Chapter Fourteen

1.9K 131 13
                                    

"NAKU, SORRY!!!" Hiyang-hiya si Emong sa nangyari. Bigla siyang bumalikwas nang bangon at bumaba sa kama. "Pasensya ka na, Altaire. Sa ibang araw na lang tayo magkuwentuhan. Inaantok na pala ako. At saka kailangan ko pang gumising nang maaga bukas. Sige, ha. Goodnight." At dali-dali na siyang lumabas ng silid at nagtatakbo pabalik sa kanyang kuwarto.

Naiwang nakatanga si Altaire. "Anong nangyari doon? Akala mo may nahawakang impakto," bulong niya sa sarili. Bumangon na lang siya at ni-lock ang pinto. Bago bumalik sa kama ay pinatay na rin niya ang ilaw.

Si Emong ay nakabalik na sa kanyang silid. Hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyari. Sa maniwala kayo o hindi, talagang hindi niya sinasadya na mag-landing sa ibabaw ng boxers ni Altaire ang kamay niya. Pero ang lubos na ipinagtataka niya ay kung bakit parang balewala lang ito kay Altaire. Hindi man lang ito nag-react ng negatibo. Hindi man lang nagalit sa kanya. Sabagay, hindi naman talaga niya sinasadya.

Oww?!! Tila kumontra ang isip niya. Hindi raw sinadya?

"Hindi naman talaga. Kahit malandi ako, hindi ko kailanman inisip na manghipo. Hesusmaryosep!" depensa ni Emong sa sarili. "Sa ganda kong 'to, hindi ko na kailangang manghipo. Kusa na nilang ibibigay."

Nakarinig ng katok sa pinto si Emong.

"Diyos ko! Si Altaire! Sinundan ako ni Altaire!" pigil na pigil niya ang pagsasalita. Ayaw niyang marinig siya ni Altaire na nasa labas lang ng silid.

Muli niyang narinig ang pagkatok sa pinto. Napatayo siya. Pagbubuksan ba niya si Altaire?

Dahan-dahan siyang lumapit sa pinto. Pigil niya ang kanyang paghinga habang unti-unti niya itong binubuksan.

"Altaire, matulog---" Nanlaki ang mga mata niya nang makita kung sino ang nasa labas ng pintuan. "Nay? Anong ginagawa n'yo riyan? Hindi po ba kanina pa kayo natutulog?"

"Para kasing naririnig kitang may kausap diyan sa loob. Akala ko nananaginip ka kaya bumangon ako."

"Weh? Ganoon ba kalakas ang boses ko para marinig n'yo sa kabilang kuwarto?"

"Hindi ko naman naririnig talaga kung ano ang sinasabi mo. Para lang may mga bumubulong na ewan. Akala ko nga tulog ka na rin. Eh, bakit gising ka pa?"

"Wala po. Hindi lang kasi ako makatulog, 'nay. Namamahay siguro ako. Baka narinig n'yo lang iyong pagbabasa ko ng dyaryo. Nagbabasa kasi ako kanina, pampaantok."

"Nasaan ang dyaryo?" tanong ng ina ni Emong na tila hindi kumbinsido sa sinabi ng anak.

"Naku, 'nay matulog na nga po tayo. Anong petsa na? Maaga ka pang gigising para magluto ng almusal ni Mrs. Torres."

"O, siya sige babalik na ako sa kuwarto. Ikaw, matulog ka na rin," bilin niya sa anak. "Tama na ang pagpapantasya kay Altaire!"

"Huh?! 'Nay!!!" Hindi na siya pinansin ng ina dahil diretso na itong pumasok sa silid.

Isinara ni Emong ang pinto at sinigurong naka-lock ito bago humiga sa kama. Kailangang pilitin na niya ang sarili na makatulog. Pero kahit anong posisyon pa ng paghiga ang gawin niya ay hindi talaga siya dinalaw ng antok. Mag-uumaga na nang bumigat ang kanyang mga mata at tuluyan nang makatulog.

