahon, bakit wala man lang naghanap sa akin? Napabuga ako ng hangin.

SCRAPDove le storie prendono vita. Scoprilo ora