Chapter 12

10.1K 270 14
                                    


RAMDAM ni Yael ang bilis ng tibok ng puso niya habang tinatalunton ng dirt bike niya ang highway pabalik sa bahay nina Krissy.

Hindi pa rin makapaniwala si Yael sa nangyari. Hindi talaga niya inaasahan na magagawang mag-eskandalo ni Leslie. Kung sabagay, lasing ito.

Hinabol agad ni Yael ang sinakyang tricycle ni Leslie kanina. Responsibilidad niya ito. Dalahin ng konsensya niya kapag may nangyaring masama dito. Pero nang nasa bus stop na ay sinigawan lang siya ni Leslie.

Humugot si Yael ng malalim na hininga pero walang naitulong iyon para maibsan ang bigat ng pakiramdam niya. Alam kasi niyang pati si Jac ay masama ang loob sa kanya. Kung kailan naman hindi na masyadong naiilang si Jac sa kanya ay nangyari naman ang ganito.

Back to square one sila.

Sumulyap si Yael sa relo niya. Umaasa na lang siya na aabutan pa niya si Jac sa bahay nina Krissy. Kailangang makahingi siya ng paumanhin ora mismo. Bakasakaling mapatawad pa siya ni Jac.

Hindi kagaya noon...

"Sabi ng lawyer na friend ng friend ko, voidable daw ang kasal natin, Yael, dahil sa kawalan ng parental consent."

Pakiramdam ni Yael ay pinagsakluban siya ng langit at lupa sa sinabing iyon ni Jac. Nag-consult na si Jac sa abogado. Ibig sabihin, matagal na nitong pinag-iisipan ang tungkol sa pakikipaghiwalay sa kanya.

Totoong wala nang galit na nababasa si Yael sa mga mata ni Jac pero wala ding kahit anong emosyon na mababanaag sa mga iyon. Nang makita niya si Jac kanina, wala nang ibang gustong gawin si Yael kundi ang yakapin ito. Pero hindi na niya puwedeng gawin iyon. Para kasing may itinayong pader si Jac sa pagitan nila.

Maingat na ibinaba ni Yael ang hawak na bungkos ng bulaklak sa lamesang yari sa salamin. Kapag kasi hindi niya ginawa iyon ay baka magkandaluray-luray na ang tangkay ng mga iyon sa higpit ng paghawak niya. Paglabas ni Jac kanina mula sa bahay ng mga ito ay agad iniabot ni Yael ang mga bulaklak pero ni hindi nito tinapunan iyon ng tingin.

"Ibig sabihin, Yael, valid ang kasal natin hangga't hindi tayo gumagawa ng move para ma-annul siya," dagdag ni Jac.

Napalunok si Yael. Alam niya ang ibig nitong sabihin. Ang kawalan ng parental consent noong ikasal sila ay puwedeng gamitin na rason para ma-annul ang kasal nila. Pero dapat ay hindi lumagpas si Jac ng edad na dalawampu't-isa nang nagsasama pa sila kundi ay hindi na nila maaaring gamitin ang rason na iyon.

Magdadalawang buwan na ang nakakalipas mula nang magtalo sila ni Jac pagkatapos niya itong akusahan na nanlalalaki. Balak sana niyang tikisin ito noon. Pero hindi niya kaya. Isang linggo pagkatapos ng away nila ay agad na niya itong sinuyo pero hindi na siya nito pinapansin.

At hindi niya masisisi si Jac. What he had done was unforgivable. At hanggang ngayon ay hindi pa rin niya mapatawad ang sarili niya. Hindi sapat na kabayaran ang pagsampal nito sa kanya dahil sa mga sinabi niya. Alam naman talaga niya na hindi magiging madali na hingin ang kapatawaran nito.

Pero ayaw na ni Jac. And she was now asking for an annulment. She was demanding to be freed. At kasalanan ni Yael ang lahat. Ipinakita niya dito ang kawalan niya ng tiwala.

Humugot siya ng malalim na hininga. "Hindi mo na ba ako mahal, Jac?"

"We got married for the wrong reason, Yael. 'Yon ay para lang hindi masira ang pangako mo sa akin."

"Nagpakasal tayo dahil mahal kita at dahil mahal mo ako," wika ni Yael. "I was a jerk at pinagsisisihan ko na 'yon. If only I can turn back time-"

Because Almost is Never EnoughWhere stories live. Discover now