Part 5

2.1K 104 5
                                    

"TRAFFIC. IT'S MORE FUN IN THE PHILLIPINES!" biro ni Alexa nang mapansing umiinit na ang ulo ni Ian. "Chill lang. Makakaalis din naman tayo rito."

"Halos isang oras na tayo sa usag-pagong na traffic na 'to."

"At least hindi dalawang oras. O tatlo. Kaya chill ka lang. Here." Kinuha niya ang isang bola mula sa yakap niyang malaking ecobag ng kanyang mga pinamili.

"Ano ang gagawin ko riyan?"

"Iitsa-itsa mo sa ere. Para malibang ka at mawala ang init ng ulo mo. O, heto pa. Kendi. Tatlo. Para 'I love you'."

Nakangisi pa si Alexa nang iabot sa kaibigan ang mga kendi na nadukot niya sa bulsa ng suot na uniporme. Pero unti-unting tumabingi ang ngiti niya nang makitang seryoso lang ang guwapong mukha ni Ian na nakatingin sa kanya. Hindi tuloy niya maiwasan na mailang at gapangin na naman ng kakaibang kaba ang puso niya. Nadagdagan pa nang maala ang eksena nila kanina sa cashier counter, 'yung bulungan session na talaga nga namang nakapagbigay yata ng isang libo't isang kiliti sa kanyang puso. Malinaw pa iyon sa aalala niya kaya ngayong kaharap niyang muli ang guwapong mama'ng ito...

"Thank you." Kinuha nito ang mga kendi.

Sa pagdampi ng kanilang mga kamay, pakiramdam ni Alexa ay may bolta-boltaheng kuryenteng dumaloy sa buo niyang katawan, kaya mabilis siyang nagbawi ng kamay

"You're welcome." Kasabay niyon ay ang pag-iinit ng kanyang mga pisngi.

Nagba-blush ba ako? Oh, no! He's my friend, for Pete's sake—

"Aaah!" gulat niyang sigaw nang may biglang kumatok sa katapat niyang bintana ng sasakyan. Isang bata ang nakita niya roon, hawak ang mga kuwintas ng sampaguita. "Diyos ko, Lord! Galit ba sa akin ang mundo ngayon?"

"Just ignore it," tukoy ni Ian sa batang kumakatok. "Baka mamaya miyembro pa iyan ng sindikato at madisgrasya ka pa kapag binuksan mo 'yang bintana."

"Parang ka-edad lang niya ang mga estudyante ko..." Naantig na ang puso ni Alexa. Ibinaba na niya ang bintana.

"Bili ka na ng sampaguita ko, Miss. Para may pang-ulam na kami."

"Mag-'po' ka muna."

"Ha?"

"Gumamit ka ng 'po' at 'opo', papakyawin ko lahat ng sampaguita mo."

Lumapad ang ngiti ng bata sa narinig. At buong lakas na nagsalita uli. "Bili na po kayo ng mga sampaguita ko po, Miss! Para po may pambili na kami po ng ulam namin po!"

Natawa na lang si Alexa habang kumukuha ng pera sa kanyang wallet. "Para kang mga estudyante ko. Magkano ba ang mga iyan—"

Bigla na lang nawala sa kamay niya ang kanyang wallet. Nakita ni Alexa ang pagtakbo sa unahan nila ng isang binatilyo, kipkip sa kamay an gwallet niya. Bumagsak sa harapan niya ang mga sampaguita at sumunod na rin na tumakbo ang batang babae sa binatilyong iyon.

"Sinasabi ko na nga ba." Palabas na ng sasakyan si Ian nang pigilan ni Alexa.

"Hayaan mo na, Ian."

"Anong hayaan? Kinuha nila ang wallet mo."

"Para namang masusundan mo pa sila. Hayaan mo na." Inamoy-amoy pa niya ang mga bulaklak. "May twenty pesos ka ba riyan?"

"Bakit?"

"Pautang muna. Baka kasi bumalik 'yung bata. Siguradong kulang ang laman ng wallet ko para sa lahat ng sampaguitang 'to."

Nakatanga na lang sa kanya ang binata, tila hindi makapaniwala sa naririnig. Mayamaya ay napangiti na lang itong naiiling-iling. Nag-umpisa na uling umusad ang mga sasakyan.

CHRISTMAS IN OUR HEARTS (Completed)Where stories live. Discover now