Chapter 14

11K 271 13
                                    

***sige na nga, isa pang chapter :-)


"HUWAG mong sabihing sideline mo na rin ngayon ang pagde-deliver ng pandesal," wika ni Jackie kay Yael. Maga-alas-sais pa lang ng umaga. Bababa lang sana siya para pumunta sa banyo pero dinatnan na niya si Yael sa kusina na kasamang nagkakape ng mga magulang niya.

Pero ngayon ay silang dalawa na lang ni Yael ang nasa kusina. Nang makita kasi ng mga magulang niya na bumaba na siya ay iniwan na sila ng mga ito.

Alam ni Jackie na binibigyan lang silang dalawa ni Yael ng mga ito ng pagkakataon na makapag-usap. At sa isiping iyon ay napahugot siya ng malalim na hininga. Iyong inistrikto-istrikto ng mga ito sa kanya noong sixteen siya na halos ikulong siya ng papa niya noon para lang mailayo kay Yael ay siya namang kabaliktaran ng ginagawa ng mga ito ngayon. Kung sabagay, hindi naman itinatago ng mga ito ang kagustuhan ng mga ito na bumangon siya kung saan siya nadapa. Kay Yael.

Na para namang gusto pa ni Yael na pulutin siya.

Ibinaba ni Yael sa lamesa ang tasa ng kape nito. Ngumiti ito. Inilapit nito sa kanya ang brown paper bag na kinalalagyan ng pandesal. "Mainit-init pa 'yan."

Sinulyapan lang ni Jackie ang pandesal bago tiningnan si Yael.

Napuyat siya noong isang gabi sa pagkastigo niya sa sarili niya dahil sa katangahan niya, pero si Yael ay umaaktong tila ba normal lang ang lahat at walang kakaibang nangyari sa pagitan nila. Na para bang hindi nito halos paharurutin ang dirt bike nito nang ihatid siya para maidispatsa na siya agad nito.

Kulang na nga lang magpasalamat ito sa kanya nang bumaba siya mula sa dirt bike nito tapos ay ngingiti-ngiti lang ito ngayon?

"Bakit ang aga mong nangangapitbahay?"

Lumapad ang ngiti ni Yael. "Baka kasi hindi kita uli abutan, eh."

Hindi siya sumagot.

"Nagustuhan mo 'yong flowers?" Humigop ito sa kape nito.

Pagdating ni Jackie kagabi, galing sa pamamasyal kasama si Leklek, ang asawa nito at si Isaac, sinabi ng papa niya na kakaalis lang daw niya kahapon nang dumating si Yael. At dahil hindi siya inabutan ni Yael, bumalik na lang daw ito kinagabihan. May dalang roses. Dinatnan na niya ang mga iyon sa ibabaw ng dresser niya.

"Maganda," wika niya.

Bahagyang tumawa si Yael. "Ang tinatanong ko, eh, kung nagustuhan mo."

Nagustuhan niya. Hindi lang niya gusto ang motibo ng nagbigay. Sigurado siyang hindi ito nagbigay ng bulaklak dahil sinusuyo siya nito. Ibang babae naman kasi ang gusto nito. Kaya kung ang mga bulaklak ay hindi pasasalamat para sa isang mainit na gabing pinagsaluhan nila, iyon ay panglinis lang nito sa konsensya nito. Pero hindi na importanteng malaman nito iyon.

Humugot si Jackie ng malalim na hininga. Alam niyang hindi nagpunta si Yael sa kanila para makipagkuwentuhan. At sigurado siya na ang namagitan sa kanila noong isang gabi ang rason kung bakit ito nandito. "Kung tungkol 'to sa-"

"We need to talk, Jac," agaw nito sa sasabihin niya.

Umiling si Jackie. Bago sila naghiwalay noong isang gabi ay wala siyang maisip na sabihin dito. At mukhang ganoon din naman si Yael. At kung wala silang mapag-usapan noong isang gabi, paanong magkakaroon sila ng pag-uusapan ngayon?

"Wala tayong dapat pag-usapan, Yael."

"Eh, 'yong mga nangyari noong isang gabi?"

Kung hindi marahil sensitibo ang paksa ay pinaikot na ni Jackie ang mga mata niya sa pagsingit ni Yael sa salitang "mga" na para bang ipinapaalala nito na hindi lang siya miminsang nagpakagaga noong isang gabi. "We've done that very same thing dozens of times in the past, Yael. Wala namang bago."

Because Almost is Never EnoughWhere stories live. Discover now