Chapter 20

10.8K 154 0
                                    


HINDI mawala ang ngiti sa mga labi ni Allen pagpasok niya sa bahay. Hindi pa rin siya makapaniwala sa mga nangyayari. Tila isang panaginip lang ang lahat. Ang mahalin siya ng mahal niya ay isang napakalaking bagay para sa kanya. Daig pa niya ang isang teenager na in love dahil kay Jasmine. Inspirado siyang magtrabaho. Inspirado siyang pagbutihin pa kung ano ang nasimulan niya.

"Mukha pong masaya kayo, Sir?" komento ni Mark pagpasok nito sa silid niya.

"Oo, masaya ako. Sobrang saya," aniya.

"At si Miss Jasmine po ang dahilan?" tanong nito.

Tumango siya. "Wala nang iba."

"Mark, nasaan na nga pala si Ninong?" pag-iiba niya sa usapan.

"Pauwi na rin po siya, Sir," sagot nito, sabay lapag ng isang tasa ng kape sa mesa. "Your coffee, Sir."

"Okay, thank you," usal niya.

Inilabas niya ang cell phone niya, saka tinitigan ang magandang mukha ng girlfriend niya. Mag-aalas-diyes na ng gabi, gusto niyang tawagan ito para makausap man lang bago matulog pero pinigilan niya ang sarili. Baka kasi nagpapahinga na ito, ayaw rin naman niyang makaistorbo siya.

Habang humihigop ng mainit na kape, nabaling ang tingin niya sa cell phone niya nang biglang mag-ring iyon. Dahil hindi naka-register sa Phone book niya ang numero, hindi agad niya iyon sinagot. Mayamaya ay nakatanggap siya ng text message galing sa parehong numero.

Si Yana ito, Allen. Magkita tayo.

Napatuwid siya ng upo. Ibinaba niya ang hawak niyang tasa, saka agad itong tinawagan. "Yana? Napatawag ka," bungad niya nang sagutin nito ang tawag.

"Kung libre ka ngayon, magkita tayo. Hihintayin kita dito sa karinderya," seryoso ang tinig na sabi nito.

Napuno siya ng pagtataka kung paano nito nalaman ang number niya. Kasunod niyon ay ang pag-ahon ng kaba sa dibdib niya. "O, sige, hintayin mo ako, papunta na ako diyan," aniya.

Hindi na ito sumagot pa, basta na lang nito pinutol ang tawag. Wala sa loob na napatingin siya sa cell phone niya. Base sa tono nito, mukhang galit ito sa kanya. Napabuntong-hininga siya. Oo nga pala, ngayon lang niya naalala, mula pala nang mabugbog siya ng mga tauhan ni Ramoncito at kupkupin ng Ninong Bert niya ay hindi na siya nakauwi pa sa Antipolo. Malamang na labis na nag-alala sa kanya si Yana kaya hindi nakapagtataka na galit ito sa kanya. Alam niyang bilang kaibigan nito ay nagkulang siya.

Humugot siya ng malalim na hininga. Wala siyang magagawa kundi ang puntahan at kausapin ito. Kailangan niyang magpaliwanag dito kahit paano.

"Sir, aalis po uli kayo?" tanong ni Mark nang makitang kinuha niya ang susi ng kotse niya.

"Oo, may kakausapin lang ako," sagot niya.

Pasakay na siya sa kotse nang dumating ang Ninong niya. "O, Allen? Saan ka pupunta?" tanong nito.

"May kakausapin lang po akong kaibigan," sagot niya.

Tumango ito. "Sige, mag-iingat ka." Nakatalikod na ito nang biglang buwelta pabalik.

"'Nga pala, nagkausap kami ng daddy ni Jasmine. Tuwang-tuwa siyang malaman na kayong dalawa na. Ang gusto nga niya ay magpakasal na agad kayo," sabi nito.

Natawa siya. "Sinabi na rin niya sa amin 'yan. Kung ako ang tatanungin n'yo, walang problema sa akin. I'm ready to marry her. You know how much I love her, Ninong. Pero ayoko din naman mabigla si Jasmine."

Tumango-tango ito. "That's what I told him. Masyado lang talagang masaya ang kumpare ko kaya niya nasabi iyon," anito. "Isa pa nga pala, mag-iingat ka kay Ramoncito. May nakapagbalita sa akin ng naging komprontasyon n'yo noong nakaraang linggo."

"Huwag po kayong mag-alala, Ninong, kaya ko ang sarili ko," nakangiting wika niya.

"Para na kitang anak, hijo. Ayokong may mangyaring masama sa 'yo. Gusto kong sa 'yo mapunta ang lahat ng pinaghirapan ko kapag nawala na ako sa mundong ito."

"Ninong, malaki po ang utang-na-loob ko sa inyo. Kung hindi po dahil sa tulong n'yo, baka jeepney driver pa rin ako hanggang ngayon. Pero kailangan kong tanggapin na lahat ng mayroon ako ngayon ay hindi naman talaga sa akin. Hiniram ko lang ito para makapantay kay Jasmine," aniya.

Tinapik ng Ninong niya ang kanyang balikat. Umiling ito. "Hindi, Allen. Kahit pa malaman ni Jasmine ang totoo, hindi ka na babalik pa sa kung paano kita natagpuan. Ikaw na ang magpapatakbo ng firm," giit nito.

Napangiti siya. "Maraming salamat po."

"O sige na, umalis ka na kung aalis ka," sabi nito.

Tumango siya. Habang papunta sa lugar na napag-usapan nila ni Yana, hindi mawala sa isip ni Allen ang huling pag-uusap nila ng ninong niya. Marahil ay panahon na para malaman ni Jasmine ang totoo tungkol sa kanya. Mas mabuti nang manggaling sa kanya ang lahat ng iyon kaysa malaman pa nito sa iba. Sana ay mapatawad siya nito sa ginawa niyang pagsisinungaling, bagaman hindi naman ganoon kalaki ang ilang bahagi ng pagkatao niya na inilihim niya rito.

A Moment With You COMPLETED ( Published by PHR)Where stories live. Discover now