Chapter Twenty-nine

1.8K 118 10
                                    

NANG magkamalay na si Grace ay pinuntahan ito ni Altaire sa silid nito kahit pinipigilan siya ng mama niya. Pagpasok niya sa silid ay nakita niyang bahagya pang nagulat si Grace habang nakahiga ito sa hospital bed. Hindi siguro nito inaasahan na pupunta siya roon.

"Kumusta ka?" matamlay niyang tanong.

"A-altaire..."

"Nagpunta lang ako rito para tingnan ang kalagayan mo. Nandoon lang ako sa kabilang kuwarto. Hindi pa rin ako lumalabas ng ospital."

"Sorry... Sana mapatawad mo pa ako."

"Para saan?" Alam niya kung ano ang sinasabi nito pero gusto pa rin niyang dito mismo manggaling ang kasalanang inihihingi nito ng kapatawaran.

"Mahal kasi kita... Kaya ko nagawa iyon. Hindi ko sinasadyang lokohin ka. Ayoko lang na tuluyan kang mawala sa akin," malungkot niyang pahayag. "Noong nagkahiwalay tayo, akala ko okay lang. Akala ko, kaya ko. Inilagay ko sa isip ko na wala naman akong magagawa, Diyos ang karibal ko sa'yo. Kaya madali mo akong napapayag nang mag-break tayo. Pero noong dumami na ang mga araw na hindi na kita nakikita, saka ako nakaramdam ng kalungkutan. At saka kita na-miss nang sobra. Ilang taon na rin ang lumipas mula noon alam ko 'yon, pero kahit minsan ay hindi ka nawala sa puso at isip ko. Kahit noong naging boyfriend ko si Neiji, ikaw pa rin ang mahal ko. Aaminin ko, ginamit ko lang si Neiji para kumbinsihin ang sarili ko na tanggap ko nang wala na tayo. Pero niloko ko lang ang sarili ko at patuloy na niloloko hanggang ngayon." Hindi na niya napigilan ang umiyak.

Umiral ang mabuting puso ni Altaire. Nakadama siya ng awa para sa dating nobya. Hindi niya inakalang sobra itong naapektuhan ng kanilang paghihiwalay.

"Nang mabalitaan kong lumabas ka ng seminaryo, inisip ko na baka makumbinsi kitang huwag nang ituloy ang pagpapari at magpakasal na lang tayo. Pero hindi ako nagkaroon ng pagkakataong gawin iyon dahil ipinaramdam mo sa akin na desidido ka na talaga sa bokasyong pinasok mo." Saglit na huminto si Grace at huminga nang malalim. "Kaya naisipan kong gumawa ng kasinungalingan para mapilitan kang pakasalan ako..." Nabasag na ang boses niya at nagsimulang gumaralgal. "Nagawa ko lang iyon dahil mahal kita. Sobrang mahal kita, Altaire."

Tinapunan siya ni Altaire ng malungkot na tingin. "Gusto kitang intindihin, Grace. Pero hindi kaya naging maramot naman ang pagmamahal mo? Sarili mo lang ang inisip mo. You didn't even consider how your actions would affect my family and the people who love me. Hindi mo man lang inisip na masisira mo ang pangarap ko, ang bokasyong pinasok ko nang dahil sa ginawa mo. Akala ko okay naman tayo noong bago tayo maghiwalay. Nagkaroon ka pa nga ng bagong boyfriend, 'di ba? Pero bakit kailangang lokohin mo hindi lang ako kundi pati ang boyfriend mo, ang mga magulang mo pati na rin ang iba pang naapektuhan sa ginawa mong pagsisinungaling? Nakita mo ngayon ang naging resulta ng ginawa mo. Muntik na tayong mamatay. Iyong boyfriend mo, comatose hanggang ngayon. Ganoon ba ang gusto mong mangyari?" Ayaw niyang sumbatan si Grace pero gusto niyang ipaintindi rito na hindi tama ang ginawa nito.

"H-hindi, Altaire. Mali nga ako. Ang inisip ko lang ay mapipigilan kitang bumalik sa seminaryo... at ikakasal tayo. Hindi ko na naisip na aabot sa ganito ang ginawa ko. Patawarin mo ako, Altaire," sa pagitan ng mga hikbi at sinok ay sinabi ni Grace.

"Nasaktan ako sa ginawa mo, Grace. Pero hindi ako nagalit sa'yo. Kaya madali sa akin ang patawarin ka. Pinatawad na kita. Hindi mo na kailangang ulit-ulitin ang paghingi ng tawad sa akin. Pero sana, humingi ka rin ng tawad sa mga magulang mo dahil pinaniwala mo sila sa isang malaking kasinungalingan." Iyon lang at iniwan na niya si Grace na patuloy lang sa tahimik nitong pagluha.

HALOS magkasunod na lumabas ng ospital sina Altaire at Grace. Nauna lang ng dalawang araw ang binata. Hindi na kinontak ni Altaire ang dating girlfriend. Mas pinagtuunan na niya ng pansin ang pagbabalik niya sa seminaryo. Buo na talaga sa loob niya na pagsilbihan nang lubos ang Diyos sa loob ng simbahan.

Emong AlembongWhere stories live. Discover now