Chapter Nine

2.6K 165 16
                                    

"HUWAG KANG masyadong magsalita. Magpahinga ka na lang muna," paalala ni Altaire kay Emong.

Lihim siyang kinilig. Bakit ba pakiramdam niya ay concerned na concerned sa kanya ang binatang seminarista?

"Mukhang okay naman na ako. Masakit lang itong mga sugat ko, pero ayos na ayos na ako. Salamat, Altaire ha?" pa-cute na sabi ni Emong.

"Dapat ka talagang magpasalamat kay Altaire. Alam mo bang siya pa ang bumili ng mga gamot mo? Ang dami na tuloy nating utang sa kanya," biglang sabi ni Aling Rosita.

Napamulagat si Emong. Ginawa 'yun ni Altaire para sa kanya? OMG! Special siya para kay Altaire!

"Sabi ko naman po sa inyo, bigay ko 'yun. Hindi po 'yun utang. Wala po kayong pagkakautang sa akin kaya huwag po kayong mag-alala," maagap sa sagot ni Altaire sa ina ni Emong.

"O, 'yon naman pala 'nay eh. Mabait po talaga si Altaire. Nagbigay lang po siya ng tulong, hindi nagpautang."

"Kahit na. Nakakahiya pa rin. Pati tuloy si Altaire naabala natin."

Napapangiti lang ang binata. "Wala po 'yun. Magkapitbahay po tayo. At saka kaibigan ko si Emong kaya natural lang po na tumulong ako kung ano man po ang makakaya ko," sabi nito sa malumanay na boses. Bumaling ito kay Emong. "Ikaw, magpahinga ka. Para gumaling ka kaagad."

"Opo," nag-beautiful eyes pa si Emong kay Altaire.

"Paano? Aling Rosita, uuwi po muna ako."

Nakaramdam ng lungkot si Emong. Feeling niya ay mas mabilis siyang gagaling kung nandito lang si Altaire at nakikita niya.

"Sige, Altaire. Mag-iingat ka. At saka maraming salamat ulit sa'yo sa lahat ng naitulong mo," bukal sa loob na sabi ng nanay ni Emong.

"Emong, babalik na lang ako bukas."

Malungkot na nagsalita si Emong, "Salamat, Altaire."

Kumaway pa ang binata kina Emong at Aling Rosita bago ito tuluyang lumabas ng silid.

"Kelan po ako pwedeng lumabas, 'nay?

"Hindi ko pa alam. Wala pang sinasabi ang doktor."

"Sana makalabas na ako bukas. Ang dami ko pang school projects na kailangang gawin. Alam n'yo namang malapit na ang graduation."

"Sa susunod, mag-iingat ka kasi sa daan. Para iwas disgrasya."

"Nanay, aksidente 'yon. Hindi ko naman po ginustong mangyari iyon. Asan na nga po pala 'yong tricycle driver na nakadisgrasya sa 'kin?"

"Hindi ko na naitanong kay Maya. Nataranta na kasi ako. Pagpunta niya rito, tatanungin ko siya. Kailangang managot ang driver na 'yon sa nangyari sa'yo."

"Dapat lang. Paano pa ako mananalo sa mga beauty contest kung ganitong may peklat na ako sa binti at baka pipilay-pilay na akong maglakad?"

"May sugat ka kasi sa binti kaya posible ngang iika-ika kang maglakad. Pero kapag gumaling na 'yan, babalik lahat sa normal. Huwag mong isipin na magkakadiprensya ka sa paglalakad. May awa ang Diyos, anak."

"Good evening po, Aling Rosita." sabi ng tinig na galing sa may pinto ng silid.

Sabay na napalingon doon ang mag-ina.

"Maya, nandito ka na ulit? Sinong kasama mo?" tanong ni Aling Rosita.

"Bespren..." Si Emong. Bakas sa mukha niya ang saya na makita ang matalik na kaibigan.

"Kasama ko po si Aldrin. Nauna lang po akong pumasok. Bumili pa po kasi siya ng dalandan dun sa labas ng ospital." Bumaling ito sa matalik na kaibigan. "Bespren, kumusta na ang pakiramdam mo?"

"Masakit lang itong sugat sa binti ko at sa ulo pero okay na ako, bespren. Nothing to worry anymore. Gusto ko na ngang lumabas ng ospital dahil marami pa tayong gagawing school projects."

"At saka mo na problemahin 'yun, bespren. Magpagaling ka na lang munang mabuti. Aba, halos mamatay ako sa nerbiyos nung makita kong dumudugo ang ulo mo."

