Chapter 14

8.4K 245 2
                                    

"Vodka martini," sabi ni Elma sa bartender. "Dalawa." Pumuwesto na siya sa isa sa mga high chairs. Wala naman siyang makausap. Ang kanyang asawa, hayun at mukhang rock star talaga na nakikihalubilo sa mga "fans."

Halos hindi siya makapaniwala na hanggang sa party pala na iyon ay marami pa ring gustong-gustong makipag-usap kay Kiko. Daig pa talaga nito ang isang artista. Siguro, ganoon talaga kapag nasa katayuan nito. Napansin din niya na hindi lang si Kiko ang pinagkukumpulan ng mga tao, maging ang mga kaibigan nito.

Nakakatampo na halos nakalimutan na siya ng asawa nang makabalik sila sa Red Base. Samantalang kanina lang sa bahay ay halos ayaw na siya nitong pakawalan. Hindi ba't si Kiko rin ang nag-suggest na huwag na lang silang umalis ng bahay?

It made no sense to her how he could be so warm, even scorching hot one moment, and then the next turn ice-cold, as if he really didn't care about her—which was probably the case.

Baka sinusubukan lang ni Kiko ang charms sa kanya, tinitingnan kung makakalusot. At ngayon na maraming chicks sa paligid, naisip siguro nitong "to hell with her." Isang bagay na natural lang siguro na maisip nito. Ang gaganda naman talaga kasi ng mga babaeng kausap nito. Mga babaeng naka-sexy costumes. Ilang ulit na siyang nakakita ng Cat Woman costume. Every woman wanted to wear a catsuit, it seemed.

Nakakatuwang isipin para kay Elma na walang ka-effort-effort sa costume ang mga asawa o girlfriend ng mga hombre. Hindi flashy, hindi papansin. Interesting din ang costume ng ibang hombres—may US Navy, may plebo, may bombero. Mga kulang sa thrill ang costume pero bagay na bagay naman sa mga ito. Siguro, kapag binata talaga, pa-cute at safe ang mga costume. Nagmukhang all-out pa nga ang costume ni Kiko na rock star outfit. And the man really did look gorgeous in his garb.

Bagay pala sa asawa ang magmukhang marumi—mahaba ang buhok, tastas ang pantalon, may pekeng hikaw sa tainga. Mali sigurong sabihing mukhang marumi si Kiko dahil kahit ganoon na ang porma ay mukha pa rin itong mabango.

Pero kung nalaman ko lang, hindi na sana kita inayusan, buwisit! Pakiramdam ni Elma ay na-out of place lang siya. Kung naiba-iba lang siguro ang sitwasyon, kanina pa siya umalis. Kaya lang, minamanmanan niya ang asawa. Sa bawat babaeng lumalapit dito ay nandoon lang siya sa bar, nakamasid.

"Can I have another vodka martini?" sabi niya sa bartender.

"Me, too," sabi ng isang babae na nasa kaliwa niya. She was wearing a Betty Boop costume. Bahagyang maliit at matinis ang boses ng babae. Kung totoong tao siguro si Betty Boop, maiisip niyang ito na mismo iyon. Alanganin itong ngumiti sa kanya. "Boring night, huh?"

"You betcha," napaismid na sagot niya. Magaan ang loob niya sa babae. Mukhang pareho silang hindi masaya sa party. "Who are you with?"

"No one. I came alone. You?"

"Oh, I'm with my husband who's..." Napatingin si Elma kay Kiko, may kausap na babae, pangiti-ngiti pa sa kausap. "Who's flirting with another Cat Woman."

Napahagikgik ang babae. Hagikgik na parang sa bata lang at matinis, kaunti na lang ay parang sa bruha na. "So you're Elma."

"Yeah. How did you know?"

"Si Kiko ang asawa mo, eh. Ako nga pala si Violet."

Mayamaya, natuklasan niyang masarap palang kausap si Violet. Kahit may katawan itong pang-bold star ay may taglay namang finesse. Natuklasan din niyang may gusto si Violet sa isa sa mga hombres, kay Anton. Mukhang in love na in love ito sa lalaki at base sa pagkakaintindi niya, gagawa raw ito ng paraan para makuha ang lalaki.

