Chapter 21

10.4K 159 1
                                    


"YANA," tawag ni Allen sa kaibigan niya pagbaba ng kotse.

Pagdating sa karinderya, agad niya itong nakita na naghihintay sa kanya. Pormal ang mukha na nilapitan siya nito. Napako agad ang mga mata nito sa kotse niya, pagkatapos ay tiningnan siya mula ulo hanggang paa.

"Bakit ba nakasimangot ka?" kaswal na tanong niya rito.

"Buhay ka pa pala! Hindi ka man lang nagparamdam dito!" singhal nito sa kanya, sabay hampas sa dibdib niya.

Napabuntong-hininga siya. "I'm sorry. Alam kong may kasalanan ako," aniya.

"Mahigit dalawang taon kang nawala, Allen. 'Akala ko s-in-alvage ka na! Halos mamatay ako sa lungkot at pag-aalala sa 'yo. Ano ba'ng nangyari sa 'yo?" tanong nito habang umiiyak.

"Huwag ka naman umiyak, baka sabihin ng mga tao, inaaway kita," pang-aalo niya rito.

"Ano nga kasi ang nangyari?" malakas ang boses na tanong nito.

Napapikit siya sa lakas ng boses nito. "Oo na, magpapaliwanag na." Ikinuwento niya rito ang lahat ng mga nangyari sa kanya sa nakalipas na taon. Inamin din niya ang dahilan kung bakit nagdesisyon siyang manatili sa ninong niya. Nang matapos siyang magkuwento, hindi agad ito sumagot.

"I'm sorry, Yana. I didn't mean to hurt you," hinging-paumanhin niya rito.

Tumawa ito nang pagak, pagkatapos ay umiling. "Pati ang pananalita mo ay nagbago na rin. Iyan ba ang nagawa ng Jasmine na iyon sa 'yo? Ang baguhin ka? Pero ako, Allen, tanggap kita kahit na ikaw ang simpleng Allen na kasama kong lumaki. Tanggap ko kung ano'ng meron ka. Handa akong magtiis para sa 'yo," umiiyak na sabi nito.

Natigilan siya sa mga sinabi nito. Tiningnan niya ito. "Ano'ng sinasabi mo?" tanong niya.

"Mahal kita, Allen. Mahal na mahal kita noon pa," pag-amin nito.

Sa isang iglap ay hindi alam ni Allen kung ano ang dapat niyang sabihin. Nanatili lang siyang nakatitig kay Yana habang umiiyak ito.

"Yana, hindi..."

"Matagal na akong naghihintay na mahalin mo rin ako. Noong nawala ka, hinintay kita dahil alam kong babalik ka. Pero hindi ko matanggap na sa muling pagkikita natin, may ibang babae kang kasama. Isang araw mo lang nakilala ang Jasmine na iyon, pero isinakripisyo mo ang lahat para sa kanya. Eh, siya? Kaya ba niyang isakripisyo ang buhay na meron siya para sa 'yo? Ako, kaya kong gawin 'yon!" pagpapatuloy nito.

"Stop it, Yana," saway niya rito.

"Allen, ako na lang..." patuloy na pagmamakaawa nito.

"I said, stop it!" asik niya na ikinagulat nito. "Tumahimik ka na. Huwag mong gawin 'to, Yana. Magkaibigan tayo at gusto kong manatili iyon. And please, forget about whatever feelings you have for me. Itigil mo 'yan. Ayokong masaktan ka dahil kaibigan kita. Isa pa, mahal ko si Jasmine, at siya lang ang mamahalin ko. I'm sorry."

Tila hindi ito makapaniwala sa mga narinig mula sa kanya. "Hindi puwede, Allen."

"Mas mabuti siguro kung hindi na muna ako magpapakita rito. Mas makakabuti iyon sa 'yo. Kung wala ka nang sasabihin pa, aalis na ako. May pasok pa ako bukas," aniya. Eksaktong pagtalikod niya ay biglang nag-ring ang cell phone niya. Si Jasmine. Bago niya sinagot iyon ay huminga muna siya nang malalim. "Hello."

"Hi, nagising ba kita?" tanong nito sa kabilang linya.

Napangiti siya nang marinig ang malambing na boses ng babaeng minamahal. "Jasmine..."

"Hi, did I wake you up?" ulit nito sa tanong nito.

"Ah, no. I mean, I wasn't asleep. Actually, nasa labas ako. I went out with Yana," pag-amin niya.

"Really?" tanging nasabi nito, nahimigan niya na bahagyang lumungkot ang boses nito.

"I just need to talk to her. Wala kang dapat ipag-alala," sabi niya.

Narinig niya ang marahang pagtawa nito. "Okay, I trust you."

"Thank you, I'm on my way home," aniya.

"Okay, ingat sa pagda-drive," bilin pa nito.

"I will. I love you."

"I love you, too," sagot nito.

Pagkatapos nilang mag-usap, sandali pa niyang sinulyapan si Yana. Naroon pa rin ito, alam niyang narinig nito ang lahat ng pinag-usapan nila ni Jasmine.

"Mauna na ako," pormal ang mukha na paalam niya rito.

"Allen..."

Hindi na niya ito pinakinggan, sa halip ay agad siyang sumakay sa kotse at agad na umalis doon. Alam niyang nasaktan si Yana, pero gusto niyang ipakita rito na mahal niya si Jasmine. Iyon lang ang tangi niyang maitutulong kay Yana para makalimutan na nito ang pagmamahal nito sa kanya na kailanman ay hindi niya masusuklian. Para naman kay Jasmine, ipinangako niya na mula sa gabing iyon, hindi na siya magsisinungaling dito. Ang katotohanan tungkol sa kung sino talaga siya at ang totoong estado niya sa buhay ay sasabihin na rin niya rito. Handa siyang tanggapin kung ano man ang magiging reaksiyon nito. Pero aaminin niya, natatakot siya sa maaaring sabihin nito kapag nagalit ito. Ayaw niyang mawala ito sa kanya.

vJU=

A Moment With You COMPLETED ( Published by PHR)Where stories live. Discover now