Chapter 8

10.7K 261 47
                                    

"IKAW ba, Yael, ay nanliligaw uli dito sa dalaga ko?"

Nagkatinginan sina Jackie at Yael sa sinabi ng Papa ni Jackie. Pareho nilang hindi inaasahan na sasabihin nito ang ganoon. Iyon ang isinunod nitong itinanong pagkatapos nitong kumustahin ang lagay ng daddy ni Yael.

Si Yael ang unang nakabawi. "Inihatid ko lang ho, Mang Pete."

"Ah..." wika ng papa niya. "Akala ko hindi ka pa nadala sa laki ng nagastos mo sa annulment, eh." Binuntutan nito iyon ng halakhak.

Ramdam ni Jackie ang pag-init ng mukha niya. "'Pa!"

Pinandilatan siya ng papa niya. "Hindi ba totoo?"

Napapangiwing tiningnan niya si Yael.

Pero nginitian lang siya ni Yael. Bumaling ito sa papa niya. "Ano ho bang ginagawa n'yo?"

"Bumara na naman kasi 'yong lababo. Kakalasin ko na sana kaso bigla kayong dumating."

"Ako na ho," wika ni Yael.

Iniabot naman ng papa niya ang liyade de tubo dito. "Noong nakaraang taon mo inayos ito, ano?"

Napakunot ng noo si Jackie sa sinabing iyon ng papa niya. Alam niyang nagu-usap ang mga ito pero hindi niya alam na ganoon ka-close na pati lababo nila ay si Yael ang naga-ayos.

"No'ng birthday n'yo pa ho 'yon two years ago," wika ni Yael. "Baboy ang lechon natin last year. Baka ang lechon natin no'ng bumara."

Lalong ikinagulat ni Jackie ang nalaman na pumupunta si Yael sa birthday ng papa niya.

"Matagal na pala 'yon?" wika ng papa niya. "Sandali, kunin ko 'yong ibang gamit."

Agad bumaling si Jackie kay Yael pero bago pa siya makapagtanong ay umupo na si Yael sa sahig at mukhang susuot na sa ilalim ng lababo.

"Sandali!" pigil ni Jackie

"Bakit?"

Pinandilatan niya si Yael. "Lacoste 'yan, ihihiga mo kung saan-saan? Sandali."

Umakyat si Jackie at mabilis na naghalungkat sa closet niya. Hinila niya ang isang T-shirt. Agad na rin siyang bumaba.

"'Ayan, isuot mo na muna." Inabot niya kay Yael ang T-shirt.

"Salamat."

Nang iangat ni Yael ang laylayan ng poloshirt nito ay pasimpleng tumingin si Jackie sa direksyon ng ref. Nagbilang siya ng isa hanggang sampu bago muling bumaling kay Yael. Pero paglingon niya ay nalaglag ang panga niya. Tumambad kasi sa kanya ang hubad at malapad na dibdib ni Yael.

Nakasampay na ang poloshirt ni Yael sa sandalan ng upuan, pero hawak pa rin nito ang T-shirt. Mayroon itong kung anong pinupulot mula sa puting T-shirt.

Tumingin ito sa kaya. "May galit ka ba sa 'kin?"

Tumikhim si Jackie. "M-may langgam?"

"Ang dami. Mabuti na lang nakita ko agad."

Because Almost is Never EnoughWhere stories live. Discover now