Chapter Two

129 6 0
                                    

Chapter Two

Katatawag ko lang kay Auntie Vernice at Auntie Veron. Buti na lang at nasa mabuti silang kalagayan. Namasukan daw sila sa taihan ni Aling Mosang. Nagtatahi daw sila ng bag na gawa sa mga sirang maong na pantalon. Buti na lang at mabait si Aling Mosang. Kung ako lang mas gugustuhin ko pang maglagi na lang ang dalawa sa bahay para makapahinga. Ang kaso parehong matigas ang ulo ng magkapatid at hindi mapirmi sa bahay, e.

Tinanong pa nila ako kung maayos ang pagtrato sa akin ni Ma'am Abrina. Sabi ko, okay naman basta hindi nakasumpong ang kasungitan ng matandang iyon. Wala naman din sa akin kahit mataray si Ma'am Abrina. Nasasanay na nga ako sa bunganga niya. Habang nakahiga ay hindi ko maiwasang isipin ang future ko rito. Hanggang dito na lang ba ako sa bahay na mangangatulong? Gusto ko ng ibang trabaho, ayaw kong maburo rito sa bahay na ito. Bukas na bukas ay kakausapin ko si Ma'am Abrina.

---

Kinakabahan akong pumasok sa office ni Ma'am Abrina. Katabi lang ito ng library room. Tumaas agad ang isang kilay niya nang makita ako sa harap niya.

"Sit down," sabi niya na busy sa pagbabasa ng diyaryo. Umupo naman ako sa isa sa bakanteng upuan sa tapat niya. "Gusto mo raw akong makausap sabi ni Nanay Tale?"

Napalunok ako. Hindi pa rin niya ako tinitingnan. "Opo, Ma'am."

"Okay... at para saan naman?"

"Gusto ko na po kasing mag-resign po sa inyo?" kinakabahang sabi ko.

"Paano ka makakabayad para sa lupa ninyo, kung aalis ka sa poder ko, aber?" Ibinaba niya ang hawak niyang diyaryo sa mesa.

"Maghahanap po ako ng ibang trabaho," nahihiyang sabi ko.

"High school graduate ka lang, hindi ba? So anong trabahong papasukan mo?" nang-uuyam na sabi niya sa akin. Iniwasan ko na lang hindi magdamdam. Iba kasi ang dating nang pagkakasabi niya.

"May hiring po kasi sa isang DCW Sheet Metal Company, balak ko po sanang doon mag-apply."

Nakita ko kasi iyong advertisement ng DCW Sheet Metal Company, at interesado ako.

"Ganoon din naman pala, lalayo ka pa talaga? E sa kapatid ko ang kompanyang iyon."

"Alam ko po, kaso lang po mas mataas po iyong sahod doon, saka tumatanggap po sila kahit high school graduate lang po."

"Hija, kung gusto mo kay Abraham ka na lang magtrabaho..." suhestiyon niya. Napakurap ako. Parang bumait yata si Ma'am.

"Talaga po?" hindi makapaniwalang sabi ko.

"Oo, eh, ayaw mo ba?"

"Hindi po, gustong-gusto ko po," naibulalas ko.

"Good, so mag-empake ka na ora mismo! Ipapahatid kita sa bahay ni Abraham."

"Maraming salamat, Ma'am Abrina!"

Nginitian lang niya ako saka ako tumalikod. Excited akong magkaroon ng bagong trabaho.

---

Nawala ang ngiti ko nang makarating ako sa condo unit ni Sir Rham. Itinabi ko ang isang travel bag na dala ko at shoulder bag na malaki sa tabi ng front door. Magulo ang buong unit niya. Inilibot ko pa ang paningin ko sa kabuuan ng unit niya. Hindi naman kalakihan ang unit niya, may dalawang kuwarto, maliit na kusina at nandoon na rin ang mesa. Ang sala maliit din ang space, may 4Oinch flat screen tv na nakasabit sa wall nito. Bukod sa isang set na sofa ay wala ng ibang gamit kundi iyong tv lang. Wala din akong makitang vase. Ang tanging palamuti lang na nakikita ko ay ang mga picture ng Cessna na nakalagay sa malalaking frame. Nakahilerang nakasabit iyon sa kabilang dinding ng unit. Ang banyo naman ay nakagitna sa dalawang kuwarto. Puting-puti ang kulay ng buong unit niya may kaunting itim lang na detalye para hindi siguro magmukhang-ospital ang buong unit niya.

SCRAPTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon