Chapter Twenty-seven

1.7K 121 15
                                    

TILA biglang natauhan si Neiji nang makita ang duguang katawan ni Grace. "H-hindi ko sinasadya..." nanginginig ang boses nitong sabi habang walang tigil sa pag-iling. "Hindi ko sinasadya, babe. Hindi ko sinasadya. Sorry, babe..."

Bigla ay tumakbo si Neiji papunta sa kanyang motor at kaagad na sumakay rito. Nakita pa niya ang mga tao sa paligid na ang ilan ay tumatakbo papunta sa gawi niya. Pinaharurot niya ang motor upang agad na makaalis sa lugar na iyon. Hindi na nga siya nakapagsuot ng helmet.

Balisang-balisa si Neiji habang pinatatakbo ang motor. Magkahalong kaba at takot ang mababakas sa kanyang mukha.

Pagliko niya sa kanto ay hindi niya napansin ang isang humaharurot na kotse. Mabilis ang mga naging pangyayari. Sumalpok ang kotse sa motor ni Neiji.

Tumilapon sa ere si Neiji at saka bumagsak sa kalye. Huminto ang kotseng nakabangga sa motor at agad na bumaba ang driver nito para saklolohan ang kanyang naaksidente.

SINA Altaire at Grace ay tinulungan din ng mga kapitbahay. Isang lalaki ang tumawag ng taksi at kaagad na isinugod sa pagamutan ang dalawang biktima ng pananaksak. Walang malay si Grace at ang patalim ay nakasaksak pa rin sa tagiliran nito. Si Altaire naman ay may malay pero nanghihina na dahil sa dami ng dugong tumagas sa katawan nito.

Nang makarating sa ospital ay mabilis na kumilos ang mga doktor upang isalba ang buhay nina Altaire at Grace.

KANINA pa nagri-ring ang telepono sa bahay ng pamilya Torres. Nagmamadaling tumakbo sa salas si Emong para sagutin ang tumatawag.

"Hello, sino po sila?" malambing na tanong niya. Saglit niyang pinakinggan ang sagot ng tumatawag.

"Opo, dito nga po. Ano po ang nangyari sa kanya?" Bigla ang dating ng kaba sa kanyang dibdib sa sinabi mg kausap. "Sige po, pupunta na kami kaagad diyan." Parang nanghihinang ibinaba niya ang telepono at ubod lakas na tumili. "Nanay, si Altaire!!!"

Hangos na napalabas ng silid si Aling Rosita. "Anong nangyari? Bakit ka tumili?"

"May tumawag, 'nay. Nurse daw siya sa... ano nga bang ospital 'yon? Andoon daw si Altaire, nasaksak daw!"

"Ha? Mahabaging Diyos!"

"Anong gagawin natin, 'nay? Baka mamatay si Altaire."

"Huwag ka ngang nag-iisip ng ganyan," saway niya sa anak
"Teka, tatawagan ko si Mrs. Torres. Kailangang maipaalam natin kaagad sa kanya ito."

Kaagad na nag-dial sa landline si Aling Rosita para tawagan ang ina ni Altaire.

"Hello, Ma'am! Si Rosita po ito," pagpapakilala niya nang marinig niya ang boses ng amo. Ang lakas ng kabog ng dibdib niya habang nagsasalita.

"O, bakit ka napatawag? May problema ba?"

"Si Altaire po, ma'am nasa ospital, nasaksak po siya sabi noong nurse na tumawag dito," mangiyak-ngiyak ang ina ni Emong.

"Ano? Saang ospital?" Bagamat nagulat sa sinabi ng kausap ay pinilit nitong pakalmahin ang sarili.

Napatingin si Aling Rosita sa anak. "Saang ospital dinala si Altaire?"

"Ano, 'nay, sa St. Pancratius Medical Center daw."

"Sa St. Pancratius Medical Center po, ma'am."

"Sige, pupunta na ako. Ikaw na muna ang bahala diyan sa bahay," bilin sa kanya ni Mrs. Torres.

"Opo, ma'am." Ibinaba na niya ang telepono.

"Gusto kong pumunta sa ospital, 'nay. Gusto ko pong makita kung ano na ang kalagayan ni Altaire," humihikbi niyang sabi. "Kasalanan ko ito, eh. Kung hindi ko sinabi sa kanya, hindi sana siya aalis ng bahay. Hindi sana siya nasaksak."

Emong AlembongWhere stories live. Discover now