Part 10

4.9K 187 38
                                    

"AAAAAANG PASKO AY SUMAAAAAPIT! TAYO AY magsiaaaaawit! Naaaang magagandang hiiiiiimig! Dahil sa Diyos ang pag-iiiiiiibig~!"

"Walang tao dyan, mga bata." Bitbit ang dalawang grocery bags sa dalawang kamay, itinuro ni Alexa ang kanilang bahay. "Doon na lang kamo mangaroling. Maraming pera 'yung dalawang matanda dun."

"Ate Alexa, sa iyo na lang po kami mangangaroling." Agad nagsilapitan sa kanya ang mga bata at nagsimulang mag-ingay gamit ng mga improvised na musical instruments ng mga ito. "Aaaang Pasko ay sumaaaaapit! Tayo ay magsipagsiaaaaaawit! Naaaaaang magagandang—"

"Ma-ngag-si-a-wit," pagtatama niya. "Ulitin nyo. 'Tayo ay mangagsiawit...'"

"Tayo ay mangsi-awit~"

"Ma-ngag. Maaaa-ngag-si-awit."

"Iba na lang po ang kakantahin namin. Ang hirap, eh." Nagsimula uling kumanta ang mga ito kahit walang signal mula kay Alexa. "Sa maybahaaaay ang aming baaaati! Meri krismaaaaaas na malwahati~"

"Maluwalhati. Ma-lu-wal-ha—"

"Ate, bigyan nyo na lang po kami. Kahit limang piso lang."

"Hindi nyo nga mabuo ang mga kanta nyo, nanghihingi na agad kayo ng pamasko?"

"Ang hirap po, eh. Sige na po. Para may pambili po kami ng bigas."

Gustong barahin ni Alexa ang mga ito. Kilala niya kasi ang mga bata dahil kapitbahay lang niya sa subdibisyon ang mga ito. Pero Pasko naman kaya hinayaan na lang niya. She took out her wallet and gave her two five-peso coins.

"Ate Alexa, nasan po si Kuya Ian?"

"Oo nga po, Ate Alexa. Kahapon po tsaka nun isang araw, nangaroling po kami dito sa bahay nya pero wala po siya."

"Hindi ko rin alam eh..." sagot niya.

"Kailan po siya babalik? Siya lang po kasi nagbibigay sa amin ng 'wan handred' pag nangangaroling kami dito sa bahay nya, eh."

Nginitian lang niya ang mga ito nang ibigay ang barya sa 'treasurer' ng mga ito. "Dumaan-daan na lang kayo rito sa tuwing mangangaroling kayo. Matitiyempuhan nyo rin siya."

"Sana po dumating na siya bukas. Kasi hanggang bukas na lang po puwede mangaroling, di ba?"

"Bisperas na nga pala ngayon ng Pasko, ano?" Muling sinulyapan ni Alexa ang may kadilimang bahay ni Ian. Dalawang araw na ngang hindi nagpapakita roon ang binata. "Babalik iyon. Kailangan niyang bumalik dahil kung hindi, pamamahayan ng mga multo ang bahay niya kapag matagal iyang nawalan ng tao."

Napalingon na lang siya sa mga bata nang magtakbuhan ang mga ito palayo. Tila ba may kung anong biglang kinatakutan. Nagkibit-balikat na lang si Alexa nang muling balingan ng tingin ang tahimik na bahay.

"Ano na ang nangyari sa iyo, Ian? Nasan ka na ba? Ayos ka lang ba?" Naalala pa niya nang huling beses niyang makita ang binata.

"Alexa! Ano pa ang tinutunganga mo riyan?" tawag ng kanyang ina sa kabilang bakuran, hawak pa nito ang isang sandok. "Bilisan mo na at kanina pa nangungulit ang Tatay mo na masusunog na ang niluluto niya. 'Yung huling ingredients daw para sa espesyal niyang pininyahang manok, nasaan na?"

"Nandiyan na ho!" Mabilis niyang iniabot sa ina ang grocery bags nang hindi pumapasok sa loob ng kanilang bakuran. "Punta lang ho ako sa bahay ni Ian, 'Nay."

"Mabuti pa nga. Imbitahan mo na rin siya na dito na uli sa atin mag-Noche Buena. Kahit wala kamo siyang bitbit."

"Huwag na muna kayong umasa, 'Nay. Alam nyo namang may malalim na pinagdadaanan si Ian. Baka nga wala siya rito ngayong Pasko..."

CHRISTMAS IN OUR HEARTS (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon