Chapter 3

16.9K 294 0
                                    


NATUTOP ni Jasmine ang bibig niya habang palihim na pinagmamasdan ang makaka-date niya. Naroon siya sa likuran ng malaking halaman sa labas ng restaurant. Hindi naman sa choosy siya, kaya lang ay hindi talaga niya type ang Ramoncito na iyon.

Hati sa gitna ang buhok nito na parang dinaanan ng pison sa sobrang flat. Makapal ang salamin sa mga mata at naka-braces pa. Nakasuot din ito ng barong-Tagalog. Kulang na lang ay ihimlay ito. Natawa siya sa naisip. May hitsura naman ito, sa katunayan, guwapo ito kung aayusin ang porma nito. Kaya lang, ayaw talaga niyang makipag-date sa kahit na kanino. Kung mag-e-entertain man siya ng manliligaw o makikipag-date siya, sisiguruhin niyang mahal niya ang lalaking iyon. Pinagbibigyan lang talaga niya ang daddy niya kaya siya pumapayag sa mga imina-matchmake nito sa kanya.

Lord, sorry po. Pero ayoko talagang maka-date si Ramoncito! piping dalangin niya.

Dahan-dahan siyang umatras. Tamang-tama dahil wala pa roon ang daddy niya. Tanging si Ramoncito at ang daddy nito pa lang ang nasa loob ng restaurant. Magdadahilan na lang siya mamaya kapag sinita siya ng daddy niya.

"And where do you think you're going?"

Napahinto siya sa pag-atras nang marinig ang maawtoridad na tinig ng daddy niya. Napapikit siya nang mariin, saka nagkunwaring may hinahanap sa halamanan. "Nasaan na ba 'yon?" patay-malisyang wika niya.

"Jasmine," tawag sa kanya ng daddy niya.

Tumikhim siya, saka tumayo nang tuwid. Nagkunwari pa siyang nagulat nang humarap dito. "Oh? Dad? Kanina ka pa diyan?"

Pinaningkitan siya nito ng mga mata. "'Ay, naku! Jasmine, tigilan mo ako sa mga palabas mo. Tatakas ka, 'no?" sabi nito.

"Po? Ako? Tatakas?" pagmamaang-maangan niya. "Of course not! May hinahanap lang ako. Nahulog kasi 'yong piso ko," pagdadahilan niya.

Sunod-sunod na pumalatak ito. "Enough of your excuses, let's go inside. Nakakahiya kina kompadre, kanina pa sila naghihintay," anang daddy niya. Hinawakan siya nito sa braso, saka hinila papasok sa restaurant.

"Daddy, ayaw," bulong niya rito habang papalapit sila sa table kung saan naroon ang mga naghihintay sa kanila.

Isang nakalolokong ngiti lang ang isinagot sa kanya ng daddy niya, saka bumaling sa kompadre nito. "Kompadre, I'm sorry we're late."

"Nah, it's okay. Lalaki ang akin, natural lang na kami ang maghintay."

"I would like you to meet my daughter Jasmine. Jasmine, say hello to my friend Ramoncito Santiago, Senior," pagpapakilala sa kanya ng daddy niya sa kaibigan nito.

"Hello, Sir. Pleased to meet you," magalang na bati niya.

"What a beautiful lady, bagay na bagay sila ng aking junior."

Aray ko po! Parang hindi naman! sabi niya sa sarili.

"Jasmine, this is my son, Ramoncito Santiago, Junior," pagpapakilala sa kanya ng senior sa junior nito.

Pinilit ni Jasmine na magpaskil ng magandang ngiti para kay Ramoncito Junior. Naiilang na nakipagkamay siya rito nang ilahad nito sa kanya ang isang kamay nito. Napakunot-noo siya nang pisilin nito ang kamay niya. Titig na titig ito sa kanya. Sa klase ng pagkakangiti nito, daig pa nito ang ngayon lang nakakita ng babae. Pakiramdam niya ay hindi ito mapagkakatiwalaan.

"H-hi, Jasmine," nabubulol pang bati nito sa kanya.

"Hi," ganting-bati niya.

"Maupo na kayo at nang makakain na tayo," anang kompadre ng daddy niya.

Habang kumakain, hindi maiwasan ni Jasmine ang mainis. Paano kasi ay hindi inaalis ni Ramoncito ang tingin nito sa kanya. Baka nga hindi ito makakain nang maayos. Kulang na lang kasi ay lapain siya nito.

"So, kompadre, kailan ba natin aayusin ang kasal ng ating mga anak?" tanong ni Ramoncito Senior sa daddy niya.

Napahinto siya sa pagkain, saka gulat na tumingin sa daddy niya. "Kasal?"

Alanganing ngumiti ang daddy niya. "Ah, kompadre, madali nang pag-usapan 'yan basta nagkagustuhan ang mga bata," sabi nito.

"I'm sure magugustuhan ni Jasmine ang aking si Junior, mabait siya at masunurin."

Gusto ko nang umiyak! Waaah! Ayoko sa kanya! tungayaw niya sa isip. "Ah, tingnan po natin," tanging naisagot niya.

"Ramoncito, bukas nang umaga ay sunduin mo si Jasmine sa bahay nila. Ikaw na ang maghatid sa kanya sa opisina niya para naman magkakilala kayo nang mabuti," sabi ni Ramoncito Senior sa anak nito.

"Yes, Dad."

"No, I have a great idea. Why don't you guys spend the whole day together? Mas magkakakilala kayo nang maayos," suhestiyon ng daddy niya.

Gulat na napalingon siya rito. Pinanlakihan niya ito ng mga mata. Daddy, no! hiyaw niya sa isip. Hindi niya akalain na ang daddy pa niya ang magsa-suggest ng ganoon.

"That's a good idea! It's fine with me," sang-ayon ng kompadre nito.

Pasimpleng natutop niya ang kanyang noo. Kailangan niyang matakasan si Ramoncito Junior bukas. Ayaw niyang bigyan ito ng pagkakataon na isipin na may gusto siya rito. Alam niyang pagagalitan siya ng daddy niya, pero bahala na, basta ayaw niya kay Ramoncito.

"Is that fine with you, Jasmine?" tanong sa kanya ni Ramoncito Junior.

Pilit siyang ngumiti, saka napipilitang tumango. Pag-uwi niya mamaya, agad niyang ihahanda ang gamit niya para sa panibagong "oplan takbo, Jasmine, takbo!"

A Moment With You COMPLETED ( Published by PHR)Onde as histórias ganham vida. Descobre agora