"Maya, nahuli ba 'yung driver na nakasagasa sa anak ko?" tanong ni Aling Rosita sa kaibigan ng anak.

"Ay, opo. Nahuli po siya. Dapat po kasuhan n'yo 'yun. Grabe ang ginawa niya kay bespren." Napatingin ito sa pintuan. "Eto na pala si Aldrin."

"Magandang gabi po, Aling Rosita. Emong, kumusta ka na? Bumili ako ng prutas para sa'yo." Iniabot niya kay Aling Rosita ang plastic bag na may lamang dalandan.

"Salamat, Aldrin. Nag-abala ka pa," sabi ng nanay ni Emong.

"Wala po 'yan. Maliit na bagay lang." At sinulyapan nito si Emong na nahuli niyang umirap sa kanya. Bakit ba inis na naman yata sa kanya ang kaklase? Wala naman siyang ginagawa para ikainis nito.

"Mahal na mahal po kasi si Aldrin si Emong, Aling Rosita. Kaya ayan at may pa-prutas pa siya," panunukso ni Maya. Hindi siya nag-alangan na malaman ng matanda na gusto ni Aldrin si Emong dahil tanggap naman ni Aling Rosita ang pagkatao ng anak.

Tiningnan lang ni Aling Rosita si Aldrin na tila hiyang-hiya sa pambubuko ni Maya.

"Kumain na ba kayong dalawa?" maya-maya'y pag-iiba ni Aling Rosita sa usapan. "Kung hindi pa ay lalabas muna ako para makabili ng makakain n'yo."

"Naku, huwag na po. Mamaya na lang po kami kakain pagkauwi," maagap na pigil ni Aldrin.

"Oo nga po. Sa bahay na lang kami kakain. Busog pa naman po kami," pagsang-ayon naman ni Maya.

"O, sige kayo ang bahala. Lalabas muna ako sandali. May bibilhin lang ako. Maiwan ko muna kayo rito."

"Sayang, hindi n'yo naabutan si Altaire. Kaaalis lang niya," sabi ni Emong pagkalabas ni Aling Rosita sa silid. "Sana nakilala n'yo siya."

"Nakilala na namin siya kanina, bespren pagdating nila rito ng nanay mo," sagot ni Maya.

"Ah, talaga?" Bumakas ang excitement sa mukha ni Emong. "Ang guwapo niya, 'di ba?"

"Hindi naman ako pahuhuli sa itsura no'n. Guwapo rin naman ako," kompiyansang sabi ni Aldrin.

"O, ayan may nagseselos nang isang bata rito," muling nanukso si Maya.

"Hindi ako nagseselos, 'no? Seminarista 'yun kaya imposibleng magkagusto 'yun kay Emong."

"Eh, paano kung magkagusto pala? Alam mo bang siya ang bumili ng mga gamot ko? At alalang-alala siya sa akin. At bukas, babalik ulit siya rito para dalawin ako."

"Bakit? Alalang-alala rin naman ako sa'yo, ah! At isa ako sa nagdala sa'yo rito sa ospital. At dumalaw na ako ngayon, at dadalaw rin ulit ako bukas pagkatapos ng klase."

Pinaikot lang ni Emong ang kanyang mga mata. Si Maya naman ay natatawa lang sa naririnig na pag-uusap ng dalawa niyang kaibigan.

"Kaya bilisan mong magpagaling dahil ayokong nakikita kang nandito sa ospital. Mas gusto kong nakikita kang walang dinaramdam na ano mang sakit ng katawan. Iniisip ko nga na sana ako na lang 'yung nasagasaan kesa ikaw. Kasi mas gugustuhin ko nang ako ang mapahamak, huwag lang ikaw. Mas okay nang ako ang masaktan kesa makita kitang duguan at nasasaktan. Alam mo ba kung bakit?" Huminga nang malalim si Aldrin bago muling nagsalita, "Alam mo naman ang dahilan, pero binabalewala mo lang. Akala mo kasi nagbibiro lang ako. Kung naririnig mo lang kung gaano kita ipinagmamalaki sa mga magulang ko."

Napanganga si Maya. Ngayon lang niya nakita na ganoon kaseryosong magsalita si Aldrin. Damang-dama niya ang sakit at hinanakit sa bawat salita ni Aldrin. Hindi ito basta humuhugot lang. Inilabas lang nito ang kanyang nararamdaman. Hala, totoo na ito! In love na in love na talaga si Aldrin sa bespren niyang bading!

Emong AlembongWhere stories live. Discover now