Chapter 1

51.3K 497 4
                                    

MABILIS na tumakbo si Allen. Panay ang lingon niya para tingnan kung maaabutan na siya ng humahabol sa kanya.

"Hoy! Tigil!" sigaw ng isang lalaking humahabol sa kanya.

Lalo pa niyang binilisan ang pagtakbo. Pumasok siya sa isang maliit na kalye at nagtago sa loob ng kariton. Dali-dali niyang tinakpan ang sarili ng mga diyaryo at karton. Pigil ang bawat hininga na nakiramdam siya.

Anak ng putakte naman, o! Hindi talaga ako titigilan nitong si Dodong Mata hangga't hindi nakakaganti sa akin, aniya sa isip.

Natutop niya ang bibig nang marinig ang mga tumatakbong yabag ng kung sino. Nakinig siya sa pag-uusap ng mga ito.

"Nasaan na 'yon? Bakit biglang nawala 'yon?" anang boses ng isang lalaki.

"Sino ba 'yong hinahabol natin?" tanong naman ng isa.

"Si Allen San Diego 'yon, kailangan ko siyang maabutan! Malaki ang atraso sa akin n'on." sagot ng kausap nito.

"Eh, paano na ngayon 'yan? Nawala siya."

"Ah, basta! Hanapin natin! Tara! Deretso tayo!"

Narinig niyang tumakbo na uli ang mga ito palayo. Para makasiguro na wala na ang mga humahabol sa kanya, bahagyang sumilip si Allen sa mga diyaryo at karton na nakatabing sa kanya bago siya lumabas ng pinagtataguan niya.

Agad siyang bumalik sa karinderya kung saan siya kumakain kanina. Pagdating doon ay agad na sinalubong siya ni Yana, ang kababata at isa sa mga serbidora sa naturang kainan.

"O? Ano'ng nangyari sa 'yo? Sino 'yong mga humabol sa 'yo?" nag-aalalang tanong nito.

Napailing siya. "Si Dodong Mata. 'Di ba, pinahuli ko sa pulis 'yon? Kaya siguro gusto akong balikan. Mukhang hindi ako titigilan n'on hangga't hindi ako napapatay," sagot niya.

Pumalatak ito. "Hindi talaga titigil 'yon hangga't hindi nakakaganti sa 'yo," komento nito.

"Ganoon talaga, gantihan lang 'yan," katwiran niya.

"O, sige, kumain ka na," sabi nito.

"Hindi na, uuwi na ako," tanggi niya, sabay talikod.

"Ah, Allen, sandali," habol nito.

Huminto siya sa paglalakad, saka lumingon dito. "O, bakit? May nakalimutan kang sabihin?" tanong niya.

Nag-aalangang ngumiti ito, saka umiling. "Ah, hindi wala."

Tumango lang siya. "Sige, aalis na ako," paalam niya.

Pagod na naglakad siya palayo. Kanina habang naglalakad siya papunta sa karinderya na pinagtatrabahuhan ng kaibigan niyang si Yana, hindi sinasadyang nagkasalubong sila ni Dodong Mata, ang kriminal at drug pusher na ipinakulong niya dati nang tumayo siyang witness laban dito. Hindi niya alam na nakalaya na ito. At ngayon, makalipas ang anim na taon ay binabalikan siya nito. Kailangan niyang mag-ingat dahil siguradong hindi siya aabutin ng pagsikat ng araw kapag nagkita uli sila nito.

Nagmadali na siya sa paglalakad pauwi. Kailangan kasi niyang makaligo at makaalis agad dahil may pasok pa siya sa pangalawang trabaho niya para sa araw na iyon.

Siya si Allen San Diego, kilala sa buong lugar nila bilang number one raketero. Halos lahat yata ng trabaho—basta sa malinis na paraan—ay kaya niya, o mas tamang sabihin na kakayanin niya para lang mabuhay. Minsan nga kapag naglalakad siya, tumitingin siya sa tabi ng daan. Baka kasi may makita siyang magic lamp at may lumabas na genie mula sa loob niyon. Baka sakaling makapag-wish siya nang sa gayon ay makaahon na siya sa hirap ng buhay.

Sa edad niya na twenty-eight, marami na siyang napasok na trabaho. Kung sana ay nakatapos siya ng kolehiyo, baka mas maganda ang buhay niya ngayon. Baka isa na siyang arkitekto. Iyon ang pangarap niya mula pa noon. Ngunit sa edad na labintatlo, naulila siya sa pareho niyang mga magulang. Pumanaw ang tatay niya dahil sa sakit sa puso, ganoon din ang nanay niya. Kaya sa maagang edad ay natuto siyang buhayin ang kanyang sarili at tumayo sa sarili niyang mga paa. Wala naman siyang kilala na kamag-anak niya kaya wala siyang ibang aasahan kundi ang sarili niya.

Gusto ni Allen ng maginhawang buhay hindi lang para sa kanya, kundi para sa mga magiging anak niya. Para mabigyan niya ang mga ito ng magandang buhay. Pero bago iyon, siyempre, kailangan muna niyang makilala ang babaeng magiging ina ng kanyang magiging anak. Ang babaeng mamahalin niya.

A Moment With You COMPLETED ( Published by PHR)Where stories live. Discover now