Mga katok sa pinto ang gumising sa kanya. Akala niya ay nananaginip lang siya pero may kumakatok talaga. Antok na antok pa naman siya. Ayaw pa niyang bumangon.

Pinilit niya ang sarili na tumayo upang buksan ang pinto. Halos hindi nakadilat ang kanyang mga mata nang marinig ang boses ng ina.

"Guillermo, aba ay bumangon ka na riyan at tanghali na. Anak, nakakahiya kay Mrs. Torres at kay Altaire. Nauna pa silang magising sa'yo." Kalmado ang pagtatalak ni Aling Rosita sa anak. Wala sila sa sarili nilang bahay. Nakakahiyang magpuputak sa kanyang normal na tono.

"Opo," inaantok na sagot ni Emong habang nagkakamot ng ulo. "Maghihilamos lang po ako at magsesepilyo."

"Sige, bilisan mo."

Hindi magawang kumilos nang mabilis ni Emong dahil talaga namang inaantok pa siya. Mabuti na lang at may sariling banyo sa loob ng kanyang kuwarto, hindi na niya kailangang lumabas para maglinis ng sarili.

Nang sa wakas ay natapos na niyang gawin ang kanyang morning ritual ay nagpalit siya ng suot na damit bago siya lumabas ng silid.

"Mabuti naman at lumabas ka na. Dalhin mo itong juice kay Altaire," utos ni Aling Rosita.

"Nasaan po siya?"

"Nandoon sa pool. Araw-araw pagkagising ay nagbababad siya sa pool. Iyon na rin ang kanyang morning exercise, ang lumangoy."

"Wow, ha? Updated ka, 'nay. Ikaw na."

"Nagkausap kasi kami kanina, bago siya pumunta sa pool."

"Ahh," tumango-tango si Emong. "Sige po, dadalhin ko na itong juice."

Hindi pa siya gaanong nakakalapit sa pool ay nakita na siya ni Altaire at agad siyang binati nito. "Hi, Emong! Langoy tayo!"

Sumisid ito at pagkatapos ay umahon sa pool.

Nalaglag ang panga ni Emong pagkakita kay Altaire. At bakit naman hindi eh tila ito isang bathala na bumaba sa lupa. Kung kagabi ay halos lumuwa ang mata niya sa itsura ni Altaire na boxers lang ang suot, ngayon ay halos panawan na siya ng ulirat sa itsura nitong naka-skimpy blue swimming trunks lang at mamasa-masa ang katawan pag-ahon nito sa pool.

Pakiramdam ni Emong ay nanginig ang kanyang mga kamay at kung hindi niya naagapan ay baka nahulog ang basong may lamang juice.

"Ano ba naman itong si Altaire. Seminarista ito ha, pero parang isinugo ng demonyo para tuksuhin ako," bulong niya sa sarili.

Ipinatong niya ang juice sa maliit na mesang nasa gilid ng pool.

Lumapit sa kanya ang binata. Hindi niya inaalis ang pagkakatitig dito habang naglalakad papunta sa kanya.

"Salamat sa juice, ha?" Ang tamis ng pagkakangiti ni Altaire. Ano ba? Inaakit ba siya nito?

Ambisyosa!

Ilusyunada!

Hindi porke mabait sa'yo ang tao eh inaakit ka na. Sinaway ni Emong ang sarili. Mali nga namang bigyan niya ng ibang interpretasyon ang kabaitan ni Altaire.

"Ba't ang tahimik mo?" tanong ni Altaire habang iniinom ang juice na dala niya.

At saka lang tila nagising si Emong. "Ha? Hindi. Inaantok pa kasi ako."

"Napuyat ka ba?"

"Hindi kasi ako makatulog."

"Langoy na lang tayo para mawala ang antok mo." At bago pa nakakilos si Emong ay nahila na siya ni Altaire at sabay silang nahulog sa pool.

Emong AlembongTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon