Chapter Thirty-five

3.5K 160 93
                                    

NANLAMIG ang buong katawan ni Emong sa sinabi ng ina ni Aldrin. Parang bigla siyang nahilo. "Ano pong wala na si Aldrin? Ano pong nangyari sa kanya?" Agad nangilid ang kanyang luha at anumang oras ay alam niyang maglalandas ito sa kanyang mga pisngi.

"Wala na si Aldrin, Emong. Wala na siya rito. Nakiusap siya sa amin ng tatay niya na kung puwedeng umuwi na lang muna siya sa mga lola niya sa Mindoro para doon magpagaling. Pupunta pa lang ako dapat sa school n'yo bukas para i-drop siya. Sa susunod na semestre na lang daw siya mag-aaral. 'Pag hilom na ang mga sugat..."

May naramdamang kurot sa puso si Emong. Ang huling sinabi ng ina ni Aldrin ay dalawa ang puwedeng ipakahulugan. Una ay ang literal na sugat na natamo nito sa holdaper. Ikalawa ay ang sugat na ibinigay niya sa puso ni Aldrin.

Nahihiya siyang tumingin kay Aling Naty. "I'm sorry po... Hindi naman mangyayari ito kung hindi dahil sa akin. Napahamak si Aldrin dahil sa akin. Kasalanan ko po ito. Sana ibinigay ko na lang ang hinihingi ng mga holdaper para hindi na umabot sa ganito." Hindi na niya napigilan ang mapaiyak dahil sa labis na pagsisisi.

"Wala kaming sinisisi sa nangyari. Alam naming hindi mo naman iyon ginusto. At walang sinumang gugustuhing mangyari ang ganoon," malumanay na pahayag ng ginang. "Huwag mong sisihin ang sarili mo. Kahit kailan, hindi ka sinisi ni Aldrin."

Mas lalo na siyang napahagulgol.

"Puwede ko po bang malaman ang address ni Aldrin sa Mindoro? Gusto ko po sana siyang puntahan."

"Huwag na muna ngayon. Hayaan muna natin siyang mapag-isa," sabi ni Aling Naty. "Nag-aaral ka, iyon na lang muna ang bigyan mo ng atensyon. Maayos ang lagay ni Aldrin sa Mindoro. Hindi siya pababayaan doon ng lola niya."

ANG abuhing himpapawid ay unti-unti nang nangingitim tanda na malapit nang bumagsak ang naipong ulan sa ulap. Ang kanina'y mainit na haplos ng hangin ay napalitan ng simoy na banayad ang lamig.

Nang magsimulang pumatak ang ulan ay nagpasya si Aldrin na tumayo mula sa pagkakaupo niya sa tuktok ng burol na iyon na naging tambayan na niya kapag gusto niyang mapag-isa at magmuni-muni ng mga magagandang pangyayari sa kanyang buhay. At sa lahat ng magagandang pangyayaring iyon, ang mga pagkakataong kasama si Emong ang para sa kanya ay pinakamemorable at pinakamasaya. Kapag gusto niyang ngumiti, iniisip lang niya si Emong. Si Emong lang ang bukod tanging nakapagbibigay ng ngiti sa kanyang labi. Lalo na ngayon na halos gumuho na sa kanya ang mundo.

Ilang buwan na rin ang nakalilipas mula nang mangyari ang insidenteng iyon na halos kumitil sa buhay niya at nagbigay sa kanya ng panghabangbuhay na tatak ng kapangitan. Kasabay ng paglabas niya sa ospital ay nag-iba na ang kanyang mga prayoridad. Una nang nawala ay ang gana niyang mag-aral. Kung hindi nga lang dahil sa matinding pakiusap ng kanyang mga magulang, hinding-hindi na rin siya tatapak sa paaralan at magtatrabaho na lang sa bukid o kaya naman ay pangingisda sa dagat. Sa tuwing tumitingin siya sa salamin ay nakikita niya ang malalim at malaking pilat sa kanyang mukha na dala ng pagkakahiwa noong makaengkwentro niya ang dalawang lalaking humoldap kay Emong. Hanggang sa huli, wala siyang inisip kundi ang maipagtanggol at maprotektahan si Emong, ang alembong na tangi niyang minahal. Na kahit na nagbago ang kanyang mga prayoridad, si Emong ay mananatiling mayroong puwang sa kanyang puso.

Humarap si Aldrin sa malawak na kapaligiran at idinipa ang kanyang dalawang kamay. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at saka ubod-lakas siyang sumigaw.

"Emong!!!"

Narinig niya ang alingawngaw ng kanyang pagsigaw. Sumigaw siya ulit.

"Mahal na mahal kita!!!"

At isa pa...

"Mahal na mahal kita, Emong!!!"

"Mahal din naman kita, Aldrin! Kaya hindi mo kailangang lumayo sa akin!"

Nagmulat siya ng mga mata. Tama ba ang narinig niya?

Boses ni Emong iyon. Hindi siya nananaginip. Hindi siya maaaring magkamali.

Dahan-dahan siyang lumingon sa likuran at nakita niya si Emong.

Kinusot niya ang kanyang mga mata. Baka nililinlang lang siya ng kanyang paningin... pero ganoon pa rin.

Si Emong nga! Nandito si Emong!

At papalapit ito sa kanya!

Bigla ay na-conscious siya. Makikita ni Emong ang malaking pilat sa kanyang mukha na isa sa mga dahilan kung bakit ayaw na niyang magpakita rito. Makikita ni Emong ang kanyang kapangitan at ayaw niyang mangyari iyon.

"Ang daya mo!" sigaw sa kanya ni Emong nang makalapit na sa kanya. Magkahalo na sa mukha nito ang pawis at luha. "Bakit mo ako iniwang mag-isa?"

"Hindi ko gustong iwan ka, Emong," mabilis niyang tanggi. "Ayoko lang na makita mo ako sa ganitong itsura." Nangilid ang kanyang mga luha. Nanumbalik ang pagkaawa niya sa sarili. "Ang pangit ko na. Paano pa ako lalapit sa'yo? Paano mo pa ako magugustuhan? Kung noon nga na walang mantsa ang mukha ko hindi mo ako nagustuhan, paano pa ngayon?"

"Aldrin, hindi ka pangit. Nagkaroon ka lang ng pilat sa mukha, pero hindi sapat 'yon para ikahiya mo ang itsura mo. Guwapo ka, Aldrin. Guwapo ka noon. Guwapo ka ngayon. At mananatili kang guwapo sa paningin ko," Nabasag ang boses niya.

Hindi nakapagsalita si Aldrin.

"I'm sorry... Patawarin mo ako kung nabalewala kita. Patawarin mo ako kung hindi ko nakita ang pagbibigay mo ng importansya sa akin. Patawarin mo ako kung inilagay kita sa dulo kahit na ako lagi ang una sa'yo." Ang masaganang luha ni Emong sy mas lalo pang bumukal sa sobrang pagsisisi. Paano nga ba niya nagawang isaisantabi ang taong walang ginawa kundi mahalin lang siya at protektahan? "Tama si Maya. Wala na akong makikitang lalaki na magmamahal sa akin ng katulad ng pagmamahal na ibinibigay mo. Sorry, kasi hindi ko agad na-realize iyon."

"Mahal kita, Emong! Kahit kailan ay hindi magbabago ang pagmamahal ko sa'yo..."

"Mahal din kita, Aldrin," madamdamin niyang sagot. "Napatingin lang sa iba ang mata ko. Naligaw lang siguro ang puso ko. Pero sa huli, alam nito kung para kanino lang ito titibok at kung saang puso patungo."

Niyakap siya ni Aldrin nang mahigpit at masuyong hinalikan ang buhok niyang nililipad ng hangin at nabasa na ng ambon.

Mamaya pa ay kumalas siya sa pagkakayakap ni Aldrin at masayang tinitigan ito. "May dala akong magandang balita sa'yo..."

"Ano iyon?" Nagtatanong ang mukha ni Aldrin.

"Kinausap ni Mrs. Torres ang plastic surgeon na ninong ni Altaire. Napapayag niya ang doktor na operahan ka para maibalik sa dati ang itsura mo. Para mawala na ang malaking pilat sa iyong pisngi," pagbabalita niya rito.

Parang batang namilog ang mga mata ni Aldrin. "Totoo?!" Hindi siya makapaniwala. Siya naman ngayon ang naiiyak, pero sa labis na kasiyahan.

"Totoong-totoo! Sabi ni Mrs. Torres, madali lang daw 'yan lalo na at 'di pa naman gaanong nagtatagal. At saka magaling ang doktor na iyon," pagmamalaki pa ni Emong.

"Nag-iipon din si tatay ng pera para maipaopera ito. Alam kong matatagalan bago siya magkaroon ng sapat na halaga para sa operasyon..."

"Wala kang gagastusin. Sagot na raw no'ng doktor ang lahat," nakangiting pahayag niya.

Hindi pa rin makapaniwala si Aldrin. Ang akala niya'y habang buhay na niyang dadalhin ang pilat na iyon sa kanyang mukha. Hindi pala.

Sa sobrang kasiyahan ay niyakap niya si Emong nang mahigpit na mahigpit. Masaya siya dahil makikita niyang muli sa salamin ang dati niyang itsura. Pero ang mas nagpapasaya sa kanya ay ang katotohanang mahal siya ni Emong Alembong.

THE END





Emong AlembongTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon