Chapter 2

22.3K 312 2
                                    


"I'LL ARRANGE for you to meet my friend's son, Jasmine. Make sure to meet him. And please, hija, treat him nicely," pakiusap sa kanya ng daddy niya.

Marahas na napabuntong-hininga si Jasmine, pagkatapos ay napailing siya. Ilang buwan na siyang paulit-ulit na kinukulit nito na sumipot sa mga mina-matchmake nito na mga anak ng kung sino-sinong kumpare nito. Gustong-gusto na kasi nito na mag-asawa siya.

Ayon dito ay tumatanda na ito at habang malakas pa ito ay gusto nitong makalaro nito ang mga magiging apo nito. Iyon nga lang, nakaka-pressure sa side niya. Because at the age of twenty-five, her full attention was on her job. Sa ngayon ay wala pa sa isip niya ang magka-boyfriend, lalo na ang pag-aasawa. Pinagbibigyan lang niya ang daddy niya dahil ayaw niyang nabibigo o nalulungkot ito, lalo na kung dahil sa kanya.

"Dad, can I ask you a favor?" tanong niya rito.

"Yes, what it is?" tanong din nito.

"Puwede bang hindi muna ako pumunta sa blind date na 'yon?"

Awtomatikong sumimangot ang daddy niya. "Anak..."

"Dad, please, just this once. Let me refuse," pakiusap niya.

"Paano ka makakapag-asawa kung ayaw mong makipag-date?"

"Dad, don't you love me?" kunwari ay nagtatampong tanong niya.

"Jasmine, you know how much I love you. Ikaw ang nag-iisang anak ko. My Princess Jasmine," paglalambing nito.

"Iyon naman pala, eh. Then why do I feel like you're giving me away?"

"Of course not. It's not what you think. Gusto ko lang makasiguro na sa matinong lalaki mapupunta ang anak ko. At least, mawala man ako sa mundong ito, panatag akong aalis dahil alam kong nasa mabuting kamay ka," paliwanag nito.

Umiling siya. "Stop saying that, Dad. Malakas ka pa. Hindi pa mangyayari 'yang sinasabi mo," aniya.

"Ang hinihiling ko lang naman sa 'yo ay lumabas ka. Huwag puro trabaho ang inaatupag mo," anang daddy niya.

"Dad, masaya ako sa career ko. Masaya ako na ikaw lang ang lalaki sa buhay ko, ayaw mo n'on?" pangungumbinsi niya rito.

Bumuntong-hininga lang ito, saka umiling.

Lihim na napangiti si Jasmine. Feeling kasi niya ay gumana ang drama niya sa daddy niya. "So, ano, Dad? Payag ka na? Hindi ako makikipag-meet mamaya?" nakangising tanong niya.

"No. Be there at seven in the evening. Don't be late. Nakakahiya sa anak ni kumpare," mariing sabi ng daddy niya.

Agad bumagsak ang mga balikat niya. "Daddy naman, eh!" pagmamaktol niya.

"Mabait si Ramoncito!" sabi nito.

"Ha? Ramoncito? Iyon ang pangalan ng makaka-date ko? Bakit kapangalan ng isa n'yong kumpare? Dad! Ayoko! Pangalan pa lang, ayoko na!" parang batang pagmamaktol niya.

"No more complaints. Kapag hindi ka dumating mamaya, ipapahanap kita sa mga bodyguard ko at ibabalik ko ang bodyguards mo," sabi nito.

"Dad!"

"Kung ayaw mong gawin ko 'yon, pupunta ka mamaya," anito.

Nagpapadyak siya. "Daddy! Ayoko!" giit niya.

Hindi na pinatulan pa ng daddy niya ang pagprotesta niya. Sa halip ay ngumiti ito. "Sige na, kumain ka na, anak, at nang hindi ka mahuli sa opisina," sabi nito.

Napakunot-noo siya. "Dad, kung makapagsalita ka naman, parang sa magkaibang kompanya tayo pumapasok," komento niya.

Bigla itong tumawa. "Oo nga pala."

Napailing siya. Natalo na naman siya sa usapan nila ng daddy niya. Kunsabagay, kailan ba siya nanalo rito? Mas makulit pa yata ito sa kanya. Lihim siyang napangiti habang pinagmamasdan ang nakangiting daddy niya.

She was a daddy's girl. Being the only daughter of Victorino del Valle, everybody called her a princess. Sila ang nagmamay-ari ng pinakamalaking mall sa buong bansa. And she had her own clothing line. Ipinamana sa kanya iyon ng kanyang nasirang mommy. Bata pa lang siya nang pumanaw ito, kaya ang daddy na niya ang kanyang kinalakhan. May mga kamag-anak siyang naiinis sa kanya. Ayon kasi sa mga ito ay spoiled brat siya. Hindi na lamang niya pinapansin ang mga ito dahil alam niyang hindi naman iyon totoo. Ngayon, bilang nag-iisang anak ng daddy niya ay tumutulong na siya sa pagpapatakbo ng kompanya.

Masaya naman siya sa trabaho niya, sa katunayan ay nag-e-enjoy siya sa ginagawa niya at hindi siya kailan man pinakialam ng daddy niya sa kung ano man ang desisyon niya. Malaki ang tiwala nito sa kanya at ayaw niyang mawala iyon. Wala naman siyang mairereklamo sa buhay, halos lahat ng bagay na kayang mabili ng pera ay kaya niyang bilhin. Isa lang ang tangi niyang hinihingi: ang kaunting kalayaan.

"Anak, make sure you dress up properly. I want you to look beautiful on your date," sabi ng daddy niya.

"Dad, hindi ba masyado na kayong matanda para mag-ala-matchmaker?" tanong niya.

"Aba, Jasmine, kalabaw lang ang tumatanda!" agad na protesta nito.

"Okay, eh, ano kayo? Kambing?" pang-aasar niya rito.

"Ano'ng sabi mo?"

Mabilis na tumayo siya mula sa upuan niya, sabay hablot sa bag niya at kumaripas ng takbo palabas ng bahay.

"Joke lang, Dad! I love you! See you at the office!" sigaw pa niya habang tumatakbo palabas ng bahay.

A Moment With You COMPLETED ( Published by PHR)Where stories live. Discover now