Mukhang obsessed si Violet pero hindi naman sa paraang nakakapangamba. Talagang in love lang siguro ito. Maraming katangahang nagagawa ang isang tao sa larangan ng pag-ibig. Maybe it was one of those things.

Gusto pa sana ni Elma na makausap si Violet pero nang mapatingin siya kay Kiko, muntik nang tumaas ang kanyang altapresyon. Isang puting Cat Woman ang kausap nito. At ang kamay ng Cat Woman na iyon ay malapanadero ang pagmasa sa puwit ng kanyang asawa!

Ni hindi na niya nagawang magpaalam sa kausap. Sa puntong iyon, walang ibang malinaw sa kanya kundi ang bastos na kamay ng babaeng iyon na nagpapasasa sa pang-upo ni Kiko.

Nakalapit agad si Elma sa dalawa. Dumeretso ang kamay niya sa braso ng babae. Diniinan niya iyon, saka inilayo sa pinupuntiryang bahagi ng katawan ni Kiko. Tuloy-tuloy ang kabilang braso niya sa baywang ng kanyang asawa. Dumeretso naman ang naniningkit na mga mata niya sa babae.

Tumaas ang isang kilay ng babae—nakita niya dahil hindi naman authentic Cat Woman ang outfit nito. Parang piring lang na may butas ang nakatakip sa mga mata nito. Puti rin ang whip nito, katerno ng catsuit. In short, nag-imbento lang ang babae ng costume na inspired ng kalaban ni Batman.

Nagtitigan sila. Mukhang si Kiko ang nailang, tumikhim ito.

"Uh, Elma, this is Suzy. Suzy, this is Elma," pakilala ng lalaki.

"His wife," dugtong niya sa introduction. So, ikaw pala ang malanding Suzy. Hindi na ako nagtataka. 'Kapal ng mukha mo!

"I know." Wala man lang maski kaunting bakas ng pagkapahiya o pagkasorpresa ang mukha ng babae. Parang hindi nakita ng dalawang mata niya kanina lang na nanghihimas ito ng puwit ng may puwit. Hindi siya sanay makiharap sa mga tulad nitong walang pakundangan. Ngalingali na niyang bulyawan ang babae. Kaya lang, ayaw niyang gumawa ng eksena. Nagpakatimpi-timpi siya.

"E-Elma..." sabi ni Kiko, mahihimigan sa boses ang pagkailang.

"Elma, it's nice to finally meet you," sabi ni Suzy, saka binalingan si Kiko. "I'll be at the hotel."

Napaawang na lang ang bibig ni Elma sa sobrang pagkabigla. Hindi niya inaasahan na may mga taong ganoon pala katapang ang apog, harap-harapan kung gawin ang wala sa lugar. Nang matauhan ay hinarap niya si Kiko. Nag-aalangang nagkibit-balikat ito.

"Ganyan ba talaga ang mga chicks mo?" Ramdam niya ang pag-iinit ng mukha at leeg sa sobrang inis. Mabuti na lang at puting-puti sa kapal ng makeup ang kanyang mukha. "Bastos siya," dagdag niya.

"She's just a friend, what are you talking about?" paiwas na sabi nito.

"Kunwari ka pa." Napaismid siya. "Alam kong babae mo 'yon!"

Kumunot ang noo ni Kiko, nagsalubong ang mga kilay. "For the sake of argument, say she's really my girlfriend, what's it to you? Why are you acting weird about it, huh?"

Si Elma naman ang natameme. Ano nga ba ang pakialam pa niya? Bakit nagpuputok ang butse niya? Tatalikuran na sana niya si Kiko kung hindi lang niya nakita si Suzy sa isang panig, nakatingin sa kanila. Itinaas niya ang noo, saka ikinawit ang braso kay Kiko.

"Let's go home."

"And why would we do that?"

"Because we need to be together. Spend some time together. Alone." Nilagyan niya ng lambing ang boses.

Parang nakalulon ng giniling na pako si Kiko. Mayamaya ay kumurba ang isang ngiti sa mga labi nito at sabay na silang lumabas ng Red Base. Nagbubunyi ang kalooban niya.

Ano ka ngayon, Suzy?

Territorio de los Hombres 5: Francisco de CambreWhere stories live. Discover now